REVELATION II

1.4K 133 85
                                    

NAIPIKIT ni Iesus ang mga mata at mahinang napaungol nang hawakan niya ang kanang balikat. Tila sinisilaban ng apoy ang kanyang buong likod. Mag-isa lang siya sa kanyang silid. Halos patay ang mga ilaw maliban na lamang sa isang lamp shade na nakapatong sa mesita katabi ng kanyang kama. Pinahinaan niya ang aircon kanina dahil nilalamig siya. Idagdag pang malakas ang ulan sa labas at kumikidlat pa.

Hindi siya makatayo nang maayos. Hindi niya maisarado ang natitirang butones ng kanyang suot na puting polo. Bumaba ng kusa ang mga mahabang manggas ng polo na naitiklop na niya hanggang sa siko kanina.

Napalunok si Iesus. Ramdam niya ang paghahabol niya ng kanyang hininga dahil sa dahan-dahang pagtusok ng sakit sa buong kalamnan niya. Ang init-init ng buong katawan niya. Butil-butil ang kanyang pawis. Wala siyang makapang lakas sa kanyang buong katawan lalo na sa kanyang mga binti hanggang sa tuluyan na siyang napaupo sa gilid ng kanyang kama.

Napabuga siya ng hangin.

Tumaas baba ang kanyang dibdib. Kinakapos siya ng hangin. Namimigat ang talukap ng kanyang mga mata. Napalunok ulit si Iesus at naisandal na ang mga kamay sa kama. Nang yumuko siya ay ramdam niya ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Nilalabanan niya ang tuluyang pagpikit ng kanyang mga mata.

Shit!

Mura na ni Iesus sa isip. Parang mawawalan na siya ng malay.

"Malinaw ang usapan na hindi ka mangingialam," basag ng isang pamilyar na boses ng isang lalaki.

Naramdaman niya ang pagyanig ng buong silid nang kumulog. Pumasok ang tila latigong hampas ng liwanag mula sa siwang ng makakapal na kurtina ng kanyang bintana. Tuluyan nang naipikit ni Iesus ang mga mata.

He knew this day will come.

"Pinaglagpas ko ang unang beses na sinuway mo ako, Iesus," dagdag ng boses. "Sarili mong mga desisyon ang nagdala sa'yo sa sitwasyon mo ngayon. Nangialam ka at hindi ko na puwedeng palagpasin pa ulit iyon."

Tumindi ang kanina pa niya dinaramdaman na sakit sa ulo. Parang mabibiyak ang ulo niya. Hindi maibsan ng inimom niyang gamot ang sakit na bumabaon sa kanyang likuran. Tila paulit-ulit siyang nilalatigo.

"S-Sabihin mo na... ang gusto mong sabihin..."

Naisandal ni Iesus ang isang siko sa hita. Gamit ng ibabang bahagi ng kanyang palad ay sinapo niya ang noo at diniinan ang paglapat. Pero hindi maibsan ang matinding pagpintig ng sakit sa kanyang ulo.

"Mababawasan ang oras na mayroon ka dahil sa ginawa mong pagtulong kay Thaddeus. Alam mong hindi 'yon palalagpasin ng mahiwagang orasan. Wala na akong magagawa pa sa bagay na iyon."

Huminto ito ng ilang segundo bago ulit nagpatuloy.

"Pinapaalahanan kita na kaunting oras na lamang ang natitira sa'yo. Gamitin mo sa tama at pag-isipan mo nang mabuti ang bawat gagawin mong hakbang." 

FDA 4: THE GIRL THAT GOT AWAY - COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon