"Hoy, ikaw! Nagtataka na ako sa iyo ah, palagi ka na lang umaalis! At hindi rin kita nakikita sa school! Ano bang kabalbalan ang pinagkakaabalahan mo?"
Bungad sa akin ni Joy, pagpasok ko ng bahay. Hindi kaagad ako nakapagsalita dahil hindi ko alam ang isasagot ko. Ito na nga ang ikinatatakot ko, ang mapansin nila ang palagi kong pag-alis. Masyado pa namang intrimitida at tsismosa ang pinsan kong ito.
"Bakit? Na-miss mo ba ako?" pang-aasar ko sa kanya para maiba ang usapan.
"Duh. Ikaw? As if naman na ma-mi-miss kita. I just want to know the truth. Baka mamaya, nilulustay mo na pala 'yong pang-tuition mo na ibinibigay ni Daddy. Hindi namin alam. Mas mabuti nang alam ko para maisumbong kita kay Mommy at Daddy. At para mapalayas ka na rito."
Paikot-ikot siya sa akin habang nakapamaywang pa. Ang lakas lang maka-kontrabida. Dinedma ko lang siya at nagpatuloy sa paglalakad papunta ng aking kuwarto. Pagod ako at walang panahon upang magpaliwanag.
Nabigla ako nang bigla niyang hatakin ang aking kaliwang braso. Sabay sabing, "Huwag kang bastos, hindi pa tayo tapos mag-usap." Halos lumuwa na ang kanyang mata sa panggagalaiti. Mukhang beastmode si ate.
"Madamme Claudia Buenavista, ikaw ba 'yan? 'Yong aktingan mo, ang taas 'te," sarkastiko kong tugon habang pumapalakpak.
Mas lalong umusok ang ilong at tainga ni Joy sa pang-aasar ko.
"Akala mo nakikipagbiruan ako sa iyo? Tingnan lang natin kung maaasar mo pa ako kapag sinumbong kita kina Mommy."
Aba. Nagbabanta ang bruha. Tutal, gusto naman niya ng aktingan na pang-FAMAS, pagbibigyan ko siya.
Tiningnan ko siya nang diretso sa mga mata. Tinaasan lang niya ako ng kilay.
Inilapit ko ang aking mukha sa kanyang mukha, "Gawin mo. Gawin mo! Hindi kita uurungan!" sigaw ko habang nanlalaki ang aking mga mata. Parang katulad ng akting ni Angelica sa Pangako Sa 'Yo.
Bigla siyang umatras habang nagtatakip ng ilong.
Napakunot ako ng noo.
"Ang baho ng hininga mo 'te. 21st Century na! Uso ang mag-toothbrush," sigaw niya habang tumitirik pa ang mga mata.
Inismiran ko lang ulit siya.
"Ikaw na. Take all mo na. Pangit na, ang baho pa ng hininga. Iba ka rin e, 'no?"
"Wow. Hiyang-hiya naman ako sa taglay mong kagandahan. Subukan mo kayang tumingin sa salamin. At saka masyado lang akong busy kaya walang time magsipilyo."
"Ewan ko sa 'yo. Magluto ka na, nagugutom na ako. At saka darating na sina Mommy!" utos niya na para bang kontrabida sa isang teleserye.
"Iyon. Ang dami mo pang satsat, e uutusan mo lang pala akong magluto. Sana kanina mo pa sinabi para nakapagluto na ako. Hindi 'yong aaktingan mo pa ako. E di sana, nakakakain ka na ngayon."
"Dalian mo na! Ang dami mo pang sinasabi!" sigaw niya. Tatalikod na sana ako pero bigla pa siyang nagsalita.
"Oo nga pala, pumunta rito 'yong bestfriend mong baboy."
Umupo siya sa sofa at saka nagsimulang humarap sa camera ng kanyang cellphone upang mag-selfie.
"Maka-baboy ka naman. Tandaan, walang tapon sa litson. E, sa kagaya mong hipon?" bulong ko. Hindi ko inaasahan na maririnig pala niya.
"Ano'ng binubulong-bulong mo riyan?"
"Wala! Ang sabi ko, magluluto na ako para makakain ka na. Gusto mo ng nilasing na hipon?"
"Ayaw ko. ALLERGY ako sa sea food, remember? Baka mamaga na naman 'yong mukha ko."
"Allergy talaga? Baka ALLERGIC?"
"Gan'on na rin 'yon. Para nagkulang lang ng 'C' sa dulo," depensa niya sa sarili.
"Okay. Magluluto na ako."
Natatakot pa siyang mamaga ang mukha, e matagal na namang maga iyon sa kapal ng mukha.
Inalisan ko na siya at nagtungo sa aking kuwarto upang magbihis.
***
Nang matapos akong magluto at hainan ang pinsan kong si Joy ay kaagad kong tinawagan si Olivia. Hindi ko kasi alam ang dahilan ng kanyang pagpunta sa aming bahay. Nakaramdam ako ng pag-aalala dahil hindi naman basta-basta pupunta iyon nang walang dahilan.
"Hello, Kaps. Kumusta?"
"Ayos lang, Kaps. Bakit hindi ka na naman pumasok kanina? Ang dami mo nang napalampas na exams."
"Oo nga, e. May inaasikaso lang ako. At 'di ba, ang alam naman ng mga prof. natin, may sakit ako?"
"Kaso, isang linggo ka nang hindi pumapasok. At wala ka naman talagang sakit, kaya saying 'yong mga matututunan mo."
"Sabagay, hindi bale. Bukas, papasok na ako. Bakit ka nga pala napasugod dito kanina?"
"A, paano mo nalaman? Sinabi ba sa iyo ng bruha mong pinsan? Naku ha. Ang bastos talaga niyan, ang sarap sabunutan."
"Sa kanya ko nga nalaman. Bakit? Ano'ng ginawa sa iyo ni Joy?"
"Pinaghintay ako sa labas ng gate ninyo, ang sabi tatawagin ka lang daw. Aba, hindi na lumabas."
"Naku. Hayaan mo na, kulang talaga sa pansin 'yong babaeng iyon. Oo nga pala, ano'ng kailangan mo sa akin?"
"Wala naman, Kaps. Nag-aalala lang ako sa iyo dahil wala akong balita sa iyo. At tatanungin na rin sana kita kung sasama ka sa tour. Balak ko na rin sanang ipaalam ka at sabihin sa tito mo 'yong totoong nangyari sa tour last year."
"Naku, Kaps. Hindi na kailangan. Pinayagan na nila akong sumama." Kinikilig pa akong sinabi sa kanya ang magandang balitang iyon.
"Talaga? Akala ko ayaw nila?"
"Oo nga, kaso mukhang sinapian ng kung anong mabuting espiritu si Joy. Ipinagpaalam ako sa mga magulang niya kaya pumayag," bulong ko dahil baka marinig ako ni Joy dahil hindi naman ako ganoon kalayo sa kanya.
"Naku. Nagsisinungaling ka. Si Joy? Of all people, si Joy ang huling gagawa ng paraan na pabor sa iyo."
"Iyon nga rin ang ipinagtataka ko, e. Pero hayaan na natin, at least makakasama na ako sa tour!"
"Puwera na lang kung may balak siyang hindi kanais-nais sa iyo. Naku, Kaps. Mag-iingat ka, baka may gagawin na namang kabulastugan sa iyo 'yang pinsan mo."
"Huwag kang mag-alala, alam ko na 'yan. At kung ano man ang binabalak niyang masama, sisiguraduhin kong hindi siya magtatagumpay," sabay tawa na pang-kontrabida. Mukhang napalakas yata dahil nang idako ko ang pansin ko kay Joy ay nakatingin siya sa akin. Pero inirapan lang niya ako at muling bumalik sa pag-kain.
"Panalo 'yang line mo, Kaps. Parang Amor Powers lang," narinig kong panay ang halakhak ni Olivia sa kabilang linya.
"Naku, ito kasing pinsan ko, kanina pa ako binabatuhan ng mga linyang pampelikula. Nahahawa na tuloy ako. Sige na, Kaps. Ibababa ko na itong phone. See you tomorrow. I love you."
"Sige, Kaps. I love you, too."
Matapos naming mag-usap ni Olivia ay nagtungo naman ako sa mesa upang kumain.
"Mamaya ka na kumain, ayaw kitang kasabay."
Hindi pa ako nakakaupo ay kaagad na akong pinigilan ni Joy. Talagang ang sama ng ugali. Biruin mo, matapos kong ipagluto, hindi ako pakakainin. Malala na masyado.
"Okay lang, ayaw rin naman kitang kasabay. ALLERGY kasi ako sa hipon na kagaya mo."
Hindi pa siya nakakasagot ay mabilis na akong nagtungo sa aking kuwarto upang hindi ko na marinig ang mga sasabihin niya. Malamang kasi ay magkakaroon ng round two ang nangyaring flip-top battle sa pagitan naming dalawa.
BINABASA MO ANG
Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa Balat ng Lupa
HumorPayag ka ba na kamukha mo si Kathryn Bernardo pero ang mga ngipin mo ay puro bagang? O kaya naman ay kamukha mo si Daniel Padilla pero ang tainga mo ay kasinlaki ng sa elepante? Paano kung ka-boses mo nga si Charice pero isandaan naman 'yong mga dal...