Sinundan ng tingin ni Joaquin ang papaalis na kalesang lulan ang bunsong Alcala. Nagtaka siya sa talim ng tingin na ipinukol nito sa kanya dahil wala siyang alam na kasalanan dito. Nabigyang liwanag naman na niya ang mga akusasyon ng katipan nito kaya't hindi niya mawari ang pinagmulan ng galit nito. Ayon pa kay Sebastian, nagdadalang-tao ang panganay na Alcala kung kaya't dapat ay masaya ang mga ito.
Ilang araw niyang hindi nasilayan ang binibini dahil sa mga nangyari. Dahil din sa pagkamatay ni Juan Miguel Fajardo ay muling naging masigasig ang mga guwardiya sibil sa paghahanap sa gumagalang mamamatay-tao. Kaya nga't hindi na nakapagtataka nang pagdating niya sa karsel, sinalubong siya ng napakaraming tao sa labas at pilit tinatanaw ang anumang nangyayari sa loob. Nagpulasan lang ang mga ito nang may isang babaeng nakagapos ang mga kamay na itinulak palabas sa karsel at bumagsak sa maalikabok na lupa. Kasunod nito si Mariano at ilan pang guwardiya sibil.
"Kapitan!" Abot-tainga ang ngiti ni Mariano nang makita siya. "Nahuli na namin ang pumatay kina Señor Montinola, Kapitan Guerrero at Señor Fajardo." Puno ng pagmamalaki ang tinig nito.
Puno naman ng umuusbong na galit ang kalooban ni Joaquin. Humigpit ang hawak niya sa kanyang sombrero.
"Amin siyang dadalhin sa plaza para sa kanyang pagbitay bukas ng bukang-liwayway."
"Pagbitay? Hindi paglilitis?"
Mapang-uyam na ngumisi si Mariano dahil sa tinuran niya. "Hindi mo ba alam, Kapitan? Ang utos ng gobernadorcillo ay bitayin agad ang may sala sa mga pagpatay."
Nag-tiim ang kanyang mga bagang. Hindi niya ito madadaan sa katwiran. Marami pa man ding nanunuod. Hindi na siya sumagot at hinayaan sina Mariano na kaladkarin patungo sa plaza ang babaeng nakagapos.
...
Dali-daling bumalik sa kalesa si Leonora at nagpahatid sa Poblacion. Sa daan, may mga kumpu-kumpulan ng mga tao silang nadaanan, nagbubulungan. Pagsapit naman sa Poblacion ay natanaw niya agad ang maraming taong nakapalibot sa gitna ng plaza. Doon siya nagpababa.
Nakiraan siya sa mga tao hanggang makarating sa unahan kung saan nakita niya si Trinidad. Tinapik niya ito. Nahabag siya nang tumingin ito sa kanya at makita ang nangingilid na mga luha sa mga mata nito bago ibinalik ang tingin sa harapan. Tsaka niya lang nakita ang pinagtitipunan ng umagang iyon sa plaza—isang babaeng nakagapos sa silya at duguan. Sa kabila ng ayos nito, nakilala agad niya ito. Ito 'yung naabutan niya minsan sa patahian.
Iyon ang unang beses na nakita niya ang kapatid ng kaibigan. Hindi ito nagku-kwento tungkol sa pamilya nito bagaman nabanggit na nito isang beses na dalawa lang silang magkapatid at hindi sila ipinanganak sa San Martin. Kaya't wala siyang ideya noong makita niya sa patahian ang kapatid nito.
Hinawakan niya ang kamay ng kaibigan at bahagyang pinisil. Nilingon naman siya nito tsaka tumalikod para umalis doon. Sinundan niya naman ito. Dire-diretso itong nagtungo sa patahian.
"Trining, anong nangyari?" Tanong niya rito pagpasok nila sa loob at matapos niyang isarado ang pinto.
Bigla itong humarap sa kanya. Ang mga luhang pilit na kinikimkim ay nagsipag-unahan. Natigagal siya sa nasaksihang kalagayan ng kaibigan.
"Ano ba ang iyong alam tungkol sa kung anumang pumapatay sa bayan na 'to?" Puno ng galit na tanong nito. "Dahil sigurado akong hindi magagawa ni Tinang 'yon!"
Nagtatalo ang isip niya kung sasabihin ba rito ang nalalaman o hindi, ngunit naisip niyang, masyadong delikado kung sakaling malaman nito. Kaya't isa lang ang naiisip niyang solusyon.
Iniwan niya ito at dali-daling umuwi ng bahay. Naabutan niya ang kaniyang pamilya na masayang nakikipag-kwentuhan kay Señora Marcelina at Juancho. Nahihiyang lumapit siya sa kanyang ama at hiniling na makausap ito ng pribado. Buti na lang ay pumayag itong makausap siya sa oficina nito.
![](https://img.wattpad.com/cover/323140466-288-k558893.jpg)
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Historical Fiction1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...