Kabanata XXII - El Comienzo

23 2 0
                                    

Ika-3 ng Disyembre, 1842

"Teresa!"

Nag-angat ng tingin si Teresa mula sa aklat na kanyang binabasa. Naroon sa kanyang tabi ang kanyang inang si Doña Aurora na nakapamewang at ang talim ng tingin sa kanya.

"Ano't narito ka sa volada? Nakakaabala ka sa ating mga taga-silbi. Bakit hindi ka na lamang doon sa iyong silid magbasa? O mas mainam pa ay tumulong ka na lamang sa paghahanda para sa pista."

Bisperas noon ng kapistahan ni Santa Barbara kung kaya't abala ang mga Cortez sa paghahanda, maliban kay Teresa na abala sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat.

Pininid niya ang hawak na libro at tsaka tumayo. "Masusunod po, Ina. Magtutungo po ako sa kwadra ng mga kabayo upang tulungan si Emilio sa paglilinis doon."

"Kwadra? Anong---"

Bago pa man siya tuluyang kagalitan ng ina ay kumaripas na siya ng takbo palabas ng bahay. Dumiretso siya sa kwadra ng mga kabayo kung saan naabutan niya ang nakababatang kapatid na tumutulong upang ilabas ang mga ito at ipastol.

Si Teresa ay hindi katulad ng mga binibining nagmula sa alta sociedad. Hindi niya hilig ang magburda, magpinta o magluto. Wala rin siyang talento sa musika. Ang tanging nais niya ay magbasa ng mga aklat. Kung siya ay kinagagalitan ng kanyang ina, mas nais pa niyang maging kaparusahan ang maglinis ng bahay o ang tumulong sa pag-aasikaso ng kanilang mga alagang hayop at ng mga halaman sa kanilang hardin. Nasanay na nga siya sa mga parusang iyon dahil lagi ba naman siyang kagalitan lalo na at magiging isang ganap na dalaga na siya sa susunod na taon. Baka raw wala nang gustong tanggapin siya bilang asawa dahil sa mga gawi niya.

"Ate Teresa, anong ginagawa mo rito? Baka mapagalitan ka na naman ni ina," bungad ng kanyang kapatid.

Nakababata ito sa kanya ng dalawang taon, ngunit dahil lalaki, tila ito pa ang panganay sa kanilang dalawa. Palibhasa ay sa murang edad, tinuturuan na ng kanilang ama sa pamamahala sa kanilang hacienda.

"Napagsabihan na ako. Kaya nga tumakas na ako parito," katwiran niya naman.

Hindi na ito nagkomento pa at sa halip ay hinayaan na lamang siyang akayin ang isa sa mga kabayo. Tahimik itong nakikinig sa kanyang mga kwento habang patungo sila sa pastulan. Ganoon naman parati, lahat ng nababasa niya ay ibinabahagi niya sa kapatid.

"Ate, quiero servir como soldado para España." (Nais kong maging sundalo para sa Espanya.)

Natigilan siya sa sinabi nito.

"Buo na ang loob ko."

"N-nasabi mo na ba kay ama?"

Umiling ito. "Balak kong sabihin sa aking kaarawan sa susunod na buwan, subalit sinabi ko na sa iyo ngayon upang hindi ka mabigla sa araw na iyon."

Paanong hindi siya mabibigla. Batid ng kanyang kapatid ang kanyang mga kaisipan at saloobing taliwas sa mga batas at katuruan ng simbahan at Espanya.

"Bakit nais mong maging sundalo ng kahariang Espanya? Hindi mo ba nais sumunod sa mga yapak ni ama? Tiyak na magdaramdam iyon kapag malamang ang kanyang unico hijo ay piniling..."

"Tumahak ng ibang landas? Ate, tiyak akong ikatutuwa ni ama ang aking desisyon. Ikaw lang naman ang hindi," medyo patuyang sabi nito.

Nasaktan siya sa sinabi nito. Tuluyang nalukot ang kanyang mukha at nasira ang kanyang araw. Totoo rin naman ang sinabi nito. Kahit anumang naisin ni Emilio ay susuportahan ng kanilang mga magulang, subalit kung siya na ang humiling ay paniguradong hindi lamang pagtanggi ang kanyang makukuha, sermon din.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon