Kabanata 34

14 3 0
                                    

[34] : MISTERYOSONG PAGBABAGO








ㅤㅤ








ㅤㅤ
ISANG alaala ang muling binalikan ni Ellis. Kahapon lamang, noong siya'y magising, kaagad siyang pinatawag ng hari sa silid nito. Kaagad naman siyang umakyat sa ikatlong palapag ng palasyo kung saan naroon ang silid nito. Ilang sandali pa'y nakarating na siya sa ikalimang palapag.

Gaya ng kaniyang inaasahan, malayo ito sa iba pang mga silid. Kinakailangan niya pang maglakad sa isang pasilyo sa pinaka-madilim na parte ng palasyo bago siya makarating roon. Dahil sa dilim na ito, bahagyang tumaas ang kaniyang balahibo. Napaakap na lamang siya sa kaniyang braso habang patungo rito.

Ilang sandali pa, nasilayan na niya ang liwanag na nagmumula sa isang bintana. Katabi ng malaking bintanang iyon ay ang pintuan patungo sa silid ng hari. Dahil bukas ang pinto nito, kaagad niyang nakita ang hari na nakaupo sa harap ng isang mesa. Madilim din ang silid at tanging ang maliit na butas mula sa kaniyang durungawan ang nagsisilbing ilaw ng silid.

Tinignan muna niya ang mga taga-silbi na sumama sa kaniya bago siya pumasok sa silid ng hari. Ngunit, sa pintuan lamang siya tumayo at hindi malapit sa hari. Napansin pa rin siya nito kahit na may isinusulat ito sa isang libro. Kaagad niyang isinara ang aklat na iyon at saka inilapag ang kakaiba niyang pluma.

Bahagya niyang nilingon ang dalaga na ngayo'y kinakalikot ang kaniyang mga kuko. Nakayuko rin ito na para bang natatakot pa rin sa presensya ng hari. Hindi man siya nakatingin dito, kabisado na niya ang mga galaw nito.

"A-ano hong kailangan n'yo s-sa akin?" Lakas loob na tanong ni Ellis sa hari. Kaagad namang ibinaling ni Caesar ang kaniyang tingin sa maliit na butas ng kaniyang durungawan. Dahil nasa itaas na bahagi ng palasyo ang kaniyang silid at ito'y nasa pinakatuktok pa, kitang-kita niya ang Lazarius sa kaniyang paningin. Maging ang mga dati niyang alaga na ngayo'y bantay na ng palasyong iyon.

"Bakit suot mo pa rin ang iisang damit na iyan?" Mahinahong tanong ng hari. Subalit, dahil sa baritonong boses ng lalaki, napaatras ng bahagya si Ellis dahil sa takot. Napabuga na lamang ng hangin ang hari.

"A-ano ho?" Pagbibingi-bingihan ng dalaga kahit pa narinig na niya ang katanungan nito. Kaagad namang tumayo ang hari sa kaniyang kinauupuan at saka hinarap ang dalaga. Muli itong napaatras nang mapansin niya ang paggalaw nito.

Humakbang naman siya papalapit sa dalaga dahilan upang mapalabas ito bigla sa kaniyang silid. "Pumasok ka, kakausapin lamang kita. Hindi ako ang iyong ama," pagpapalakas niya sa loob nito. Napayuko naman si Ellis at saka dahan-dahang pumasok sa silid. Ngayon ay magkatapat na sila ng hari. Sinisipat-sipat nito ang kaniyang kasuotan.

"Bakit iyan ang palagi mong suot?" Tanong bigla sa kaniya ng hari. Napaiwas naman ng tingin ang dalaga habang ang kaniyang mga mata'y hindi mapakali. Kinukusot-kusot niya rin ang kaniyang kamay at bahagyang nakataas ang kaniyang balikat. May takot pa rin sa kaniyang isipan kahit hindi na siya nasasaktan pa ng kaniyang ama o binabantayan.

"W-wala ho mahal na hari, n-nais ko--"

"Dahil itinatago mo ang iyong mga sugat," pagputol ng hari sa sinabi ni Ellis. Nanlaki naman ang mata ng dalaga habang ibinabaling ang kaniyang tingin sa hari. Walang kahit ano'ng emosyon ang mga mata ng hari. Tinititigan lamang siya nito na para bang alam na niya ang lahat.

"Alam ko, dahil iyon rin ang aking ginagawa ngayon," saad pa ng hari na nagpakunot naman sa noo ni Ellis. "Ngunit, nakakasama iyan lalo na't bata ka pa. Hindi mo maaaring itago nang itago ito nang hindi man lang tinatapalan ng kahit ano. Didikit iyan sa iyong damit at magkakaroon pa ng impeksyon," dagdag pa nito. Kunot noo naman siyang tinignan ng dalaga.

The Prophecy Series #1 : The Last Sword [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon