Catfight Part 2,242,434

79 6 1
                                    

Ilang oras kaming puro tawanan ni Olivia habang namamasyal sa kahabaan ng Calle Crisologo. Ang gaganda ng mga lumang bahay at papangarapin mo na sana ay nabuhay ka sa panahong puro gan'on ang hitsura ng mga istraktura. Kakaiba ang field trip namin dahil hindi kami sama-samang maglalakad. Binigyan lang kami ng ilang oras para mamasyal sa gusto naming puntahan ngunit hindi puwedeng lumayo sa assembly area. May ibinigay sa aming mapa at key places na puwedeng puntahan. Bahala na kami kung alin ang pipiliin namin dahil maikli lang ang oras at hindi lahat ay maaari naming mapasyalan. Parang magkakasama rin naman kami dahil nakikita rin namin ang ibang estudyante sa mga lugar na pinupuntahan namin.

Madalas naming topic sa kuwentuhan habang naglalakad sina Andrew at Athan pero hindi ko maiwasang isipin kung nasaan na ba si Lawrence. Hindi kasi ako sanay na hindi niya pinapakunot ang noo ko. Para bang naging bahagi na ng araw-araw ko ang maasar sa kaniya. Sayang lang kasi gusto ko siyang makasama sa pamamasyal pero hindi siya nagpapakita mula pa kaninang umaga. Ano kaya kung nabigyan kami ng pagkakataon noon na maging magkaibigan kagaya ngayon, mami-miss ko rin kaya siya?

"Hala, Kaps! Hindi natin namalayan 'yong oras. Kailangan na nating bumalik para hindi tayo mahuli sa assembly."

"Ano ka ba, maaga pa naman. Mahaba pa oras natin," pagkontra ko sa ideya niyang bumalik. Masyado kasi talagang maagap si Oliva. Ayaw niya nang nale-late.

"Maglalakad pa kaya tayo. Mas mabuti nang maaga tayo ro'n para hindi tayo maiwan ng bus," pagpupumilit niya.

Sumilip muna ako sa relo bago tumingin sa kaniya at inisip kung tama bang bumalik na kami. Sabagay, ilang minuto na lang ang natitira. Hindi naman puwedeng patakbuhin ko nang malayo ang kaibigan ko dahil baka sumpungin ng hika. Ayaw ko rin naman mangyari ulit ang nangyari sa akin last year kung saan ay naiwan ako ng bus dahil kay Lawrence. Buti na lang at malapit lang ang pinuntahan namin noon kaya nakauwi ako. Napagalitan lang ako nina tito dahil sa nangyaring iyon. Isa rin iyon sa dahilan kaya naging malaki ang galit ko sa mokong na iyon. Pero noon pa iyon, a. Nakita ko naman na nagbago na siya ngayon. Iyon nga lang, huli na ang lahat dahil patay na siya.

Sakto naman na papayag na sana akong bumalik sa assembly area nang makita ko ang isang tindahan ng bagnet sa likod niya.

"Hindi. Hindi pa tayo babalik." Nakaisip ako ng magandang ideya na parehas kaming makikinabang. Win-win situation kumbaga.

"Huh? Seryoso ka ba? Kung mamaya pa tayo babalik, hindi na tayo aabot."

"Ok. Papayag lang ako kung ililibre mo ako no'n," sabay nguso ko sa tindahan sa likod niya.

Lumingon siya at nakita ang tindahan ng bagnet na paborito naming dalawa.

"Sus. Kung kanina mo pa sinabi, e 'di sana kanina pa tayo bumili!" natatawa niyang sagot sabay hila sa akin.

***

Paglabas ng tindahan ay may nakita si Olivia na kalesa. Inaya niya ako na sumakay pero tumanggi ako. Nakita ko kasi ang kabayo na hirap na hirap na. Nakalabas ang dila nito't makikita sa mga mata ang ilang taong paghihirap. Hindi ko maiwasan ang maawa. Hindi ko alam kung bakit may mga tao pa ring tumatangkilik sa gan'on kahit alam naman nilang nahihirapan yung hayop. 

"Sige na, kaps. Para hindi na tayo pagpawisan sa paglalakad. Libre ko naman," pamimilit pa niya.

"Ano ka ba? Tingnan mo nga 'yong kabayo. Nakakaawa. Maglakad na lang tayo."

"Hindi talaga sasakay 'yang kaibigan mo dahil hindi niya kayang mahirapan ang kamukha niya." Biglang may kilalang boses ang sumingit sa pag-uusap namin ni Olivia. Akala ko naman ay napaka-perfect na ng araw ko dahil sa pagiging magkatabi namin ni Andrew hanggang sa mga magagandang lugar na napuntahan namin. Iyon pala ay may bawi sa huli.

Paglingon ko sa kanila ay nakita ko si Andrew na kasama ng mangkukulam kong pinsan. Nakakapit ito sa braso niya. May kasama pa silang dalawang lalaki at dalawang babae. Bale anim silang magkakasama. Hindi ko maiwasan na isipin kung ano ang ibig sabihin no'n. Baka may something kina Andrew at Joy. Ang tanga-tanga ko talaga. Ba't hindi ko agad naisip 'yon? Kaya pala iba ang pakikitungo sa akin ng pinsan ko dahil alam niya noon pa na gusto ko si Andrew.

"Tara na, kaps. Maglakad na lang tayo," pag-aaya ko kay Olivia.

Bumitaw si Joy kay Andrew at lumapit sa amin ni Olivia. Tiningnan ko si Andrew pero wala siyang reaksyon. 

"Ohhh. Wala ka naman talaga kasing pambayad kaya mas mabuting maglakad ka. If I know, kaya mo lang naman kinaibigan ang baboy na ito dahil marami siyang pera. What would I expect sa isang leech na tulad mo? Kakapit kung saan may masisipsip."

Nag-init ang dugo ko sa mga sinabi niya. Hindi para sa akin, kundi para kay Olivia. Taon ko na rin kasing tiniis ang pag-uugali niya. Pero ang idamay ang kaibigan ko't ipamukha na walang makikipag-kaibigan sa kaniya kung wala siyang pera, ibang usapan na iyon.

"Ok ka na? Nakapagpasikat ka na sa mga kaibigan mo? Kasi kung oo, wala kaming panahon para patulan 'yang pagiging immature mo. So, puwede?" matapang kong tugon sa mga pang-iinsulto niya.

"Wow. How dare you to call me immature? E, kung sabihin ko kaya sa parents ko na sisantehin ka at palayasin?" pagbabanta niya. Sanay naman na ako dahil ganoon siya palagi. Mas lumala lang ngayon. Hindi ko alam pero mas naging seryoso siya sa pagmamaliit sa akin. Hindi kagaya noong una na para lang kaming mga aso't pusa.

"Ok na. Katulong n'yo na ako. Wala kaming pera. Mahirap lang kami. Ano pa ba? Sorry ha. Wala ako kung ano'ng meron ka."

"Ang tanging meron lang ako, masayang pamilya, mapagmahal na magulang, at totoong kaibigan. E, ikaw? Sure ka ba na totoo sa 'yo 'yong mga kaibigan mo kung hindi mo sila nililibre kagaya nang gusto mong palabasin sa pagkakaibigan namin ni Olivia?"

Tumingin siya sa mga kaibigan niya pero inirapan lang siya.

"Tara na kasi, girl. Sayang oras namin sa pagsama sa iyo rito. Dapat kina Xyrylle na lang kami sumama."

Maluha-luha siya sa narinig mula sa kaniyang kaibigan kuno. Halata ko rin kasi na kanina pa naiirita ang mga ito sa kaniya.

"Tara na, Joy." Lumapit sa amin si Andrew at inaya ang pinsan ko. "Pasensya ka na, Chuchi. Mauna na kami." Nanlaki ang mga mata ni Joy nang humingi sa akin ng pasensya si Andrew. Halata mo sa kaniya na gusto na niyang umiyak sa mga nangyayari.

Tinapunan niya ako ng isang napakatalim na tingin pero inirapan ko lang siya. Alam ko naman kasi na isa lang iyon sa mga tantrums niya. Masyado kasing na-spoil ng mga magulang palibhasa't busy ang mga ito sa pagtatrabaho kaya sa luho at pangungunsinte na lang bumabawi. Akala siguro ni Joy na lahat ay mapapaikot niya sa palad niya para makuha ang mga gusto. Puwes, ibahin niya ako dahil kahit magpinsan kami, hindi ko siya uurungan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 17, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa  Balat ng LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon