[2] : ANG KATOTOHANAN
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤ
ㅤㅤ
KAHIT wala siyang kaalam-alam sa mangyayari, pinuntahan niya pa rin ang Ilog Advor. Hindi naman ito malayo-layo sa palasyo kung kaya't hindi din siya mahihirapan rito. Ang tanging magpapatagal lamang sa kaniya ay ang mga rosas na nakatanim malapit dito at ang ibang pang mga bulaklak sa paligid.Nang siya'y makarating sa parteng iyon, hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili na amuy-amuyin ang mga bulaklak at halaman na naroon. Lalong gumagaan ang kaniyang pakiramdam dahil sa amoy nito. Tila ba narating na niya ang langit. Napapapikit at tila ba nakalimutan niya ang realidad.
Kasama ng mga bulaklak na iyon ay ang mga ibon at paru-parong dumadapo sa mga ito. Hindi man gano'n kalamig, magaan naman sa pakiramdam ang hangin na ibinibigay ng mga bulaklak na iyon. Hindi na niya napigilan ang pagkamangha niya sa mga bulaklak na iyon. Kung kaya't pumili siya ng rosas na kaniyang pipitasin. Nang siya'y makapili, kaagad siyang umupo upang makuha ito nang mas mabilis.
Pilit niyang iniiwasan ang tinik nito upang hindi siya masugatan. Marahan niya itong hinila. Ilang segundo lang ay nahila na rin niya ito. Siya'y napangisi dahil sa kaginhawaan. Bahagya niyang inamoy ang bulaklak na iyon bago tumayo. Nakangiti niyang tinitignan ang bulaklak. Tila ba nais niya itong isayaw.
Ngunit, bago pa man niya mailagay sa kaniyang tenga ang bulaklak, narinig na niya ang tubig sa ilog. Subalit, hindi lang ito ang pumukaw sa kaniyang atensyon, tila ba may mga Razaeli sa ilog. Rinig niya ang mahihinang ungol nito.
Napakunot ang kaniyang noo at saka dahan-dahang naglakad patungo sa ilog. Iniaalis niya ang bawat sanga na haharang sa daan niya. Hindi niya pa rin makilala kung sino iyon hanggang sa hawiin na niya ang huling sanga. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa kaniyang nakita.
Kusang kumawala sa kaniyang kamay ang rosas na hawak niya. Napaawang ang bibig niya nang makita niyang naghahalikan ang dalawa. Wala itong mga saplot at tila dinadama nila ang init ng kanilang katawan. Hahayaan niya naman ito kung ito'y hindi niya kilala.
Ngunit, ang mga Razaeli na iyon ay malapit sa kaniyang mga puso. Pareho silang malapit sa kaniya lalong-lalo na ang babae. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin. Ramdam na niya ang nagbabadyang pagtulo ng kaniyang luha.
'Azazel...ina...'
Nang maramdaman na niyang tumulo na ang kaniyang luha, dali-dali siyang tumakbo paalis sa Ilog Advor. Wala na siyang pakialam kung matamaan siya ng mga sanga mg puno doon. Gusto niyang alisin ang imahe nilang dalawa na naghahalikan sa kaniyang isipan...ngunit hindi niya ito magawa.
Ngunit, sa kalagitnaan ng kaniyang pagtakbo, bigla niyang nasagi ang inaakala niyang isang puno. Dahil doon, siya'y natumba. Hindi na niya mapigilan ang kaniyang pagtangis. Napahawak na lamang siya sa kaniyang mukha at saka humagulgol.
Lumuhod naman sa kaniyang tabi ang isang lalaki. Pilit nitong inalis ang kamay ni Kathleen na nagtatakip sa mukha nito. Doon lamang nakita ng prinsesa kung sino ang nakasalubong niya. Subalit, wala siyang panahon na ayusin ang kaniyang sarili. Masyadong masakit para sa kaniya ang kaniyang nakita.
"Ano'ng iniiyakan mo?" Tanong ni Haring Caesar na ngayon ay kapantay si Kathleen. Tinanggal ng prinsesa ang kaniyang takip sa mukha at saka tinignan ang hari. Hindi pa rin tumitigil ang kaniyang mga luha sa pag-tulo. Nagpapaunahan ito sa kaniyang mata. Halos mamula na rin ang buo niyang mukha dahil doon.
"Kathleen." Tawag ng hari sa pangalan nito. Sa unang pagkakataon, tinawag rin siya nito sa pangalan niya nang walang sermon. Kahit pa pasigaw ito, halata sa kaniyang mga mata ang pag-aalala niya sa prinsesa. Mas lalong humagulgol si Kathleen at saka hinila ang braso ng hari. Bigla niya na lamang itong niyakap sapagkat ito ang kaniyang kailangan ngayon.

BINABASA MO ANG
The Prophecy Series #1 : The Last Sword [COMPLETED]
Fantasy[ The Prophecy Series : Raznolika ] Ang mundong nabahiran ng kasamaan ay magkakaroon muli ng bagong pag-asa. Ang dalawang espadang nilikha upang makapuksa sa kasamaan ay nakahanap na ng kani-kanilang tagapangalaga. Subalit, kailangan nilang ipakita...