"Masakit 'yong kurot mo kanina ah! Grabe ka sa akin, Kaps." Halos hindi ko maintindihan ang sinasabi Olivia dahil kumakain siya ng chicken sandwich na binili pa niya sa canteen. Habang ako naman ay nilibre niya ng isang sandwich at isang mineral water.
Mabuti na lang at palaging nandiyan si Olivia at isa sa hobbies niya ang pagkain dahil kung hindi, palagi akong gutom.
Si Olivia ang unang nakasundo ko sa eskwelahang pinapasukan ko ngayon. O sabihin na natin na siya lang ang kasundo ko. Mababait din naman ang iba kong kaklase ngunit hindi katulad nitong bestfriend ko na kasundo sa lahat ng bagay. Minsan nga iniisip ko, meant to be talaga kaming dalawa na maging magkaibigan. Isang mataba at isang hindi kagandahan? O sige na, pangit na.
Pero sobrang pasasalamat ko na naging magkaibigan kami ni Olivia. Nagkaroon ako ng isang kapatid sa katauhan niya. Mahirap kasi na malayo sa mga kapatid mo na buong buhay mong nakasama. Kaya sa tuwing malungkot ako, siya ang tinatakbuhan ko. Sa tuwing may problema ako, siya lang ang nalalapitan ko. Siguro nga magkapatid kami pero magkaiba lang ang aming mga magulang. Ganun ang pakiramdam ko sa kanya. At alam kong ganun din ang turing niya sa akin.
"Sorry. Ikaw naman kasi, ang dami mong sinasabi kanina," natatawa kong pag-irap sa kanya.
"Pero totoo ba? Naaksidente 'yong mongoloid mong pinsan?"
Natawa lang ako sa tanong niya. Tulad nga ng sinabi ko, sanay akong umarte sa harap ng salamin noong bata pa ako. Kaya maning-mani lang sa akin ang mala-MMK na linya. Pati siya na matalik kong kaibigan, mukhang napaniwala ko kahit na kilala na niya ako pagdating sa ganung bagay.
"Kaps, grabe ka. Pati ako napaniwala mo sa pang-FAMAS mong aktingan. Ayon 'yong pinsan mo oh. Ang lakas lumamon." Ngumuso siya sa likod ko at agad akong napalingon sa kanyang tinutukoy.
Paglingon ko ay nakita ko ang aking pinsan na si Joy na nginunguya ang shawarmang kinakain. Kasama niya ang kanyang tatlong kaibigan na walang ibang alam gawin kung hindi ang makipag-plastikan sa kanya.
"Oh, hindi ba halata? Nakita mo naman 'yong mukha, malala 'yong naging tama."
Natawa nang pagkalakas-lakas si Olivia sa tinuran kong iyon. Nagtinginan sa kanya ang karamihan sa mga estudyanteng kumakain ng mga oras na iyon. Ang iba ay nagtataka habang ang iba naman ay nagtaas ng kilay.
Wala na ba kaming karapatang maging masaya? Para tumawa lang, akala mo nakagawa na ng kasalanan kung makatingin iyong iba. Akala mo sila lang ang anak ng Diyos kung makaasta. Pero dahil sanay na kami sa mga ganung eksena, binabalewala na lang namin iyon.
"Behave ka lang, Kaps. Alam mo naman sa eskwelahang ito, kapag hindi ka sosyal, bawal kang maging masaya," bulong ko sa aking kaibigan.
"Wala akong pakialam sa kanila 'no. Mga echusera, ang aarte. "
Habang inuubos namin ang mga pagkain na aming binili, may isang babae ang sumigaw.
"OMG! This is not happening!" sigaw ng isang maarteng estudyante.
Patuloy lang kami ni Olivia sa pagkain dahil malamang ay walang kuwentang bagay lang ang dahilan ng kanyang pagsigaw. Baka nahuli lang niya na may ibang kalandian sa facebook ang boyfriend niya o kaya naman ay nahuli siya sa balita na mayroong sale sa isang sikat na mall.
"Eneng nengyare sheye?" tanong ng isa pang maarteng babae na sa tingin ko ay naka-breyshesh. Inaartehan ang salita para lang magmukhang sosyal. At para ipangalandakan na may braces siya. E kung tutuusin, sa dinami-rami kong kakilalang nagpa-braces, hindi naman naranasan na magsalita sa ganung paraan.
"My Lawrence had an accident while driving papunta here sa school. I can't breathe! I think I'm gonna die!" hagulgol ng babaeng kalahating maarte, kalahating tsismosa.
Teka? Tama ba ang narinig ko? Si Lawrence naaksidente?
Nagkatinginan kaming dalawa ni Olivia. Mukhang pati siya ay hindi naniniwala, base na rin sa reaksyon ng kanyang mukha.
E, kanina lang binuwisit pa niya ang umaga ko. At sa pagkakaalam ko, ang isang tulad niya na masamang damo ay matagal mamatay. Malamang, gawa-gawa lang iyon ng babae para mapansin. Well, nagtagumpay naman siya dahil lahat ng atensyon ng mga estudyante ay nasa kanya. Inaalam kung totoo ba ag sinigaw niya.
Nagtataka naman ako sa mga ito. Bakit masyado silang apektado sa balitang iyon, e hindi naman nila close iyong tao. Tao nga naman.
Tumayo na ako at niyaya ang aking kaibigan na magtungo sa aming susunod na classroom.
Ayaw pa paawat ng bruha dahil talagang inubos pa iyong softdrinks na nasa baso, kahit na hinihila ko na siya.
Bawat madaanan namin ay nakatutok sa kanilang mga cellphone. Ang iba ay humahagulgol habang ang iba naman ay puno ng pagtataka ang hitsura.
Hindi na lang namin pinansin at dumiretso na kami sa aming classroom. Ilang minuto rin kaming nakatunganga bago dumating si Ms. Jivio, ang favorite professor ko. Bukod sa mabait na, napakagaling pang magturo. Simple lang iyong paraan niya ng pagtuturo pero maeengganyo ka talaga at gaganahang makinig. Sa kanya nga lang ako natututo e.
"Good afternoon, Class. Bago ko simulan ang ating klase, let us all pray for the soul of your schoolmate, Lawrence Legarda, he died earlier in a vehicular accident. His car was hit by a ten wheeler truck."
Nanlaki ang aking mga mata sa balitang iyon ng aming guro. Kinilabutan ang buo kong katawan matapos marinig ang pangalan ni Lawrence. Akala ko kasi kanina ay nagpapapansin lang iyong sumigaw. Pero totoo pala. Hindi ako makagalaw.
Kahit naman sukdulan ang galit ko sa lalaking iyon ay never ko namang hiniling na sapitin niya ang ganoong bagay. Hindi nga ba?
Mas lalo akong kinilabutan nang maisip ang mga nasabi ko kaninang umaga.
Sana mabangga ka ng truck!
Sana mabangga ka ng truck!
Sana mabangga ka ng truck!
Paulit-ulit itong rumirehistro sa aking isipan. Hindi ko rin namalayan na nasabi ko pala ang mga katagang iyon. Diyos ko! Hindi ko po sinasadya. Alam kong dala lang iyon ng aking galit. Pero hindi ko po talaga gustong mangyari iyon. Never.
Lord! Patawarin ninyo ako! Parang awa niyo na. Masyado akong makasalanan. I'm a murderer! Pinatay ko siya! Pero hindi ko kayang makulong. Napakarami ko pang pangarap para sa pamilya ko. Paano na ang mga pangarap ko!
"Ms. Baruga? Are you okay? Namumutla ka."
Napabalikwas ako nang marinig kong kinausap ako ni Ms. Jivio. Wala pa rin ako sa sarili ngunit pinilit kong maging normal dahil hindi ko puwedeng sabihin na hiniling ko ang kamatayan niya.
"Yes, ma'am. Nabigla lang ako sa nangyari."
"Well, I can't blame you. Sa lahat naman dito sa atin, ikaw ang pinakamaraming encounter kay Mr. Legarda. Okay let's start."
Umupo na lang ako sa aking silya at kunwaring nakikinig sa mga tinuturo ni Ms. Jivio. Bigla akong nawalan ng ganang makinig dahil sa balitang iyon. Sa masama at nakakagulat na balitang iyon.
BINABASA MO ANG
Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa Balat ng Lupa
HumorPayag ka ba na kamukha mo si Kathryn Bernardo pero ang mga ngipin mo ay puro bagang? O kaya naman ay kamukha mo si Daniel Padilla pero ang tainga mo ay kasinlaki ng sa elepante? Paano kung ka-boses mo nga si Charice pero isandaan naman 'yong mga dal...