Warning: homophobic remarks and violence.
. . .
18 : Forced
JULIAN
Pagbukas ko ng pinto ng bahay, ang tanging nais ko lang ay makapagpahinga. Pagod na pagod na ako—hindi lang pisikal kundi emosyonal. Sa bawat hakbang ko papasok sa bahay, pakiramdam ko ay ang bigat-bigat ng mundo na dala-dala ko. Pero hindi ko inaasahan ang sumalubong sa akin.
Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi ko agad naintindihan ang mga nangyari. Biglang sumiklab ang sakit sa pisngi ko. Tumama ang kamao ni Papa sa mukha ko nang malakas, dahilan kung bakit halos mapaupo ako sa gulat at sakit. Biglang naglaho ang lahat ng lakas ko.
Napatitig ako kay Papa at hindi makapagsalita.
"HAYOP KA!" nagwawalang sigaw niya, ang boses niya'y umaalingawngaw sa loob ng bahay. Kita ko ang bakas ng galit sa mga mata niya, galit na hindi ko kailanman papangaraping makita sa buong buhay ko.
"Ano 'to?!" patuloy niya habang itinaas ang cellphone niya, pinapakita ang isang litrato. Sa kabila ng sakit at pagkagulat, nagawa kong tumingin. Dahil doon ay nagulantang ako at dagling binalot ng kaba at takot ang dibdib ko.
Yung litrato na kumalat... y-yung picture namin ni Austin sa party na mukhang magkahalikan kami.
"P-Pa, hindi—" pilit kong paliwanag, pero hindi niya ako pinatapos.
"HINDI ANO, HA?!" sunod niyang sigaw habang inilapit ang mukha niya sa akin. Ramdam ko ang init ng galit niya sa bawat salita. "Hindi totoo? Nagpapalusot ka pa? Bakla ka pala talaga! Anong klaseng anak ang pinalaki namin?!"
Ang bawat salita niya ay parang kutsilyong tumatama sa dibdib ko. Sinubukan kong tumayo at pilit na lumalayo sa kanya, pero hinabol ako ni Papa. Samantalang sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko si Mama. Tahimik lang na nakatayo sa gilid, pero ang ekspresyon sa mukha niya ay sapat na para sirain ako nang tuluyan.
Dismaya. Kita ko iyon sa kanya. Walang kahit anong pagtatanggol. Walang kahit anong salita para sa akin. Para bang pareho lang sila ng iniisip ng Papa ko—na wala akong... kwentang anak.
"Anong nangyayari dito?!" singhal ni Papa habang sinipa ang bag ko na nakalapag sa sahig. "Lumayas ka! Hindi kita pinalaki para maging ganyan!"
Nakita kong tinuturo niya ang pintuan. "Lumayas ka, Julian!"
"P-Pa..." Nanginginig at nanghihinang boses ko, halos hindi ko na marinig ang sarili ko dahil sa ingay ng puso kong kumakabog. "S-sorry po, P-Papa... Hindi ko po gusto--"
Pero hindi siya nakinig. Isa-isang tinapon ni Papa ang mga gamit ko. Ang bag ko, ang sapatos, pati ang mga damit ko na kinuha niya mula sa kwarto. Isa-isa niyang ibinabato palabas ng bahay habang sumisigaw ng mga masasakit na salita.
"Ikaw ang dahilan kung bakit nakakahiya ang pamilya natin!" sigaw niya. "Paano na tayo haharap sa mga tao? Bakla ka? Bakit ka naging ganito, ha?! Anong nagkulang sa amin ng Mama mo?!"
Napatitig ako sa kanya, hindi makapaniwala sa sinasabi niya. "Pa, mahal ko po k-kayo..." ang hina ng boses ko, halos hindi na marinig sa tuloy-tuloy na paghikbi ko at halos mabulol na sa pagsasalita.