Kabanata IX - Ang Kaarawan ni Don Fernando Alcala

31 3 0
                                    

Ilang araw nang maingay at magulo sa bahay ng mga Alcala dala nang paghahanda ng mga ito sa nalalapit na kaarawan ni Don Fernando. Kaliwa't kanan ang nangungumpuni ng mga bintana, pinto, dingding at bubong. Abala rin ang mga hardinero sa pag-tatabas ng mga ligaw na damo, pagdidilig ng mga halaman at pag-aayos ng buong hardin. Magkakasunod din na dumating ang mga kariton na may kargang mga bariles ng alak.

Dahil sa labis na pagkaabala, naisantabi muna ni Leonora ang pagmamatyag sa kura ng bayan. Wala pa rin naman siyang balita ukol sa mga bala ng baril na gawa sa pilak na kanyang pinasadya sa kakilalang panday na taga-kabisera. Kaya't ibinuhos muna niya ang kanyang atensyon sa paghahanda para sa kaarawan ng kanyang abuelo.

Subalit sadyang nakakapagod ang paghahanda para sa isang malaking okasyon. Dahil doon, nagprisinta na si Leonora na siyang kukuha ng mga ipinatahing kasuotan nilang buong pamilya dalawang araw bago ang pagdririwang. Iyon lang ang pagkakataon niya para makahinga at makapagpahinga mula sa kaliwa't-kanang utos ng kanyang ina.

Pagkatapos kumain ng pananghalian, nagtungo siya sa patahian ng kaibigang kosturera na siyang gumawa ng kanilang mga isusuot para sa piging. Siya ang nagrekomenda kay Trinidad sa pamilya matapos ang kosturera ng pamilya ay umalis na patungong Pransya nang nakapangasawa ng isang gurong Pranses.

Pagdating niya sa patahian, hindi niya inaasahang maabutan doon ang katipang si Lukas. Sa halip na makahinga ng maluwag dahil nakatakas siya sa kaabalahan sa kanilang tahanan ay mukhang maaasar pa siya sa pagmumukha nito.

"Leonora, aking irog, sa wakas ay nakita ko rin ang maganda mong mukha," paunang hirit nito. Nagsusukat ito ng kasuotan sa harap ng malaking salamin.

Hindi niya ito sinagot at sa halip ay inirapan lang. Dire-diretso siyang lumapit kay Trinidad.

"Alam kong kukunin niyo na itong mga kasuotan ngayon kaya't inihanda ko na," anito habang isinisilid sa kahon ang isusuot na damit ni Señora Consuelo. "Ngunit hindi ko batid na ikaw pala mismo ang kukuha, Binibini. May katulong ka ba sa pagdadala ng mga ito?"

Pagod na naupo si Leonora sa isang bakanteng upuan. Hindi niya kasama si Gracita. Tanging ang kutsero lamang ang kasama niyang pumaroon. "Narito naman ang aking katipan. Anong silbi nang may mapapangasawa kun'di magbitbit ng mga 'yan?"

Narinig naman ni Lukas ang sinabi niya. "Kinikilala mo lamang ba ako bilang iyong katipan kapag may kailangan ka?"

"Oo," matipid at walang kabuhay-buhay niyang sagot.

Natawa na lamang si Trinidad sa dalawa. "Huwag kayong magtatalo nang ganyan sa harap ng ibang tao. Baka akalain nila'y wala nang kasalang magaganap."

Napabuntong-hininga na lamang ang binibini. "Iwan mo muna ang mga iyan diyan. Nais ko lamang makapagpahinga ng saglit. Nananakit na ang mga binti ko sa pagparoo't parito."

"Kaya pala ilang araw na kitang hindi nakikita. Abalang-abala kayo sa paghahanda para sa kaarawan ng dating gobernadorcillo."

Hindi siya sumagot at sa halip ay ipinikit niya ang kanyang mga mata. Hindi niya namalayang nakaidlip na pala siya. Nagising na lang siya nang maalimpungatan dahil sa dumulas ang kanyang ulo mula sa kanyang kamay na nakapatong naman sa mesa. Pagmulat niya, nasilayan niya si Joaquin na nakaupo sa katapat niyang upuan at nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kanya habang ang isang kamay ay tila nakaabang sa pagsalo sa kanyang mukha.

"Nailagay—"

Napaayos siya sa pagkakaupo nang marinig ang boses ng katipan. Ganoon din ang ginawa ng binatang katapat niya.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon