Hindi mapakali si Leonora. Nangangati ang mga paa niyang lumabas at bigyan ng leksyon si Kapitan Guerrero dahil sa ginawa nito kay Sergio at sa iba pang pinagmalupitan nito. Kaya naman, kahit pa delikado, tumakas siya noong gabing iyon suot ang damit panlalaking ginamit niya noong gabing patayin si Señor Montinola. Naglagay lamang siya ng itim na telang tumatabing sa kanyang mukha, maliban sa mga mata, upang hindi siya makilala.
Binagtas niya ang daan patungo sa karsel. Pagdating doon, nagkubli siya sa bubong ng kalapit na gusali ng tanggapan ng koreo. Doon niya minanmanan ang mga lumalabas at pumapasok sa karsel, lalo na ang kapitan. Alam niyang magha-hatinggabi ito umuuwi ayon na rin dito. Tamang-tama at pasado alas onse pa lamang ng gabi siya nakarating doon.
Hindi nagtagal ang paghihintay niya't lumabas na rin ang kapitan, ngunit may kasama itong isang guwardiya sibil. Kaya naman wala siyang ibang nagawa kun'di sundan muna ang mga ito. Masayang nagku-kwentuhan ang dalawa, bagay na nagpa-panting sa mga tenga niya. Tatawa-tawa lang ang mga ito na animo'y walang ginulong mga buhay ng ibang tao.
Pagdating sa may simbahan ng San Martin de Porres, naghiwalay na ang dalawa. Iyon na ang pagkakataon ni Leonora para makapaghiganti. Sinundan pa niya ang kapitan nang mga ilang metro nang bigla itong huminto at luminga-linga kaya't dali-dali siyang nagtago.
Narinig niyang bumunot ng baril ang kapitan at matapang ngunit may takot sa boses na sumigaw, "Sinong nariyan? Magpakita ka! Hindi ako natatakot sa'yo!"
Napangisi si Leonora. Kapag may araw pa ay kung umasta ito'y akala mo diyos, ngunit sa dilim ay duwag din pala.
Ngunit ang ngisi niya'y naging pagkabahala nang sunod-sunod na nagpaputok ng baril ang kapitan. Dahil doon nagsi-tahulan ang mga aso sa hindi kalayuan. Natatakot siyang baka magsilabas ang mga tao at may matamaan ng ligaw na bala. Kaya naman, sumilip siya't inihanda ang kanyang baril, ngunit nahintakutan siya nang may mabilis na aninong makailang beses pumalibot sa kapitan. Iyon ang dahilan kung bakit ito nagsasayang ng bala hanggang sa maubos.
Sinubukan asintahin ni Leonora ang anino, ngunit huli na siya. Bigla iyong tumigil—isang tao na parang hindi—sa likuran ng kapitan at sinalubong ito ng sakal ng humarap. Nanglaki ang mga mata niya nang bigla nitong sakmaling parang asong ulol ang leeg ng kapitan. Sinubukan pang pumalag ni Kapitan Guerrero, ngunit wala na itong nagawa dahil mas malakas ang kakaibang nilalang. Unti-unting nanghina ang kapitan hanggang sa lumupaypay ang katawan.
Binitawan ng kakaibang nilalang ang katawan ng kapitan na walang buhay na bumagsak sa lupa. Nagkalat ang sarili nitong dugo. Nakasisiguro si Leonora na patay na ito, isang masaklap na pangyayaring katulad ng sinapit ni Señor Montinola. At ang salarin: ang kakaibang nilalang na nasa harap niya.
Dahan-dahan siyang bumangon sa pagkakadapa sa bubong at lumukso sa sumunod na gusali. Mula roon, mabilis siyang tumakbo at nilundag ang mga gusali upang takasan ang nilalang na alam niyang nakasunod na sa kanya.
Hindi na niya alam ang pupuntahan niya, basta ang nais niya'y makalayo sa halimaw. Dahil doon, hindi niya napansin ang matarik na bubong na kanyang tinalunan. Dire-diretso siyang nahulog sa tambak ng dayami.
Mabilis naman siyang bumangon sa kabila ng hilo at pananakit ng katawan. Pilit siyang tumakbo, ngunit napatigil siya nang mapansin ang nag-aabang sa kanya sa hindi kalayuan: ang vampirang pumatay kay Kapitan Guerrero at malamang siya ring kumitil kay Señor Ricardo. Nakaramdam siya ng panlalamig at takot. Hindi niya alam kung nasaan na ang kanyang baril kaya't labis ang pangamba niyang hindi na makauuwing buhay sa gabing iyon.
Ikinuyom niya ang kanyang mga palad at mabilis na pumihit para sana bumalik sa karsel, ngunit halos mapatalon siya sa gulat nang malamang may tao pala sa likuran niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/323140466-288-k558893.jpg)
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Fiksi Sejarah1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...