19 : Cook
JULIAN
Matapos ang nangyari sa madilim at maulan na kalsada, dinala ako ni Damien sa condo unit niya. Wala akong lakas na tumutol, wala na rin akong lakas na magtanong. Tahimik kaming, sumakay ng elevator, pumasok sa loob, at agad na sinarado ang pinto habang basa pa rin kami pareho ng ulan.
"Maligo ka muna," utos niya, sabay abot ng tuwalya at ilang piraso ng damit mula sa isang cabinet. "You're soaking wet, baka magkasakit ka pa."
Umiling ako, halos hindi makatingin ng diretso sa kanya. "Huwag na... okay lang ako."
Napansin kong napakagat-labi siya, tila pinipigilan ang sarili. "Julian, just do what I say. Maligo ka na muna. Ako na bahala pagkatapos."
Nahihiyang napatingin tuloy ako sa kanya. "Damien, ikaw na muna. Bisita lang ako rito."
Ngunit napansin kong hindi na siya nakikipagtalo pa. "Please, Julian."
Napabuntong-hininga ako, walang nagawa kundi sumunod na lamang. Pumasok ako sa banyo at hinayaan itong maghintay sa labas. Sa ilalim ng maligamgam na tubig, unti-unti kong naramdaman ang pagkapagod na bumabalot sa katawan ko. Para bang dinadala ng tubig ang lahat ng bigat na nararamdaman ko at binubura ang sakit ng mga naramdaman ko kanina lang.
Bago ako lumabas ng banyo ay sinuot ko ang maluwag na damit na binigay ni Damien. For some reason, bigla kong naramdaman ang pag-init ng pisngi ko. Saglit akong tumingin sa salamin at nakitang napakalaki ng damit at parang nalunod ang katawan ko sa tela. Tila ngayon lang nag-sink in sa akin ang lahat na ginagamit ko ngayon ang damit ni Damien.
Nang makita ko itong nakatayo sa pintuan ng banyo ay mabilis siyang umiwas ng tingin. Napansin ko rin ang bahagyang pag-angat ng dalawang sulok sa kanyang labi bago siya pumasok sa banyo.
Habang naghihintay na matapos siyang magbanlaw ay saglit kong inikot ang paningin ko sa loob ng unit niya. Simple lang ang ayos—isang sofa, maliit na mesa, at ilang libro sa shelf. Napaka-minimalist. Hindi na ako magtataka at halatang mag-isa lang siya ritong nakatira. Tahimik, pero may kakaibang init sa bawat sulok.
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang marinig kong bumukas ang pinto ng banyo. Paglingon ay biglang nanlaki ang mga mata ko at mabilis na napatalikod.
Si Damien, lumabas na nakatapis lamang ang tuwalya sa ibabang bahagi ng katawan. Ang buhok niya ay basa pa at wala ring suot na pang-itaas.
Sobrang bilis ng tibok ng puso ko, hindi ko alam kung dahil sa hiya o kaba. Ngunit sa kabila ng 'yon ay narinig ko ang bahagyang tawa niya.
"Are you okay?"
"O-oo... oo naman," nauutal na sagot ko, pilit na pinapakalma ang sarili.
Nang matapos siyang magbihis ay naupo siya sa sofa at tinapik ang puwesto sa tabi niya, senyales na umupo rin ako. Bagamat nag-aalangan, kalaunan ay dahan-dahan akong naupo sa tabi niya.
Nang muling bumalik ang tahimik na kapaligiran, pinilit kong mag-isip ng ibang paksa para mawala ang bigat ng atmosphere. Binalingan ko ng tingin si Damien.
"Mag-isa ka lang dito sa condo?"
Napatingin siya sa akin, bahagyang nagulat sa bigla kong pagbabago ng usapan. "Not really," sagot niya. "I usually stay at home with my family, but sometimes I come here when I need space or focus."