Kabanata I - Ang Kamatayan ni Señor Ricardo Montinola

111 4 1
                                    

"Patay! May patay!"

Natumba sa sobrang gulat si Itoy, ang kilalang lechero o naglalako ng gatas ng kalabaw sa Sitio Uno. Tumapon pa sa maalikabok na daan ang isang bote ng gatas na iiwan sana niya sa bahay ng mga Montinola.

Bukang-liwayway ng unang araw ng bagong taon. Bagaman puyat pa sa pagdiriwang kagabi ay maaga siyang bumangon para kumayod. Nagbago lang naman kasi ang kalendaryo, ganoon pa rin naman ang kapalaran niya. Subalit hindi niya sukat akalain na may matagpuang bangkay sa araw na iyon. Akala niya ay lasing lamang ang lalaking halatang galing sa mayamang pamilya, ngunit nang batiin niya ito at subukang gisingin, walang buhay itong tuluyang bumagsak sa lupa.

Dahil sa sigaw niya, nagising ang pamilya Montinola na silang pagdadalhan niya sana ng natapong gatas ng kalabaw. Magkakasunod na lumabas sina Señora Lourdes Montinola, Señorita Teresita Montinola at Señorito Pedrito Montinola. Kapwa naka-pangtulog pa ang mag-iina at mainit ang mga ulo dahil sa maagang abala.

"Sino ba 'yang sumisigaw?" Bulyaw ng Señora pagkalabas ng kanilang tarangkahan. Agad din naman nitong nakita si Itoy na nakasalampak sa maalikabok na lupa. Sinundan nito ng tingin ang itinuturo ng binatang lechero sa pader na bakod ng kanilang tahanan.

Ang kaninang galit bagaman inaantok na mga mata ng Señora ay nanlaki sa nakita. Mabilis itong lumapit sa lalaking nakahandusay sa lupa.

"Ricardo! Ricardo!" Pilit nitong ginising ang lalaki na siya palang asawa ng ginang—si Señor Ricardo Montinola. Kilala itong nagpapautang sa mga kapuspalad at naniningil ng malaking patong.

Humagulhol ang ginang nang mapagtantong patay na ang asawa. Tila tuod na napako naman sa kanilang kinatatayuan ang kambal na Teresita at Pedrito. Hindi sila makapaniwalang sa edad na labing tatlo ay mauulila sila sa ama. Wala pa man din ang kanilang nakatatandang kapatid na si Paciano dahil nagbabakasyon sa Maynila.

Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa pagkamatay ni Señor Montinola noong unang araw ng bagong taon. Maraming haka-haka ang lumitaw tungkol sa sanhi ng pagkasawi ng ginoo. Sabi ng ilan, dahil sa sobrang kalasingan. Ang iba nama'y naniniwalang inatake ito sa puso. Meron namang nagsasabing pinakulam ng isa sa mga may utang dito. Ganunpaman, tikom ang bibig ng buong pamilya Montinola ukol sa sanhi ng pagpanaw ng kanilang padre de pamilya.

Ngunit para kay Leonora, hindi iyon mahirap malaman lalo kung pinsan at kaibigan mo ang doktor na tumingin sa bangkay.

"Leonora, por favor. Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na hindi ko maaaring ibunyag sa iyo o kanino pa man, maliban sa pamilya, ang kung anumang may kinalaman sa kalagayan ng mga pasyente ko." Iritadong wika ng doktor.

Si Doktor Sebastian dela Peña, panganay na anak ni Doktor Bienvenido dela Peña, ay sumunod sa yapak ng ama sa larangan ng medisina. Ang asawa ni Doktor Bienvenido na si Señora Luciana ay nakababatang kapatid ni Señora Consuelo, ang ina ni Leonora. Dahil magkasing-edad lamang sina Sebastian at Leonora ay malapit ang dalawa sa isa't isa. Bukod sa magpinsan ay matalik na magkaibigan din ang mga ito.

Pabagsak siyang naupo sa bakanteng upuan sa tapat nito matapos ikutin ang klinika ng pinsan. Kung ibang tao ang makakakita sa gaslaw niya, maaaring pagtaasan siya ng kilay at pagsimulan ng bulung-bulungan, pero pinsan naman niya si Sebastian kaya't kumportable siya anuman ang gawin niya. Isa pa, maigi iyon para hindi nito mapansin na kanina pa siya nagmamasid at pilit hinahanap ang sagot na hindi niya makuha ng boluntaryo mula sa pinsan.

Bahagya niyang idinukwang ang mukha sa mesa nito habang salubong ang mga kilay na nakatitig sa mga mata nito.

"Sige. Hindi na kita aabalahin," aniya at sabay tumayo.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon