Chapter 29

178 10 7
                                    

Warning: explicit language.

. . .

29 : Reason

JULIAN

Kinabukasan, isang tahimik na umaga ang bumulaga sa amin. Walang pasok dahil holiday, kaya't ang buong bahay ay tila naliliman ng katahimikan kahit tanghaling tapat na. Wala ngayon si mama sa bahay dahil may lakad daw kaya maaga itong umalis. Si papa naman, hindi makapasok sa trabaho kaninang umaga dahil sa hangover at sa mga sugat sa kanyang katawan—patunay ng ginawang pagtatanggol sa akin.

Tahimik akong kumakain sa lamesa, pilit na iniisip kung paano ba magsisimula ng normal na araw matapos ang lahat ng nangyari. Nakasubsob lang ako sa aking plato, sinusubukan na huwag pansinin ang bigat sa dibdib ko. Pero maya-maya, naramdaman ko ang presensya ni Papa na umupo sa tapat ko. Hindi ko inaasahan iyon, kaya't napatingin ako saglit sa kanya bago bumalik sa pagkain.

Tahimik lang si papa. Walang imik, walang anumang salita. Nagsandok siya ng kanin at nagsimula na ring kumain. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Nag-aalala ba siya? Galit pa rin ba siya? O baka naman nagsisimula na siyang magbago?

Habang kumakain kami, hindi ko maiwasang mapaisip. Sa kabila ng mga nangyari, parang may kakaibang init na sumilay sa paligid. Tahimik, pero hindi nakakabinging tahimik. Parang may kaunting kapayapaan sa loob ng bahay na matagal ko nang hindi nararamdaman.

Natatakot akong tumingala at makita ang ekspresyon niya. Baka kasi makita ko pa rin ang galit o kaya'y pagkamuhi sa mga mata niya. Kaya naman nanatili akong nakayuko at nakatutok lamang sa plato ko. Hindi ko na rin alam kung paano sisimulan ang anumang usapan. Hindi ko alam kung may sasabihin ba siya o mananatiling tahimik ang pagitan namin.

Hanggang sa kalagitnaan ng pagkain ay narinig ko siyang bigla magsalita.

"Kumusta pakiramdam mo?" mahinang tanong niya, nakaiwas pa rin ng tingin pero diretso.

Natigilan ako. Tila bumagal ang oras ng mga sandaling 'yon. Napalunok ako ng bahagya, pilit na itinatago ang biglaang kabog ng puso ko. Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na tatanungin niya ako... kahit kailan.

Hindi ko mapigilan ang bahagyang pamumuo ng luha sa aking mga mata. Hindi dahil natatakot akong sumagot, kundi dahil sa sobrang tuwa.

Sa unang pagkakataon sa mahabang panahon... may pakialam si papa. May pag-aalala.

Pilit kong pinigilan ang sarili kong maluha. Gusto kong maging matatag, gusto kong huwag ipakita ang kahinaan ko, pero sa loob-loob ko, parang bumabaliktad ang lahat. Ito ang unang beses na tinanong niya ako kung ayos lang ba ako. Halos ilang taon na mula noong huli kong naramdaman na nagmamalasakit siya.

"O-kay lang po," pinigilan kong manginig ng aking boses. Sinubukan kong gawing natural ang sagot ko, kahit na sa loob-loob ay gusto ko na talagang sumabog sa emosyon.

Nagpatuloy kami sa pagkain, pero hindi ko na maiwasang mapansin ang kakaibang ginhawa na nararamdaman ko. Sa kabila ng lahat ng sakit at lungkot... naramdaman ko ang isang bagay na matagal ko nang hinahanap-ang pagmamalasakit ng isang ama.

Nang kumalma ay muli akong nakarinig ng boses mula sa papa ko. Tahimik, pero puno ng kwento ang bawat salitang kanyang binibitawan. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari—ngayon lang siya nagkukwento ng ganito sa akin. Parang bawat salita niya ay may bigat, isang bigat na matagal nang kinikimkim at ngayon lang nailalabas.

Sinimulan niya ang kwento tungkol sa kabataan niya. Isang nakaraan na hindi ko kailanman inakala na meron siya. Noon daw, mayroon siyang matalik na kaibigan. Ang pangalan nito ay Marcus, at... isa siyang bakla.

Nang banggitin ni papa ang pangalan ng kaibigan niya ay agad kong nakita ang bahagyang lungkot sa mga mata niya. Before, para daw silang pinagbiyak na bato, laging magkasama, at magkasangga sa lahat ng problema. Habang nagsasalita siya ay hindi ko maiwasang mamangha.

