Chapter 28

99 7 5
                                    

Warning: explicit language.

. . .

28 : Drunk

JULIAN

Nagising akong namamaga ang mga mata at nananakit ang buong katawan. Para bang pasan ko pa rin ang buong mundo. Pagod na pagod ako, hindi lang sa katawan kundi pati na rin sa isip. Hindi na ako nakatulog ng maayos dahil sa rami ng iniisip ko. Wala na rin akong balak ngayon pumasok sa eskwela. Para saan pa? Wala na rin naman akong mukhang ihaharap sa kanila.

Bumaling ako sa aking kanan at kinuha ang phone ko sa bedside table. Sa dami ng text at missed calls ni Damien, wala akong lakas na sagutin man lang ang isa. Gusto ko lang magpahinga. Kahit ngayon lang. Kahit sandali lang.

Gusto ko lang maramdaman ulit kung paano mabuhay ng matiwasay.

Sinubukan ko pang umidlip kahit saglit lang pero nang hindi na ako makatulog pa ay pagod akong umupo ng kama. Ironic, pagod pero hindi makatulog.

Muli kong binuksan ang screen ng phone ko at nakita ang oras. 11:45 am. Kaninang umaga pa talaga ako nagising pero pinilit ko lang ulit patulugin ang sarili ko dahil madaling araw akong nakatulog kanina.

Medyo nagulat pa ako nang sabihin ko sa mga magulang ko na hindi ako ngayon papasok. Hindi ako pinagalitan ni papa, ‘di gaya ng inaasahan ko. Sa halip ay napansin ko ang saglit na paghugot nito nang mapansin ang pasa sa pisngi ko at ang paika-ika kong kilos. Tinakpan ko na lamang ang pasa ko at pinilit na umayos ng paglalakad. Bumalik din ako ng kwarto pagkatapos dahil baka mahalata nila ang kalagayan ko. Hindi naman sa ayokong sabihin sa kanila ang totoong nangyari... ayoko lang talagang dumagdag pa sa problema nila.

Kalaunan ay dinalhan ako kanina ni mama ng pagkain sa kwarto at matiwasay na sanang aalis nang mapansin nito ang mukha ko. Nag-aalalang tinanong pa niya ako kung anong nangyari pero umiling ako at mabilis iyong tinakpan ng kamay. Napabuntong-hininga na lamang siya at umalis pagkatapos, animo’y parang walang nangyari. Pero ako, hindi ko maiwasang magtaka. Parang may kakaiba, pero hindi ko na binigyan ng pansin.

Maghapon akong nakahiga lang sa kama. Wala akong ibang ginawa kundi tumulala sa kisame, naglalakbay ang isip sa kung saan-saan. Bakit ba sa akin nangyayari ang lahat ng ito? Bakit parang ako na lang ang laging pinagpapasahan ng malas ng mundo? Kailan ba matatapos ang lahat ng ito? Gustong-gusto kong alamin ang lahat ng sagot sa mga tanong na umiiral sa isip ko, pero sa ngayon, wala akong makitang liwanag.

Pagsapit ng gabi, nagdesisyon akong bumaba para maghanap ng makakain. Pagbaba ko ay nakita kong wala pa si papa sa bahay, pero abala naman sa paglilinis si mama.

“Ma, nasaan si Papa?” tanong ko, pero bago pa man siya makasagot ay bumukas ang pinto, at doon ay nasagot ang katanungan ko.

Si Papa.

Lasing siya, halata sa amoy ng alak at sa pabagsak niyang hakbang. Pero hindi iyon ang talagang nakaagaw ng pansin ko. May bakas ng away sa mukha niya—may sugat sa kilay at namamagang pisngi. Bahagya kaming nagulat ni mama sa nasaksihan.

“Papa!”

“Oh, jusko po!” Dali-dali naming tinakbo si papa nang makita itong bumagsak bigla sa sahig. Pinagtulungan naming itayo si papa at hirap na pinaupo sa isang upuan sa sala. Nataranta pa ako nang makitang tumutulo ang mahabang sugat nito sa braso at agad na pinunasan iyon gamit ang isang tela na nakuha ko lang sa isang tabi. Napaungot si papa sa sakit.

“Ano bang pinaggagawa mo sa buhay, Edward!” hindi mapakaling saad ni mama at nagmamadaling umalis saglit upang kumuha ng panggamot.

Pinagpatuloy ko naman ang pagpupunas ng mga sugat nito, ngunit habang hinihintay si mama na makabalik ay narinig kong pabulong na nagsalita si papa.

“Hik...! La... la na...” antok pa niyang sambit sa hangin.

“Po?”

"Ala... lang sinumang... pwedeng makapanakit sa...  a-angk... ko," sabi niya, mahina at halos mabulol-bulol pa sa bawat salita. Pero gayunpaman...

Naintindihan ko. Naintindihan ko ang sinasabi ni papa.

Hindi ko mapigilang mapaluha sa narinig. Hindi ko inaasahan iyon mula sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ngayon. Samu’t saring emosyon ang nararamdaman ko—masakit, masaya, o basta nalilito lang.

“P-Papa... anong pinagsasabi mo?” naiiyak na tanong ko, pero ang totoo, kinabahan ako sa magiging sagot niya.

Napatingin siya sa akin, mukhang pagod na pagod, pero matalim pa rin ang kanyang mga mata.

“May... kumalat na video kagabi. Pinagtu... tulungan ka ng mga gagong ‘yon. Sila... mga kaibigan... hik! No’ng Damien...” lasing na sabi niya, at doon ko naintindihan ang lahat.

Sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Hindi ko na napigilan ang pag-agos ng luha ko. Hindi ko inaasahang aabot ang lahat sa ganito.

Lasing na sinabi ni Papa ang nangyari. Kaninang umaga raw ay sinugod niya ang mga estudyanteng iyon. Hinintay niya ang paglabas ng mga ito pagkatapos ng klase at doon gumawa ng hakbang. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong nangyari, pero halata sa hitsura nitong hindi niya iyon pinagsisihan.

Hindi ko alam kung paano ko naramdaman ang lahat ng ito. Pero higit na mas nangingibabaw sa akin ang pasasalamat. Hindi ko akalain na gagawin ito ni Papa para sa akin. Sa kabila ng lahat... akala ko ba... galit pa rin siya sa ‘kin?

Hindi ko na napigilan ang sarili at niyakap siya ng mahigpit. Hindi ito kumilos noong una, pero kalaunan ay naramdaman ko ang mabagal nitong pagyakap pabalik.

“P-Pa...” mahina kong tugon habang patuloy ang paghikbi ko.

“Julian,” tawag niya, mahina pero puno ng sinseridad. Tumingin ako kay papa at nakita itong nakatingin ng mariin sa ‘kin. Muling tumulo ang luha ko.

“Hindi ko matanggap na bading ka. Hindi ko maunawaan noon... Pero hindi ko rin matatanggap na pagtapakan ka ng ibang tao dahil lang doon. Anak kita. Sa kabila ng lahat, anak kita,” napasinghap ako sa sinabi niya.

“... at mahal na mahal kita."

Ramdam ko ang bigat ng bawat salita niya. Parang tinanggalan ako ng tinik sa puso. Hindi ko... inaasahang maririnig ko iyon mula sa kanya.

“Inaamin ni Papa na naging pabaya sila ni Mama. Hindi... hindi ka nila naalagaan ng maayos.” Patuloy lang ni papa sa sinasabi. Hindi ko alam kung nasasabi lang ba niya ito dahil lasing siya o bumalik na sa katinuan, pero wala na sa akin iyon.

“Pero sa kabila ng lahat, proud siya sayo. Proud ang papa mo sa narating mo ngayon... kahit na hindi naging madali ang lahat.”

Masaya akong marinig ang mga salitang iyon sa papa ko.

Hindi ko alam kung paano ko ito tatanggapin. Sa lahat ng taon ng pangungulila ko sa pagmamahal ng mga magulang ko, ngayon ko lang naramdaman na mahal niya ako. Na mahal ako ng ama ko. Hindi man perpekto ang relasyon namin, pero sa sandaling ito ay alam kong totoo ang lahat ng sinabi ni Papa. Gawa man ng kalasingan o hindi.

“Salamat, Papa,” mahina kong sabi, habang yakap ko pa rin siya.

In that moment, I suddenly felt like the world become lighter, small. Alam kong marami pa akong kailangang harapin, pero sa gabing ito... tila nawala ang lahat ng pinag-aalala ko mula noong marinig ang sinabi ni papa. Hindi ko man inaasahan, pero nahanap ko ang lakas mula sa pamilya ko.

Mula noon, nag-iba ang tingin ko kay Papa. Hindi man siya isang perpektong magulang, pero alam kong mahal niya ako sa sarili niyang paraan. At iyon ang pinakamahalaga.

His Ephemeral SignsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon