Pinagtitinginan ako ng mga tao. Siguro dahil hindi nila ako kilala. Sabi ni Lawrence, kapag nakapasok na ako ay hindi na nila mahahalata na hindi ako kabilang sa kasiyahan na iyon. Pero bakit pinagtitinginan nila ako? Malamang dahil katuwa-tuwa ang hitsura ko ngayon.
Oo nga pala. Nasaan na ba ang mokong na 'yon? Naiihi na ako sa sobrang inip.
Naiirita pa ako sa hitsura ko. Ang liit-liit ko na nga tapos naka-gown pa ako. Mas lalo tuloy akong nanliit.
Ang gaganda pa ng mga babae na nandito, halatang mayayaman. Pero pakiwari ko, ang iba sa kanila ay nagparetoke na. Mga mukha kasing manyika, parang hindi na normal. O hindi lang talaga ako sanay makakita ng sobrang ganda kagaya nila? Sabagay, salamin kasi ang palagi kong nakikita kaya siguro ganoon. Dumagdag pa ang aking pinsan na si Joy.
Naiinip na talaga ako. Ang dami pang seremonya nitong party na ito. Akala ko naman inuman at sayawan lang. 'Yon pala pormal ang program nila. Daig pa ang graduation sa pagkapormal.
Hindi lang ang mga kasuotan ng mga nandoon ang magagara, pati ang lugar at ang mga gamit ay masasabi kong magarbo. Ang mga pagkain, ang sasarap. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakatikim ng mga pagkain na kagaya dito. Ultimo mo mga serbidor, binihisan ng maayos. At in fairness, ang guguwapo nilang lahat.
Ilang oras pa ang lumpias, biglang pinatay ang ilaw. Tanging entablado lang ang maliwanag. Para siguro doon matuon ang pansin ng lahat. Isa-isang pinaparangalan ang mga estudyanteng nagtagumpay sa kani-kanilang mga napiling larangan. May isang pinarangalan dahil sa pagsisilbi sa mga katutubo nating kababayan, mayroon ding pinarangalan dahil nakapag-imbento ng gamot sa isang malubhang karamdaman. Napakahusay nila, sana maabot ko rin ang mga narating nila.
Muling binuksan ang ilaw at nagkasiyahan ang lahat. Hindi ko pa rin makita si Lawrence. Hindi ko alam kung saan ba nagpunta 'yon.
Napukaw ang aking pansin ng isang bagong dating na magandang babae. Sa sobrang kagandahan niya ay parang gusto kong magpakain sa lupa. Nakakaiyak. Dahil sa mga katulad niya kaya mas lalo kong nararamdaman ang inggit ng pagiging isang pangit. Pero slight lang naman.
"I think, I know her."
Nagulat ako nang biglang sumulpot sa tabi ko si Lawrence at magsalita.
"Para ka namang kabute na bigla-bigla na lang sumusulpot. Aatakihin ako sa puso nang dahil sa iyo."
Pero hindi pa rin nawala ang titig ni Lawrence sa bagong dating na magandang binibini. Para bang kinikilatis niya ito nang mabuti.
"Naku. Huwag ka nang magtangka. Multo ka na."
Umupo na lang ako at sumipsip sa juice na kanina ko pa hindi maubos. Tumingin-tingin na rin ako sa paligid upang hanapin si Domingo alyas Donna. Pero base sa hitsura na sinabi sa akin ni Lawrence, hindi ko siya mamataan.
"Hello, Donna!"
Bigla akong napalingon nang marinig ang pangalan na iyon. Nanggaling iyon sa katabi kong lamesa at laking gulat ko na ang tinutukoy pala nilang Donna ay 'yong bagong dating na magandang babae.
Pero hindi ako maaaring basta na lang umasa sa narinig kong iyon dahil marami ang may pangalan na Donna. Malay ko ba kung kapangalan lang.
Pinakinggan ko ang usapan nila. Medyo nahihirapan ako dahil halos sabay-sabay na nagsasalita ang mga taong nakapaligid sa akin.
"Tama!" sigaw ni Lawrence. Napatingin ako sa kanya. Mukhang nababaliw na siya.
"Kaya pala pamilyar siya sa akin dahil siya si Domingo," natatawa niyang sabi sa akin.
"Paano ko siya makakausap?"
"Humanap ka ng tiyempo. Kapag nagpunta siya sa CR o kaya kapag napag-isa siya." Utos ni Lawrence.
BINABASA MO ANG
Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa Balat ng Lupa
HumorPayag ka ba na kamukha mo si Kathryn Bernardo pero ang mga ngipin mo ay puro bagang? O kaya naman ay kamukha mo si Daniel Padilla pero ang tainga mo ay kasinlaki ng sa elepante? Paano kung ka-boses mo nga si Charice pero isandaan naman 'yong mga dal...