"Joaquin, imbitasyon!"
Napakamot ng ulo si Joaquin dala ng ingay ni Noora. Silang dalawa lamang sa kanilang lima ang gising sapagkat umaga pa. Kung tutuusin ay lugi nga siya dahil halos wala siyang pahinga.
Kanyang isinilid ang isang sobre sa kanyang suot na abrigo. Ang sobre ay naglalaman ng ikatlong liham niya sa kaibigang si Doktor Abraham. Wala siyang natanggap na kasagutan para sa naunang dalawa maliban sa pagdating nina Johannes, Vladymyr, Calypso at Noora. Plano niyang ipadala ang ikatlong liham sa araw na iyon.
Lumabas siya ng silid at nabungaran si Noora na nagbabasa ng aklat sa antesala ng bahay na kanilang tinutuluyan. Pag-aari iyon ni Don Mauricio Cabrejas at pansamantalang pinauupahan habang nasa Lucban ito.
"¿Qué invitación?"
Inihagis nito ang isang sobre sa paraang tulad ng paghagis ng isang kutsilyo. Muntik pang tumama sa kanyang mukha kung hindi lang niya nasambot. Binuksan niya iyon at nakitang isa nga iyong imbitasyon para sa kaarawan ni Binibining Leonora Alcala.
Hindi niya inaasahang alam ng pamilya nito na naroon siya sa Santa Barbara. Nakita kaya marahil siya ng mga ito sa kaarawan ng alcalde mayor?
Tsaka niya napansin na tila may kakaiba sa imbitasyon. Bumalik siya sa kanyang silid at saka sinindihan ang isang kandila. Bahagya niyang itinapat sa sindi ng kandila ang papel na naglalaman ng imbitasyon. Doon tumambad ang lihim na sulat para sa kanya.
Para sa iyong kaalaman, may pag-aaklas na magaganap sa parehong gabi.
Sinuri niya ang labas ng sobre at nakitang nakasulat ang pangalan niya. Ibig sabihin ay para sa kanya nga ang imbitasyon. Kung maging ang sikreto niyon ay para sa kanya, ibig sabihin ay may dahilan si Leonora para ipaalam sa kanya ang mga magiging kaganapan sa pagdiriwang ng kaarawan nito.
Pinatay niya ang sindi ng kandila. Kailangan na rin nilang maghanda. Maiging gamitin nila ang kaguluhan para tuluyan nang madakip si Alejandro.
...
Papalubog ang araw, parami na rin nang parami ang bisita ng pamilya Alcala. Nariyan ang pamilya ng alcalde mayor, pamilya ng gobernadorcillo ng Santa Barbara, ang pamilya Gallego at ilan pang mayayamang pamilya. Ang iba sa mga ito ay hindi personal na kilala ni Leonora, ngunit bilang "nagmula" sa dalawang makapangyarihang angkan, hindi nakapagtataka ang presensiya ng mga iyon sa pagdiriwang. Bagay na umaayon sa plano.
"Anak, maligayang kaarawan," bati sa kanya ni Doña Consuelo.
Sinubukan siya nitong yakapin, subalit umiwas siya. Gumuhit ang sakit sa mukha nito. Siya man ay nabahala sa naging reaksiyon niyang dala ng hinanakit sa nakilalang ina dahil sa pagtatago nito sa katotohanan. Subalit sa kaibuturan ng kanyang puso naman ay lubos siyang nagpapasalamat sa labing-walong taong pag-kalinga nito sa kanya.
"Salamat po," ang tanging naging tugon niya.
Nauna na siyang lumabas ng kanyang silid para tanggapin ang mga bisita. Nakasalubong pa nga niya si Corazon na susunduin sana siya mula sa kanyang silid. Mula roon ay sabay na silang nagtungo sa sala mayor.
Marami-rami nang bisita ang dumating sa paglabas niya. Kaliwa't kanang pagbati ang natanggap niya mula sa mga kakilala't estranghero sa kanya. Nangangawit na siya sa kaka-ngiti at kakabati ng "magandang gabi" at "salamat sa pagdalo." Tunay na natuwa lamang siya nang dumating sina Joaquin at mga kaibigan nito dahil bukod sa miyembro ng kanyang pamilya ay ito lamang ang masasabi niyang kilala niya.
"Maligayang kaarawan, Binibining Leonora," malugod na pagbati nito.
Hindi niya akalaing natuwa siyang makita ito. Pakiramdam niya'y nagkaroon siya ng seguridad sa mga pagkakataong iyon.
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Fiksi Sejarah1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...