Bakit ang karamihan, magsisisi lang kapag huli na ang lahat? Malalaman lang nila ang kanilang pagkakamali kapag marami ng taong nasaktan. Gagawa lang ng paraan para maayos ang isang bagay kapag malaki na ang sira.
Hindi ba nila naisip na puwede namang sa simula pa lang ay maayos na upang hindi na mag-iwan ng malaking marka? Para hindi na maging kumplikado ang lahat?
Tulad ng isang ito, minamadali ako dahil nauubos na raw ang panahon niya upang makahingi ng tawad sa mga taong nagawan niya ng kasalanan. E bakit ba? Kasalanan naman niya ang lahat ng ito, a. Kung hindi siya naging pasaway noon, maayos siyang makakatawid sa langit.
At saka matagal akong maligo e. Sorry siya.
"Kapag hindi mo dinalian, sisilipan kita."
Kunwari pa. E kung hindi ko lang alam, gusto lang talaga niya akong silipan. Dinamay pa ang katagalan ko sa pagligo.
"Opo, boss. Ito na."
Nang matapos akong maligo ay may isang papel at isang ballpen akong nakita sa sala—nakalapag ito sa lamesita katabi ng isang plorera kung saan nakalagay ang lantang bulaklak na ipinadala RAW ng manliligaw ng pinsan kong si Joy. E, hindi niya alam na kinuha ko sa delivery man 'yong number ng nagpadala at napag-alaman kong siya lang din naman pala ang tumawag at nagbayad ng bulaklak. Nagawa pang i-post sa facebook. Malakas talaga ang tama.
Hindi ko alam kung para saan ang papel at ballpen na iyon kaya't hinanap ko ang kanyang presensya para tanungin.
Pero wala akong nakitang Lawrence. Nasaan na kaya ang mokong na 'yon?
Sinilip ko siya sa bintana at doon ay nakita ko siyang nakatayo sa gilid ng kalsada. Nakatingin sa mga batang bumibili ng sorbetes. Natawa na lang ako dahil mukha siyang kawawa habang nakatingin sa kanila. Siguro hindi pa siya nakakakain ng sorbetes na inilalako ng mga sorbeterong nakasalakot.
Napatingin siya sa aking direksyon at saka nagmadaling pumasok ng bahay.
"Anong eksena mo 'ron?"
"Ha? Ano 'yon?" balik na tanong niya. Halata sa kanyang nagmamaangmaangan lang.
"Iyong pagtingin mo sa mga bata kanina sa labas. Mukhang inggit na inggit ka kasi. Hindi ka pa nakakatikim ng Dirty Ice Cream 'no?"
"Hindi, a. May naalala lang ako."
"Naalala? Sino?"
"Wala. Ito muna ang unahin natin bago ang kuwentuhan."
Umupo siya sa sofa at inayos ang papel at ballpen na nakalapag sa lamesita.
"Para saan nga pala 'yan?"
"A, ito? Gagawa tayo ng listahan."
"Anong klaseng listahan? Listahan ng utang?" natawa ako sa kakornihan ko. Hindi naman bumenta sa kanya iyon kaya't napalunok na lang ako.
"Ano ba kasing listahan ang gagawin natin?" muli kong tanong sa kanya.
"Listahan ng mga taong nagawan ko ng kasalanan."
Natawa ako dahil hindi ko naisip na kailangan pa ng listahan. Siguro sobrang dami ng mga na-bully niya para gumawa pa noon.
Pero mukhang seryoso siya kaya sumang-ayon na lang ako. Isa pa, mukhang magandang ideya iyon. Mas mapapadali ang mga gagawin namin.
Banggit siya nang banggit ng pangalan at sinasabi niya ang partikular na nagawa niyang kasalanan sa taong iyon. Habang ako naman ay isinusulat lang ang mga pangalan na sinasabi niya.
"Si Domingo, na ngayon ay si Donna na. Elementary kami ng matuklasan kong bakla siya dahil panay ang silip niya sa pagkalalaki ko kapag umiihi kami. Ipinagkalat ko sa buong paaralan 'yon at hindi na siya pumasok pa pagkatapos noon. Wala na akong balita sa kanya hanggang sa malaman ko sa aming reunion na nasa Thailand na raw at doon nagparetoke."
"Si Jomar o mas kilala bilang Pisot. Mortal kong kaaway at karibal mula pa noong bata. Palagi kong ipinapamukha sa kanya na mahina siya at kailanman ay hindi niya ako kayang mapantayan. Alam kong kahit na ngayon na wala na ako ay may poot pa rin siyang nararamdaman sa akin. Hindi niya ako basta-bastang mapapatawad."
"Ang pamilya ni Mayumi, ang pamilyang nasaktan ko nang sobra. Si Mayumi ang nagturo sa akin na magmahal muli, ngunit hindi naging sapat iyon para panindigan ko ang aming relasyon. Noong nalaman ko na may sakit siyang malubha ay nagkaroon ako ng pag-aalinlangan. At nang sabihin niyang pinalalaya na niya ako sa aming relasyon ay hindi na ako muling nagpakita pa sa kanila. Kahit noong ilibing siya."
Matindi talaga itong si Lawrence. Akalain mong halos mapuno na namin ang papel sa dami ng mga taong nagawan niya ng kasalanan? Hindi pa lahat iyon dahil may mga nakalimutan pa siya. Kung hindi siguro siya naaksidente, baka mas marami pa siyang maisusulat.
"Okay na. Kailan natin sisimulan ang pagpunta sa kanila para maihingi na kita ng tawad?"
"Sa lalong madaling panahon."
Inuna naming puntahan ay 'yong mga nakalista na nagawan niya ng hindi gaanong mabigat na kasalanan. Karamihan ay mga kaklase niya noong elementarya at highschool. Kaya pinuntahan namin ang mga paaralan na pinasukan ni Lawrence. Halos palipat-lipat pala siya ng paaralan dahil palagi siyang nasasangkot sa mga gulo.
Sa awa ng Diyos ay nakakakuha naman kami ng impormasyon na magtuturo sa amin kung saan nakatira ang mga taong nasa listahan. Iniisa-isa naming ito. Halos araw-araw akong gabi na kung umuwi para lang mapuntahan ang mga taong nagawan ni Lawrence ng kasalanan at maiparating ang taos puso niyang paghingi ng tawad. Lahat ng mga sinasabi ko ay nanggagaling kay Lawrence. Ako ang nagsilbing tulay upang maiparating ko ang bawat mensahe niya sa mga ito.
"Alam mo, matagal ko nang napatawad ang lahat ng nagkasala sa akin. Isa na 'ron ang kaibigan mo. Naisip ko kasi na kung hindi ako magpapatawad, paano ako magkakaroon ng kapayapaan sa puso? At paano ako makakapaglingkod sa ating Panginoon nang buong puso?"
"Napakabuti niyo naman po pala talaga."
"No, hindi ako ang mabuti. Kung hindi ang Panginoon."
"Sige po, Father. Maraming Salamat."
Nagpaalam na ako sa huling taong pupuntahan namin ngayong araw. Kaunti na lang at matatapos na namin ang lahat ng nasa listahan.
"Pati pari, hindi mo pinatawad," panunumbat ko kay Lawrence.
"Excuse me, hindi ko alam na magpapari siya. That was a long time ago."
Inirapan ko lang siya.
"Pero bakit nga ba hindi ko naisip na magpapari siya? Palagi niya kaming pinapangaralan about kay God. Kaya 'yon, sinubok ko lang naman kung hanggang saan ang pananampalataya niya. That's all."
"Huwag mo na sa aking sabihin kung ano 'yong kasalanan mo sa kanya. Baka mainis lang ako sa iyo lalo."
"Okay po. Sorry na. Pero kaya nga 'di ba nandito ako ngayon upang humingi ng tawad? Dahil nagsisisi na ako sa lahat ng nagawa ko."
Oo nga naman. Ano bang inaarte ko? Nitong mga nakaraan araw, mas nagiging close kami. Kasabay noon ay ang madalas naming pagiging aso at pusa. Palagi akong gumagawa ng paraan para mainis sa kanya. At siya naman, susuyuin ako. Hindi ko na maintindihan, ano ba ang nangyayari sa akin?
BINABASA MO ANG
Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa Balat ng Lupa
HumorPayag ka ba na kamukha mo si Kathryn Bernardo pero ang mga ngipin mo ay puro bagang? O kaya naman ay kamukha mo si Daniel Padilla pero ang tainga mo ay kasinlaki ng sa elepante? Paano kung ka-boses mo nga si Charice pero isandaan naman 'yong mga dal...