Please, forgive me

1.1K 40 4
                                    

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa balitang wala na si Lawrence. Ang buhay nga naman ng tao, hindi mo masasabi kung kailan at kung paano magwawakas.


Parang kailan lang, siya ang buwisit sa buhay ko. Ngayon, sa langit na siya mambubuwisit. Sumalangit nawa.


Pero siguro naman, walang anghel na pangit kaya wala siyang lalaitin kagaya ng panglalait na ginawa niya sa akin noong nabubuhay pa siya.


Ano kayang hitsura ng langit? Ano kayang hitsura ng mga anghel? Buti pa siya makikita na niya.


Pero hindi talaga ako mapakali. Hindi ko naman talaga ginusto iyon e, bigla na lang lumabas sa bibig ko.


Tsaka kasalanan naman niya. Kung hindi niya sinira ang umaga ko noon, hindi ko masasabi iyon. So technically, siya pa rin ang may kasalanan.


Tama na nga, inaaning ko lang ang sarili ko dahil alam kong nagkataon lang na truck ang nakabangga sa kanya. At siguro, time na talaga niya. Kahit naman siguro hindi lumabas sa bibig ko iyon ay kung oras na niya, oras na niya.


Basta. I'm innocent and hindi dapat ako ma-guilty. 


Stop overthinking, Chuchi. Don't stress yourself dahil wala kang kasalanan.


Habang kausap ko ang aking sarili sa maliit at masikip na kuwarto kung saan ako natutulog, bigla na lang namatay ang ilaw. Halos maihi ako sa sobrang takot.


Maya-maya pa ay bigla na naman itong bumukas. Ano ba 'to, ngayon ka pa talaga nagpatay-sindi kung kailan ako lang ang mag-isa dito sa bahay.


E, paano kung minumulto nga ako ni Lawrence dahil alam na niyang sinabi ko na sana ay mabangga siya ng truck? Paano kung binalikan niya ako para paghingantihan.


No! Takot ako sa multo. Ayaw ko sa multo! Lalo na kung multo ng mortal kong kaaway!


Inhale. Exhale. Pundido lang ang ilaw. Walang multo. Walang maghihiganti. Ano ka ba naman, Chuchi. Ang tanda-tanda mo na, nagpapaniwala ka pa sa mga multong 'yan.


"Psst."


Gumapang ang kilabot sa buo kong katawan nang makarinig ako ng sitsit. Diyos ko, totoo ngang may multo. Sino naman ang sisitsit? E, nasa Cebu sina Joy at ang mga magulang niya. Ako lang ang mag-isa rito kaya imposible!


Teka? Hindi kaya nababaliw lang ako? Baka, may saltik na ako sa utak at kung ano-ano na ang naririnig ko.


Nagtalukbong ako para kung may magpakita man sa akin ay hindi ko makita.


"Kung sino ka mang sumisitsit. Please, takot ako sa multo. Patulugin mo ako, ayaw kong mamatay sa takot."


Kinausap ko kung sino man iyon dahil maaari rin namang hindi si Lawrence ang nagpaparamdam sa akin.


"Teka, naririnig mo ako?"


Biglang may nagsalita. Mama! Ayaw ko na!


Hindi ko na kinaya, naiyak na ako.


"Mama! Tulong! May multo!" sigaw ako nang sigaw.


"Teka, huwag kang umiyak. Ako ito, si Lawrence."


Mas lalo akong natakot nang magpakilala siya. Tama nga ang iniisip ko, maghihiganti siya akin. Balak niya akong patayin sa takot.


"Umalis ka na. Please! Hindi ko kayang makakita nang multo!" pagmamakaawa ko sa kanya.


Wala akong narinig na sagot.


Maya-maya pa ay bumukas ang ilaw. Pero hindi ko tinanggal ang pagkakataklob ng kumot sa aking buong katawan. Kahit na pawis na pawis na ako ay wala akong pakialam.


Ilang minuto pa ang lumipas, wala na akong narinig na Lawrence. Siguro ay umalis na nga siya. Mabait din naman pala ang loko. Sabagay, patay na tas magsasalbahe pa? Sobra na 'yon.


Bukod sa pawis na pawis na ako ay nakaramdam ako ng uhaw. Tuyong-tuyo ang lalamunan ko at pakiramdam ko ay mauubusan na ako ng tubig sa katawan.


Kahit na takot na takot ay dahan-dahan kong tinanggal ang kumot na bumabalot sa aking mukha. Sinilip ko ang paanan ko, at salamat sa Diyos dahil wala naman akong nakita.


Nakahinga na ako nang maluwag.


Dahil doon ay nagkalakas ako ng loob na lumabas ng kuwarto at magpunta sa kusina upang kumuha ng maiinom.


Pinakikiramdaman ko pa rin ang aking paligid dahil baka mamaya ay bigla na lang sumulpot si Lawrence mula sa kung saan. Alam mo na, multo e. Siraulo pa. Baka bigla na lang akong gulatin.


Kinuha ko ang babasaging pitsel mula sa refrigerator at sandaling inilapag sa lamesa upang kumuha ng baso.


Pagkakuha ng baso ay agad akong nagsalin ng tubig.


Matapos kong maubos ang isang baso ay nagsalin pa muli ako dahil sa sobrang pagkauhaw. Hindi ako mahilig uminom ng tubig, siguro sa isang araw ay nakakatatlong baso lang ako. Kaya nga dry ang skin ko e, pero dahil sa nga sa nangyari kanina ay napainom ako nang wala sa oras.


Habang inuubos ko ang isa pang baso nang tubig ay may narinig akong nagsalita mula sa aking likuran.


"Please, forgive me."


Nanlaki ang mga mata ko at awtamatikong napalingon. Nalaglag ko ang basong hawak-hawak dahil nakita ko ang multo ni Lawrence. Nakangiti pa sa akin ang loko.


Bigla na lang nagdilim ang paningin ko at wala na akong maalala pagkatapos.








Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa  Balat ng LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon