Please forgive me II

1.1K 38 3
                                    

Nagising ako na mabigat ang aking pakiramdam. Ang sakit ng ulo ko. Tiningnan ko ang bago kong bili na alarm clock. Alas-sais na pala.

Inalala ko ang mga nangyari kagabi.

Nakahinga ako nang maluwag nang mapagtanto na panaginip lang pala ang lahat ng naranasan ko.

Para kasing totoong-totoo 'yong mga nangyari. Pero in fairness, ang guwapo pala niya kapag nakasuot ng all white.

Siguro, dinaan niya sa panaginip 'yong paghingi niya ng tawad sa lahat ng kasalanan na nagawa niya sa akin.

Bigla tuloy akong napaisip kung napatawad ko na ba siya. Ewan, hindi ko rin alam. Ayaw ko naman magpaka-ipokrita at sabihin na napatawad ko na siya dahil hanggang ngayon ay masakit pa rin sa akin sa tuwing maaalala ko ang pang-aalipusta niya sa akin, pero hindi rin naman ako masamang tao para hindi magpatawad. Mapapatawad ko rin siya, kung hindi man ngayon, baka bukas.

Sabado kaya walang pasok. Maglilinis ako ng buong bahay at mamimili ng isang linggong pagkain.

Maliligo muna ako bago mamamalengke, malapit lang naman ang palengke sa aming bahay.

Habang papunta sa banyo ay napansin ko ang pitsel sa lamesa. Napakunot ang aking noo. Nakaramdam din ako nang kaunting kaba dahil doon.

Huminga ako nang malalim at binalewala ang ideya na pumasok sa akin isip. Nagpatuloy ako sa paglalakad patungong banyo.

Noong nasa pintuan na ako ay hindi ko napigilan ang aking sarili na hindi lumingon. Tumingin ako sa sahig para siguruhin na panaginip lang ang lahat. Naisip ko kasi na kung mayroong basag na baso doon ay baka nga totoo ang lahat ng nangyari kagabi. Kung wala naman, inaaning ko lang ang sarili ko.

Nalaglag ang panga ko nang makita ang basag na baso na nagkalat sa sahig. Ibig sabihin, hindi panaginip iyon?

Nagmamadali kong binuksan ang banyo at napasigaw ako nang makita si Lawrence na nakaupo sa inidoro. Nakangiti.

Agad ko ulit itong sinarado.

Relax, Chuchi. Namamalikmata ka lang. Walang multo. Walang Lawrence. Gawa lang iyon ng imahinasyon mo, lahat ng iyon.

Daha-dahan kong binuksan ang pinto at bahagyang sinilip kung nandoon pa siya.

"Hi!"

Bati niya sa akin.

Teka? Bakit ba tinatakot ko ang sarili ko? E, hindi pa naman yata talaga patay si Lawrence e.

Sigurado ako na isa na naman ito sa mga pakulo niya para pahirapan ako. Ano na naman ba ngayon? Bakit sa dinami-dami ng tao, ako lagi ang napipili niyang pahirapan?

At nagawa pa niyang kasabwatin pati si Ms. Jivio?

Ibang level na talaga ang pagiging bully niya. Hindi ko maarok.

"Ano na naman bang pakulo ito?"

Galit kong binuksan ang pinto para harapin siya.

Pero nagulat ako nang makitang walang tao sa loob.

"Ako ba ang hinahanap mo?"

Napalingon ako nang marinig na nagsalita siya mula sa aking likuran.

"Paanong?"

Nanlalaki ang mata ko nang maisip na paano siya napunta sa aking likuran, e hindi ko naman siyang nakitang lumabas.

"Ikaw nga! Lumayas ka rito sa bahay namin. Wala akong panahon sa kalokohan mo. Hanggang dito ba naman? At nagpanggap ka pang namatay ah. Bilib na ako sa iyo. Bravo!"

Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa  Balat ng LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon