Hindi ako kinikilig... Promise!

663 23 3
                                    

Bigla na lang sumulpot si Lawrence habang inaayos ko ang mga babaunin ko sa tour bukas. Nagbaon ako ng ilang pares ng damit upang may pamalit ako sakaling kailanganin. Nagdala rin ako ng first aid kit para handa sa anumang puwedeng mangyari. Hindi na ako nag-abala pa sa pagkain dahil sinabihan ako ni Olivia na marami siyang babaunin para sa aming dalawa.

"Wala ka pa rin bang balita kung saan lumipat ang pamilya ni Mayumi?" tanong ko sa kanya dahil napansin kong malalim ang kanyang iniisip.

Ilang araw na rin kasi ang lumipas ngunit wala pa rin kaming lead kung saan maaaring matagpuan ang pamilya ni Mayumi. Sila na lang sana ang kailangan kong makausap upang mapatawad si Lawrence ngunit mukhang mahihirapan kami.

"Sa tingin ko, hindi na talaga ako makakatawid sa langit, Chuchi," malungkot niyang tugon. Mukhang nawawalan na siya ng pag-asa.

"Ano ka ba naman? Kung kailan kaunting kembot na lang ang kailangan para matapos 'yong misyon mo, saka ka pa susuko?" pagtutol ko sa kanya.

"Hindi naman sa sumusuko ako, pero 'di ba deserve ko naman kung masunog ako sa impiyerno? Hindi ako naging mabuti noong nabubuhay pa ako, lalo na sa iyo, kaya dapat lang na huwag na akong umasang matatapos ko pa 'tong misyon ko." Napansin kong naluluha na siya.

Inabot ko sa kanya ang isang lumang panty na halos matastas na ang garter sa sobrang luwang, "Oh, ipunas mo sa luha mo."

Kinuha naman ng mokong nang hindi tinitingnan kung ano iyon. Nang makita niya ay kaagad niyang initsa sa akin.

"Ang baboy mo, ginagamit mo pa ba 'yan? Mukhang mas luma pa sa kanta ng Carpenters 'yan, a." Halata sa kanya ang pandidiri.

"Grabe ka naman. Kabibili ko lang niyan sa ukay last month," depensa ko.

"Mas lalong baboy! Bumibili ka ng underwear sa ukay? Paano kung may sakit sa balat ang may-ari niyan? E, 'di nahawa ka?" diring-diri niyang bulyaw sa akin. Nagpipigil lang ako ng tawa dahil sa reaksyon niya pero hindi ko napigilan ang aking sarili at napatawa na rin ako nang malakas.

"Hindi akin 'yan ano. Hindi ko alam kung bakit may ganyan sa sampayan. Baka nasama lang, nakisampay kasi sa amin kanina 'yong katulong sa kabilang bahay."

"Ewan ko sa 'yo. Seryoso ako tapos mang-pa-power trip ka riyan." Nakasambakol ang kanyang mukha at halatang hindi natuwa sa ginawa ko.

"E, ikaw naman kasi. Ang nega-nega mo, daig mo pa si Sharon Cuneta!"

"Ano namang kinalaman ni Sharon dito? Nananahimik 'yong tao, dinadamay mo." Nakasimangot pa rin siya pero hindi na ka-intense kagaya ng kanina.

"E, kasi 'di ba, siya ang Negastar ng Philippine Showbiz?"

Mas lalong kumunot ang kanyang noo pero halata sa kanya na kaunting push pa ay mapapangiti ko na siya.

"Ang korni mo talaga kahit kailan."

"Korni? Kaya pala napapangiti ka na riyan," pang-aasar ko sa kanya.

"Saan banda?"

This time ay mas lalo pa niyang sinadya na sumimangot para patunayan na hindi nakakatuwa iyong joke ko.

"Yieee... Ayan, o. Tatawa na 'yan," muli kong buska sa kanya.

"Salamat."

Tiningnan niya ako nang diretso sa mata. Medyo nailing ako kaya't napaiwas ako ng tingin. Medyo nawala ako sa sarili. Aaminin ko, nakakakilig siya kung tumitig. Nawala tuloy ang atensyon ko sa ginagawa ko.

"Ha?" Ang tangi kong naisagot.

"Salamat. Masama bang magpasalamat?"

"Para saan?" Isinara ko ang bag na nilagyan ko ng mga gamit. Binuksan ko ang aking drawer na para bang may hinahanap kahit alam ko sa sarili kong wala naman. Natatawa tuloy ako sa sarili ko, natataranta nang wala namang dahilan.

"Diyan, sa pilit mong pagpapatawa sa akin. I appreciate your effort kahit nagmumukha ka nang tanga," nakangiti niyang tugon. Sa wakas ay nakita ko nang muli ang kanyang ngiti.

"Sus, iyon lang ba? Syempre, 'di ba nga, tutulungan mo akong mapalapit sa ultimate crush ko? Kaya lahat gagawin ko para lang hindi ka sumuko sa misyon mo."

Isinara ko na ang drawer at pinagpagan ang kama ko. Napansin kong natahimik siya. Pasimple ko siyang tinitigan, nawala 'yong ngiti niya.

"Alam mo, naniniwala ako na lahat ng tao sa mundo, deserve ang second chance. Kahit ano pa mang nagawa nating kasalanan. Kaya huwag kang mag-alala dahil malalampasan mo rin 'to. At tutulungan kita sa abot ng makakaya ko."

"Iyan ang gusto ko sa 'yo, e. Lagi mong pinapalakas ang loob ko, everytime na nawawalan na ako ng pag-asa. Ang laki tuloy ng panghihinayang ko."

Napansin ko na medyo mahina ang pagkakabigkas niya sa huli niyang sinabi.

"Nanghihinayang? Saan? At bakit?' magkakasunod kong tanong. Bigla kasi akong napa-isip sa binanggit niyang iyon.

"Wala."

Tinitigan niya akong muli. Napaiwas lang ako ng tingin. Hindi ko alam pero para kasi akong kinukuryente sa tuwing tititigan niya. Bumilis 'yong tibok ng puso ko, kasabay ng pagbagal ng galaw ko.

"Alam mo, maganda ka pala. Hindi ko lang nakita 'yon dati."

Diyos ko. Ano bang sinasabi nitong mokong na 'to? Mas lalo tuloy bumibilis 'yong tibok ng puso ko. Naramdaman ko ang pag-init ng aking mga pisngi na para bang nag-akyatan ang lahat ng init sa aking katawan.

"Kaloka ka. Ano bang pinagsasasabi mo? Ang lakas mong mang-uto ngayon, a? Anong natira mo?" pagbibiro ko sabay halakhak.

"Grabe ka naman, bawal bang magkaroon ng realization kapag patay na?" natatawa niyang tugon sa akin.

"E, nakakabigla kasi 'yong mga pinagsasasabi mo. Nakakapanibago."

"I guess, mas nagiging totoo lang ang isang tao, kapag multo na siya."

Napatingin ako sa kanya, habang siya ay nakatitig pa rin sa akin at nakangiti.

"Naku ha. Tigil-tigilan mo ako sa mga biro mong 'yan. Mabilis akong maniwala. Baka mamaya niyan, lumaki na ang ulo ko."

"That's why I like you. You never failed to make me smile."

Hindi ko alam ang mararamdaman ko sa mga sinabi niya. Matutuwa ba ako dahil sa wakas ay may isang tao, bukod sa aking pamilya, ang nakakita ng kagandahan sa aking pagkatao? O maiinis dahil pinapaasa niya ako sa isang bagay na alam ko namang hindi totoo.

Hindi ko alam kung kinikilig ba ako sa mokong na ito.

A, hindi! Naiihi lang ako. Tama! Dala lang ito ng nag-uumapaw na likido sa aking pantog. Walang ibang ibig sabihin ito.

Ako? Kikiligin kay Lawrence? No way! Mamatay na ang nagaguwapuhan sa kanya.

Wait. Bakit nagsisikip ang dibdib ko? Hindi ako makahinga... Binabawi ko na!

Sige na! Kinikilig na ako! Pero no malice. I promise.

"Huy! Bakit ka natigilan diyan? Para kang kinikilig sa hitsura mo," sita ni Lawrence sabay tawa.

Bigla akong natauhan sa isa na namang panaginip habang gising. "A, wala. Naiihi lang ako. Saglit lang, punta lang ako ng banyo."

"Sabi na, e. Kinikilig ka sa akin 'no?" aniya sa malokong tinig.

"Kabahan ka nga sa mga sinasabi mo, Lawrence Legarda." Tumalikod akong bigla matapos siyang irapan.

Nang makapasok ako ng banyo ay saka ako huminga ng malalim at sumandal sa pinto.

Nakakainis! Kinikilig ba talaga ako kay Lawrence? Hindi puwede. Hindi ako puwedeng ma-inlove sa isang multo. Erase. Erase. Erase. Walang ibig siyang ibig sabihin sa mga sinabi niya. Kalma, Chuchi. Makaka-date mo rin ang ultimate crush mo na si Adrew at kapag nangyari iyon, makasisiguro ka na hindi ka kinikilig sa dati mong kaaway. At hindi ka kinikilig sa isang multo.


Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa  Balat ng LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon