Vigan Tour

752 22 11
                                    


Nakapagtataka yata, wala pa si Olivia. Sa tagal ng pagiging magkaibigan namin, ngayon lang ako nauna sa kanya sa oras. Kadalasan kasi ay naliligo pa lang ako, nasa klase na siya. Kumbaga, mas una pa siya sa first.

"Students, ilang minuto na lang at aalis na tayo. Huwag na kayong bababa ng bus, ha. Baka maiwanan kayo. At kung nagtataka kayo kung bakit magkakahalo ang iba't-ibang program sa iisang bus, sinadya iyan upang magkaroon kayo ng bonding sa iba," paalala sa amin ng sexy at magandang tour guide. Pesteng tour guide ito, ang aga-aga, pinapaalala sa akin kung gaano ako kapangit.

Nasaan ka ba kaps... bulong ko sa sarili.

Nag-aalala ako sa kanya. Hindi naman kasi siya mahuhuli kung walang nangyaring hindi maganda, e. Tiyak, may dahilan kung bakit wala pa siya. Diyos ko, wala akong pagkain mamaya kapag nagkataon. Hindi pa naman ako nag-almusal dahil balak ko ay dito na lang sa bus kumain. Gutom na gutom na ako.

Maya-maya ay may babaeng nagsalita na nakaagaw ng pansin ko. Sakto kasing nagsalita siya malapit sa akin.

"O, ano 'to? Hindi ba marunong ang school na 'to kung paano ang proper segregation? Hindi ba dapat ay hinihiwalay ang mga nabubulok sa mga hindi nabubulok. Ewwww."

Nahalata ko na ako ang pinatatamaan niya dahil nakatingin siya sa akin. Nagtawanan ang mga kasunod niyang babae, gan'on din ang ibang mga nakarinig. Ang aga-aga, sinusubukan ako nitong talipandas na ito, a.

"Ay, oo nga naman, pero bakit ka nandito? Dalhin mo kaya 'yong sarili mo sa basurahan, mas bagay ka ro'n. Nabubulok na 'yang ugali mo sa sobrang sama," bawi ko na nagpatahimik sa kanya. Nagtawanan ang lahat ng nandoon. Nakasambakol siyang dumiretso sa likuran ng bus.

Nakatingin ako sa bintana nang mapansin kong parang kinikiliti ang karamihan sa mga babae sa akin paligid. Nagbubulungan sila at iyong iba ay tumitili pa.

"Dito ka na lang umupo sa tabi ko!" sigaw ng isa.

Sino ba iyon? Bakit parang tinutusok ng sili ang tumbong ng mga malalanding ito?

Itinaas ko nang bahagya ang aking ulo upang silipin kung sino iyong bagong pasok sa bus, at halos ma-stroke ako nang malaman kung sino iyon.

"Oh...My...Gulay!" bulalas ko.

Bumalik ako sa pagkakaupo dahil ayaw kong makita niya ako. Si Andrew! My ultimate crush simula ng fetus pa lang ako. Dumaloy ang ilang boltahe ng kuryente sa aking buong katawan. Parang mauubusan ako ng hininga dahil sa sobrang kilig. Para akong isang butterfly na lumilipad sa gitna ng napakagandang hardin kung saan nagkalat ang napagagandang bulaklak.

Naririnig ko ang pag-awit ng mga ibon na para ba akong hinaharana. Bawat huni ay walang kasing-ganda at animo'y dinadala ako nito sa ulap upang iduyan sa himpapawid, habang nakahiga ako sa bisig ni Andrew at inaamoy-amoy ang kanyang kilikiling walang kasing-bango.

"Miss?"

"Miss?"

"Ano ba! Busy ako sa pag-iimagine, huwag kang magulo," nakangiti kong bigkas habang nakatingin sa bintana ngunit ang atensyon ay nasa mga ibong nagkakantahan sa aking imahinasyon.

"Ha? Hindi kita marinig. Ano ulit iyon?" tanong ng lalaki.

"Ano ba 'to. Ang gulo. Pinagnanasaan ko pa si An... An..." Halos tumulo ang laway ko nang mapagtantong si Andrew ang kumakausap sa akin.

"Nya nya nya nya nya nya?" Hindi ko na alam ang sasabihin ko dahil sa pinaghalong kaba at kilig.

"Miss, okay ka lang? Itatanong ko lang sana kung ano'ng seat number mo?"

Ang PinakaMAGANDANG PANGIT sa  Balat ng LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon