NOBYEMBRE NG TAONG 1798
LUMAPIT si Susana kay Thaddeus at yumakap sa likuran nito. Napangiti si Thaddeus at naitigil ang ginagawang pag-aayos ng relo mula sa kanyang mesa. Hindi pa niya mahawakan ang asawa dahil madumi pa ang kanyang mga kamay. Sinimulan niyang ayusin ang relo kagabi ngunit hindi niya natapos. Gumising siya nang maaga kanina para balikan ang pag-aayos. Tatlong oras na siyang nakaupo at inaayos ang relo.
"Kumain ka muna," malambing na alok ng kanya asawa. "Balikan mo na lamang 'yan mamaya."
"Kukunin ito ni Don. Santiago mamaya. Naipangako kong makukuha niya ang kanyang relo ngayong araw."
Ibinaling ni Thaddeus ang mukha sa asawa. Naglapat na naman ang mga labi nito at nagdidikit na muli ang dalawang linya ng kilay ni Susana. Tanda na nagsisimula na itong mainis sa kanya. Natawa lamang si Thaddeus.
"Kumain na ako ng agahan kanina. Huwag mo na akong alalahanin."
Ngunit mukhang hindi naniniwala ang asawa sa kanya.
"Sinabi ko na sa'yo na huwag kang magpapalipas ng gutom. Baka ang agahan na sinasabi mo ay nag-kape ka lamang."
"Kinain ko ang natirang tinapay kagabi."
Bumuntonghininga si Susana at ikinulong ang kanyang mukha sa mga kamay nito. Ramdam niya ang mga kalyos nito sa kamay sa kanyang mga pisngi. Hindi niya maiwasang malungkot. Gusto niyang alagaan ang mga kamay na 'yon ngunit napakahirap ng buhay nila. Gustuhin man niyang sa bahay na lang ang kanyang asawa ngunit kailangan nilang magtulungan sa paghahanap buhay para sa kanilang pamilya.
Lumamlam ang inis na emosyong ipinakita ni Susana kanina. Nakitaan niya 'yon ng kalungkutan at panghihinayang sa pagkakataon na 'yon.
"Maganda sana ang buhay mo kung hindi mo kami pinili," malungkot nitong sabi.
"Mahal, wala akong pinagsisihan sa mga desisyon ko. Pinili kita at ng anak natin dahil sa inyo ako masaya. Aanhin ko ang maalwan na buhay kung hindi ko naman kapiling ang aking mag-ina." Hinawakan ni Thaddeus ang kamay ng asawa kahit na madumi ang kanyang mga kamay. Hindi naman 'yon pinansin ni Susana kaya ibinaba niya ang kamay nito at ginagap saka hinalikan. "Ang importante ay magkakasama tayo. Ikaw, si Arturo, at ako. Kumikita naman tayo kahit papaano sa pagbebenta ng mga lumang bagay at nakakain pa naman tayo ng tatlong beses sa isang araw."
Sumilay na ang ngiti sa mukha ni Susana. Yumakap ang asawa sa kanya. "Kahit madaming pagsubok ay nakakayanan ko dahil kasama ko kayong dalawa ni Art."
Marangya ang buhay na kinagisnan ni Thaddeus ngunit lahat nang 'yon ay tinalikuran niya para kay Susana at Arturo. Tutol ang kanyang buong pamilya kay Susana dahil hindi ito katulad ng pamilya niya. Madaming misteryong bumabalot sa pamilyang de Alonso. Isa sa mga rason na lalong nagtulak sa kanya para lisanin ang bayan niya. Mas mabuting lumaking normal ang walong taong gulang niyang anak. Gusto niyang magsimula ulit at kalimutan ang kanyang nakaraan.
"Nakita ko ang mga lumang guhit mo."
Mapait ang ngiting ibinigay ni Thaddeus sa asawa. "Bago lang tayo rito, mahal. Walang magtitiwala sa mga gawa at desinyo ko."
Dati siyang arkitekto sa kanilang lugar. Natuto rin siyang magkumpuni ng mga luma at sirang bagay. Binibili niya ang mga lumang bagay na kaya pa niyang ayusin at ibinibenta ang mga 'yon sa kanilang maliit na tindahan. Masuwerte silang mag-asawa dahil nabili nila sa murang halaga ang puwesto ng kanilang tindahan na siyang bahay din nilang tatlo. Malapit pa 'yon sa daungan ng mga barko.
"Ngunit wala namang mawawala kung susubukan mo."
"Hindi pa sa ngayon." Tinapik-tapik niya ang kamay ni Susana at muling ngumiti. "Hayaan mo muna. Ang mahalaga ay kumikita tayo sa tindahan."
BINABASA MO ANG
FDA 4: THE GIRL THAT GOT AWAY - COMPLETE
ParanormalAR. THADDEUS BERNARDO APOSTOL faces his greatest regret after ten long years of waiting for the girl that got away, but instead of meeting Susanna Evangeline Rama's future self, the mysterious lighthouse of Faro de Amoré brings back the Sanna in his...