Ang hirap isipin na ang papa ko, na kilala kong istrikto at seryoso, ay nagkaroon ng isang malapit na kaibigan na bakla.

Parang ang layo sa imahe na kinalakihan ko. Pero habang patuloy siyang nagkukwento, unti-unting nagiging malinaw ang dahilan ng kanyang mga galit.

Isang beses, nasira ang kanilang pagkakaibigan dahil sa isang tao—ang mama ko. Noong una, akala ko baka may gusto si Marcus kay Mama, pero agad kong nabasag ang haka-hakang iyon nang sabihin ni Papa na may gusto pala si Marcus sa kanya.

Nagsimula raw ang lahat nang magselos si Marcus kay Mama dahil nakikita niyang nililigawan ni Papa si Mama. Hindi raw natanggap ni Marcus na may ibang babae na umaagaw ng atensyon ni Papa. Hanggang sa dumating sa punto na si Marcus ay nakagawa ng masamang bagay na muntik nang ikapahamak ni Mama.

Doon na raw tuluyang naputol ang koneksyon nilang magkaibigan. Mula noon, nagsimula na rin ang galit ni Papa sa mga bakla. Iniisip niya na lahat ng bakla ay gagawin ang lahat para makamit ang kanilang gusto, kahit pa may masaktan silang tao sa proseso.

Habang naririnig ko ang kwento ay hindi ko maiwasang makaramdam ng awa kay Papa. Sa kabila ng lahat ng galit na ipinakita niya sa akin noon, ngayon ko lang naintindihan kung saan nagmumula ang lahat ng iyon. Hindi lang basta-bastang galit. Isa itong sugat mula sa nakaraan na hindi pa rin tuluyang naghihilom.

"Pasensya na, Pa," bulong ko, pilit na iniwasan ang pag-crack ng boses ko. "Ngayon ko lang po naintindihan kung bakit gano'n na lang kalaki ang galit niyo sa mga tulad ko."

Marahang umiling naman si papa. Isang mahinang iling na tila may bakas ng lungkot.

"Hindi mo kasalanan iyon," sabi niya. "Dati, iniisip ko na lahat ng bakla pare-parehas. Pero ngayon... alam ko nang nagkamali ako. Naiintindihan kong hindi lahat ay ganoon dahil sayo."

Parang may kung anong mainit na likido ang bumalot sa puso ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano ang dapat ire-react ko sa narinig.

"Kilala kita, Julian," patuloy ni papa. "Alam kong hindi ka tulad ng iba. Napakabait mong tao, at kahit anong mangyari, anak kita."

Sa mga salitang iyon, hindi ko na napigilan ang pag-agos ng luha ko. Tahimik lang akong umiiyak, ayaw ko sanang ipakita, pero parang wala na akong magawa.

Bago pa ako tuluyang humagulgol, bigla niyang iniabot ang tissue sa akin. "Tama na 'yan," sabi niya, halos pabulong pero may halong lambing. "Walang silbi ang kakaiyak."

Tinanggap ko ang tissue at nahihiyang pinunasan ang mga luha sa aking pisngi. Tumango ako sa kanya at sinisikap na huminahon. "S-salamat po, Pa."

"Basta lagi mong tatandaan," dagdag niya, "kapag may umabuso ulit sayo, kahit sino mang tarantado 'yan, magsumbong ka agad sa akin. Hindi ako magdadalawang-isip na ipagtanggol ka." May ngiti sa labi niya, pero may halong seryosong determinasyon sa kanyang mga mata.

Napailing na lamang ako at saglit na natawa sa sinabi niya. "Papa naman!"

Natapos namin ang pagkain ng may mas magaan na pakiramdam. Pagkatapos ng eksenang 'yon ay agad din akong naghugas ng plato. Sapagkat habang nagbabasa ng mga hugasin ay naramdaman ko ang panginginig ng cellphone ko sa bulsa. Isang notification ang pumasok, kaya't saglit ko itong tiningnan.

Napako ang tingin ko sa screen nang makita ko ang pangalan ng nag-text.

Damien.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Napatawad ko na ba siya? O hanggang ngayon ay may galit pa rin ako sa kanya?

Blangko ang isip ko habang nakatitig sa pangalan niya. Parang lahat ng emosyong pilit kong tinatago ay unti-unting bumabalik. Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Damien-kung gusto ko pa ba siyang makita o gusto ko na lang siyang kalimutan.

Tahimik akong nagpatuloy sa paghuhugas ng pinggan, pilit na binabalewala ang cellphone sa tabi ko.

I just... I don't know what to do next.

His Ephemeral SignsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon