Warning: homophobic remarks.
. . .
17 : Terrified
JULIAN
Muli akong tumakbo palayo sa mga estudyante, pero parang hindi ko kayang tumakas sa sitwasyon. Nasa likod ko pa rin ang mga anino ng kahihiyan at ang mga salita nilang paulit-ulit tumutusok sa dibdib ko.
Naluha ako habang nagmamadali akong maglakad sa hallway. Hindi ko na mapigilan. Mabilis kong pinunasan ang pisngi ko gamit ang manggas ng uniform ko, pero wala rin, patuloy lang ang pag-agos ng luha.
"Hoy, bakla!" sigaw ng isa mula sa likod ko. Hindi ko alam kung sino, pero naramdaman kong hinabol nila ako.
Huminto ako, napipilitan. Ayoko na. Gusto ko na lang mawala. Humarap ako sa kanila, nanginginig pa rin ang kamay ko habang tinatakpan ang mga pisngi kong basang-basa na.
"Ano bang problema niyo?" tanong ko, halos pabulong na, dahil alam kong wala na akong boses na maipapakita pa.
"Bakit mo ginawa 'to?" tanong no'ng isa, halatang naninisi agad. Sa kamay niya, hawak pa rin ang phone na pinapakita sa akin ang edited na litrato.
"Hindi ko nga ginawa 'yan!" sigaw ko, pero mas dumagdag lang ang panginginig ng boses ko. "Hindi 'yan totoo!"
"Aba, defensive," sabi ng isa, tumatawa pa habang tinitingnan ang mga kasama niya. "Eh yung party? Bakit ka nando'n?"
"S-si Sienna! Tanungin niyo si Sienna!" halos nanginginig ang boses ko habang pilit na kinukumbinsi ang mga estudyanteng nakapalibot sa akin. Tama, hindi ako pwedeng sumuko. Alam kong wala akong kasalanan, at si Sienna lang ang makakapagpatunay no'n.
Parang isang maliit na liwanag ng pag-asa ang lumitaw nang makita ko siyang papalapit. Pero kasabay noon ang kaba, dahil alam kong iba na ang takbo ng usapan kapag siya na ang humarap.
"Sienna!" tawag ko sa kanya habang pilit na pinupunasan ang mga luhang kanina ko pa pinipigilang bumagsak. "Please, pakisabi sa kanila... p-pakisabi na inimbitahan mo ako sa party mo!"
Tiningnan ako ni Sienna. May halo ng iritasyon sa mga mata niya, at para bang nagtataka siya kung bakit siya nadadamay sa gulong ito. "Ano bang sinasabi mo, Julian?" tanong niya, ang kilay niya bahagyang nakataas.
"Sabihin mo sa kanila!" halos pakiusap ko na. "Inimbitahan mo ako, 'di ba? Kaya ako nando'n. Hindi ako pupunta sa party mo kung hindi ako invited!"
Sandaling katahimikan ang sumunod, subalit pakiramdam ko'y napakatagal ng mga segundo bago siya sumagot. Tinitigan niya ako, ang mga mata niya'y parang sinusukat ang bawat galaw ko. Pagkatapos, sa tono ng isang taong tila naiinis at gusto nang tapusin ang usapan, sinabi niya ang hindi ko inaasahan.
"Hindi kita inimbitahan, Julian."
Parang may malamig na tubig na bumuhos sa akin. Hindi ko agad naintindihan ang sinabi niya. "A-Anong ibig mong sabihin?" tanong ko, kahit malinaw naman sa pandinig ko ang narinig ko.
"Hindi kita inimbitahan," ulit niya, ngayon mas diretso at may halong iritasyon. "Ni hindi ko nga alam kung paano ka napunta doon."
Pakiramdam ko ay tila tumigil ang mundo ko. Lahat ng sinasabi niya, parang pumapasok sa isip ko pero hindi ko kayang tanggapin.
