Napansin ko lang, ang dami ko ng nagawa para kay Lawrence ngunit pakiramdam ko ay hindi naman siya gumagawa ng paraan upang mapalapit ako kay Andrew. Iniisahan lang kaya ako ng mokong na iyon?
Pero kung sabagay, kailangan niyang magpakabait upang makapunta sa langit kaya't imposibleng ginugulangan lang niya ako.
Nasaan na kaya iyon? Hindi na naman nagpapakita. Palagi na lang niya akong hinahayaang dumiskarte mag-isa. Tulad ngayon, papunta ako sa lugar kung saan ko matatagpuan si Jomar, isa sa mga kailangang hingian ng kapatawaran ni Lawrence. Ayon sa mga nakalap kong impormasyon ay palaging nasa Gym si Jomar upang magpaganda ng katawan. Kahit na abala sa kanyang pag-aaral ay hindi niya nakakalimutang magtungo roon.
Pagdating ko ay wala pang gaanong tao. Hinanap ko siya sa buong paligid ngunit kahit anino niya ay hindi ko nasilayan. Ayon kasi sa nakita ko sa kanyang facebook account ay isang moreno, may magandang pangangatawan at guwapo itong si Jomar. Kung tutuusin ay mas guwapo nga siya kay Lawrence, e. Mala-Richard Gomez ang kanyang hitsura. Perfect example ng isang tall, dark and handsome at pinoy na pinoy ang dating.
Isa pang palatandaan ko ay ang kanyang nunal sa kanyang ibabang mata. Hindi naman gaanong malaki ngunit sapat na upang mapansin.
Muli kong inilibot ang aking paningin upang hanapin siya ngunit hindi ko pa rin nakita. Malamang ay hindi ganitong oras ang pagpunta niya rito o kaya naman ay may iba siyang importanteng bagay na kailangang asikasuhin at ipinagpaliban muna ang pagpunta ng gym.
"Miss, bago ka rito?" tanong ng isang lalaki sa akin.
"Ah, opo. Sa katunayan, ngayon ang unang araw ko rito," sagot ko sa kanya. Mukha naman siyang mabait kaya't kahit hindi ko kakilala ay kinausap ko.
"Talaga? Ano namang naisipan mo at nag-gym ka?" nangingiti niyang tanong. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng tanong na iyon, maging ang kanyang nakakalokong ngiti pero sumagot pa rin ako.
"Napansin ko kasi na dumagdag ang timbang ko," sabay ngiti.
Natawa siya sa aking sagot at pagkatapos noon ay lumingon sa isang grupo ng mga tao sa kanyang likuran. Napansin ko na nagtatawanan din sila kaya't napakunot ako ng noo.
"Sa tingin mo ba may magbabago?" tanong niya na nagpakulo ng aking dugo. Alam ko na kaagad ang kanyang ibig sabihin. Kaya bago pa niya ako maalipusta ay inunahan ko na siya ng isang mahabang speech.
"Saan? Sa hitsura ko? Wala. At wala akong balak magbago para lang matanggap ng mga katulad mo. Tanggap ko nang hindi ako kagandahan kagaya ng mga kaibigan mo sa likod, kaya hindi mo na kailangan pang ipamukha sa akin."
Nahalata kong kinabahan siya sa mga sinabi ko at lumingon pa siya sa mga kaibigan niya na para bang nanghihingi ng back-up pero ni isa ay walang lumapit sa kanya.
"Alam mo? Ikaw ang dapat magbago, e. Baguhin mo 'yong pag-uugali mo at isama mo na rin 'yong mga kaibigan mo. Sigurado naman ako na kasama sila sa kalokohan mong ito, e."
Namula siya dahil sa mga sinabi ko at kakamot-kamot na tumalikod sa akin.
Napagpasyahan ko nang umalis dahil sa pangyayaring iyon, tutal ay wala rin naman ang ipinunta ko roon.
"Miss, may problema ba?" isang malalim na boses ang narinig ko sa aking likuran, lalaking-lalaki.
Pagpihit ko patalikod ay agad kong namukhaan kung sino iyon, si Jomar.
Hindi ko alam kung suwerte ba akong talaga o pagkakataon lang ang lahat ng iyon pero laking pasasalamat ko sa Diyos dahil hindi niya ako masyadong pinahihirapan sa paghahanap kay Jomar.
BINABASA MO ANG
Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa Balat ng Lupa
HumorPayag ka ba na kamukha mo si Kathryn Bernardo pero ang mga ngipin mo ay puro bagang? O kaya naman ay kamukha mo si Daniel Padilla pero ang tainga mo ay kasinlaki ng sa elepante? Paano kung ka-boses mo nga si Charice pero isandaan naman 'yong mga dal...