Kabanata III - Sa Muling Pagpintig ng Puso

56 3 1
                                    

Buhat ng gabing iyon, hindi na muna muling lumabas ng bahay sa hatinggabi si Leonora. Bilang pag-iingat na rin dahil baka sa ikalawang pagkakataong makatagpo niya ang mahiwagang lalaki ay gawan na siya nito ng masama. Pero sa totoo, natakot din siya.

Patuloy naman ang pag-iimbestiga ng mga guwardiya sibil sa pangunguna ni Kapitan Tadeo Guerrero sa pagkamatay ni Señor Ricardo Montinola. Ilang pinaghihinalaang tao na—pawang mga Indio—ang sapilitang dinala sa karsel, pilit pinaaamin sa kasalanang hindi naman nila ginawa. Isa iyon sa ikinababahala ni Leonora. Kaya naman patuloy din siya sa kanyang pag-sisiyasat sa araw, hinahanap ang misteryosong lalaki sa bawat makasalubong niya. Bagaman, alam niyang kailangan niyang muling lumabas ng gabi para tiyak na makaharap ito.

Nang hapong iyon, nagtungo siya sa kaibigang kosturera para magpasukat ng damit na isusuot sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang abuelo sa susunod na buwan.

"Hindi pa rin nila nahahanap ang pumatay kay Señor Montinola," komento ni Trinidad habang sinusukat ng medida ang kanyang bewang. "Baka dumating na lang ang puntong ibunton na lang nila ang nangyari sa kung kanino na lamang."

Hindi siya nakasagot. Siguradong iyon ang mangyayari kapag hindi nila mahanap sa lalong madaling panahon ang salarin.

Nagsisisi siyang hindi niya inagahan ang pagpunta sa saklaan noong gabing iyon ng bagong taon. Kung nagawa niya sana ang kanyang misyon, hindi sana nagkagulo-gulo ang lahat. Mapapalabas sana nilang inatake ito sa puso at hindi namatay sa sakal ng lubid tulad ng ipinalabas ni Sebastian. Ngayon tuloy naghahanap ang mga tao ng salarin sa pagkamatay ng Señor.

Tinignan siya ng kaibigan sa salaming nasa harapan niya. "Wala ka pa rin bang hinuha sa kung sinong pumaslang sa kanya?"

Buntong-hininga at iling lamang ang tanging naisagot niya.

Ganoon sila nadatnan ni Joaquin.

"Buenos días, Señor. ¿En qué puedo ayudarle?" (Magandang umaga, Señor. Anong maitutulong ko sa'yo?) Magiliw na bati ng kosturera sa binata.

Saglit niyang tinapunan ng tingin ang dalagang nasa harap ng malaking salamin.

"Dito ako pinapunta ni Doktor Sebastian dela Peña para maghanap ng maa-arkilang kasuotang pormal."

Tumaas ang mga kilay ng kosturera pagkarinig sa ginoo. Si Leonora ma'y bahagyang napakiling.

"Ah, marami. Ano bang hinahanap niyo, Ginoo?" Inaya siya ni Trinidad patungo sa kinaroroonan ng mga damit panlalaki.

Sa pagdaan ng mga ito sa likuran niya, natigilan si Leonora. Naalala niya iyong gabing tumakas siya't may nakasalubong na mahiwagang lalaki. Bigla siyang nakaramdam ng lamig sa kanyang batok, katulad noong gabing iyon. Nilingon niya si Joaquin at napakunot ang noo. Pamilyar ang paglalakad nito. Hindi kaya...

Si Joaquin din ay bahagyang nagsalubong ang mga kilay. Kilala niya ang pabango ng binibini. Hindi siya maaaring magkamali, ngunit alam niyang lalaki ang may-ari ng pabangong nalanghap noong gabi ng libing ni Señor Montinola. O lalaki nga ba...

Nilingon niya ang dalaga at nakitang nakatingin ito sa kanya, nagtataka. Hindi ito nagbawi ng tingin kahit pa nga nang lumingon siya't magsalubong ang kanilang mga paningin. May pagtatanong sa mga mata nito.

Humakbang ito palapit at sa unang pagkakataon makalipas ang maraming panahon, sa hindi malamang dahilan, naramdaman niya ang pagpintig ng kanyang puso. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Hindi maaari.

Tuloy-tuloy na lumapit ang binibini kaya't napahakbang siya paatras. Lumalim ang kunot ng noo niya habang nakatingin dito. Alam ba nito ang dulot nito sa kanya?

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon