23 : Dinner
JULIAN
Pag-uwi ko ng bahay ay gabi na. Mula sa gate pa lang, kita ko na ang ilaw sa sala na nagbibigay ng kaunting liwanag sa madilim na daan. Habang naglalakad palapit ng bahay ay nagulat ako nang hindi ko inaasahang makasalubong si Mama. May hawak siyang mga pinamili mula sa palengke at mukhang kakarating lang din niya.
Nagkatinginan kami, parehong nagulat. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko—parang gusto kong tumakbo palayo pero alam kong hindi ko na iyon magagawa. Napansin ko ang pagkabigla sa mukha ni Mama, pero maya-maya lang, iniwasan niya ang tingin ko at pumasok na sa bahay. Naiwan akong nakatayo sa pintuan, kinakabahan, pero alam kong wala na akong atrasan.
Huminga ako ng malalim bago pumasok. Dahan-dahan kong binaba ang bag ko sa sala, ramdam ko ang bigat ng bawat yapak ko papunta kay Mama. Nakita ko siyang nag-aayos ng mga pinamili niya—mga gulay, prutas, at ilang rekado para sa hapunan. Hindi ko alam kung paano magsisimula, pero naramdaman kong kailangan kong gumawa ng hakbang.
“M-Ma... tulungan na kita diyan,” pautal kong sabi, halos pabulong. Ramdam ko ang kaba sa boses ko, parang may pumipigil sa akin na magsalita ng maayos.
Hindi siya tumingin sa akin. Tahimik lamang siyang nagpatuloy sa ginagawa niya, pero hindi niya ako pinigilan nang magsimula akong magligpit din ng mga pinamili. May kung anong sakit sa dibdib ko habang inaayos ko ang mga gulay sa ref. Parang may pader sa pagitan naming dalawa—isang pader na pareho naming hindi alam kung paano babaklasin.
Gustong-gusto kong kausapin ngayon si Mama. Pero natatakot ako. Sobrang natatakot ako sa maaaring sabihin nito sa akin.
Habang nasa kalagitnaan ng pag-aayos ay bigla akong nagulat nang marinig ko si Mama na magsalita.
“Kumain ka na ba?”
Awtomatikong napatingin ako sa pwesto ni Mama na ngayon ay hindi pa rin nakatingin sa akin. Parang may biglang sumikip sa dibdib ko, at hindi ko alam kung bakit pero gusto kong umiyak.
“H-Hindi pa po,” garalgal kong sagot. Pinilit kong kontrolin ang emosyon ko at mabilis na nagpunas ng mata bago pa niya mapansin ang luha ko.
“Pumunta ka na muna sa kwarto mo at magbihis. Magluluto ako ng gabihan,” sabi niya, kalmado pa rin ang boses.
Marahan akong tumango at dahan-dahang umalis, nanginginig ang mga kamay ko habang hawak ang bag ko. Pagpasok ko ng kwarto, hinayaan ko nang bumagsak ang luha ko. Hinubad ko ang sapatos ko at naupo sa gilid ng kama, ramdam ko ang bigat ng lahat ng emosyon na matagal ko nang kinikimkim.
Tahimik akong umiyak, hinayaan ko ang sarili kong ilabas lahat ng sakit at takot. Hindi man kami mag-usap ng maayos ni Mama... ramdam ko naman na sinusubukan niyang makipag-ayos sa akin. Parang may maliit na pinto na unti-unting bumubukas sa pagitan namin—isang pinto na inakala ko ay mananatili nang sarado.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa kwarto. Umiyak lang ako ng umiyak dahil at least, naramdaman ko ang bahagyang gaan sa dibdib ko. Hindi na kasing bigat noong nakaraan. Nang tuluyang kumalma ay nagpunas na ako ng mata at huminga ng malalim, sinusubukan kong ayusin ang sarili ko bago bumaba ulit.
Paglabas ko ng kwarto, ramdam ko pa rin ang katahimikan sa bahay. Pero may kung anong pagbabago—parang hindi na kasing bigat ng kanina. Dumiretso ako sa kusina at nakita roong nagluluto si Mama ng simpleng gabihan.