Kabanata XXXV - Sa Ilalim ng Kadiliman

24 2 0
                                    

Mabilis ang pagtakbo ni Leonora. Hindi man kasingbilis ng mga kakilalang vampira, sigurado naman at puno ng determinasyon. Batid niya ang kinaroroonan ni Alejandro—ibinubulong ng boses sa kanyang isipan—sa hacienda ng mga Cortez.

Dahil nga sa malayo ang kanilang loob kay Don Emilio ay hindi pa niya nagagalugad ang hacienda nito. Hanggang tanaw lamang sa manggahan ang nagagawa nila noon sa tuwing bibisita sila sa mansiyon. Subalit nang gabing iyon, tila alam na alam niya ang lugar. Patuloy lamang siya sa pagtakbo hanggang marating niya ang gitna ng manggahan kung saan naghihintay si Alejandro.

"Ah, tuluyan nang nabuksan ang iyong kakayahan," bungad nito.

Dinukot niya mula sa loob ng kanyang damit ang kwintas na suot. Palawit ng kwintas ang isang bala ng baril na gawa sa pilak. Pinigtas niya ang kawing. Saka niya kinuha mula sa bulsa ng kanyang abrigo ang isang rebolber. Inilagay niya ang nag-iisang bala, pinaikot ang silindro ng baril at kinasa iyon. Itinutok niya sa vampira ang hawak na baril.

"Halimaw! Kailanma'y hindi ko mapapatawad ang ginawa mo kay Lukas!" Sigaw niya sa kabila ng paghikbi.

"Ako? Si Matteo? Ang iyong minamahal ay hindi mo magagawang patawarin sa pagpatay ng taong trumaydor sa akin?"

"Hindi ikaw si Matteo! Patay na siya. At hindi niya magagawang pumatay ng kaibigan!"

Tumawa ito nang malakas. Bagay na naghatid sa kanyang ng lamig na nakapangingilabot.

"Naging isang mabuting kaibigan si Lukas sa akin," pagpapatuloy niyang hindi nagpatinag sa takot. "Prinotektahan niya ako bilang isang mabuting kaibigan sa amin ni Matteo."

"Prinotektahan? Hindi nga ba't ginamit ka niya sa kilusan?"

"Ang lahat ng aking ginawa para sa kilusan ay bukal sa aking kalooban. Wala kang karapatang pagdudahan iyon o si Lukas!"

Kasabay ng kanyang pagbanggit sa pangalan ng dating katipan ay ang pagkalabit niya sa gatilyo ng hawak na baril. Pumutok iyon subalit walang balang lumabas. Ganunpaman ay mabilis na umiwas si Alejandro at biglang naglaho. Nagulat na lamang siya nang biglang may tumabig sa hawak niyang baril dahilan para mabitiwan niya iyon.

"Únete a mí, mi amor."

Tumaas ang mga balahibo niya sa batok nang marinig ang isang bulong mula sa kanyang likuran. Lilingon sana siya subalit naunahan siya nang biglang pagdating ni Joaquin.

"Alejandro!"

Naramdaman niya ang mabilis na hangin sa kanyang likuran at tagiliran bago niya nakita si Joaquin na ibinalda si Alejandro sa isang malaking puno. Nagngangalit itong parang mabangis na hayop.

"Huwag mong hahawakan si Leonora," wika nito, ang bawat salita'y puno ng diin.

Pilit nagpumiglas si Ajelandro, subalit hindi ito makawala. Unti-unti ay may maitim na usok ang bumalot kay Joaquin. Tila mas naging madilim din ang paligid.

"A-absalom..." Nahihirapang sambit ni Alejandro.

Si Leonora nama'y parang napako sa kanyang kinatatayuan. Hindi siya makapaniwala sa nasaksihang pagbabago ni Joaquin. Kung magkakatawang lupa ang hari ng kadiliman, ito na iyon.

Nakaramdam siya ng matinding takot, subalit sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay mabilis na napawi iyon. Biglang hindi na niya maramdaman ang sarili—literal. Bagaman sa sulok ng kanyang paningin ay nakita niyang pinulot niya ang tumilapong baril at ipinutok iyon.

Nabitiwan ni Joaquin si Alejandro nang maramdaman ang pagguhit ng kirot sa kanyang kanang balikat. Para siyang biglang natauhan. Mabilis na nawala ang matinding galit na lumukob sa kanya kanina kasabay ng paglaho ng maitim na usok sa kanyang paligid.

Nilingon niya ang pinagmulan ng balang dumaplis sa kanyang balat at nakita si Leonora na may hawak na baril. Subalit para siyang pinagsukluban ng langit at lupa nang mapansing tila wala ito sa sarili. Blanko ang mga mata nito. Walang emosyon. Alam niya kung ano ang ibig sabihin niyon—napasailalim na ito ng impluwensiya ni Alejandro.

"Hindi ko alam na kaya mo palang tawagin si Absalom," wika ni Alejandro na ngayo'y nasa likuran na ng binibini.

Napatitig lamang siya rito, walang ideya sa sinabi nito. Tanging ang kirot sa kanyang balikat ang malinaw sa kanyang isip maliban sa katotohanang muntik na siyang mapatay ni Leonora.

"Kung sana'y sinabi mo agad ay hindi tayo hahantong sa ganito; hindi sana madadamay ang babaeng ito," dagdag pa nito. Hindi na siya nito binigyang pagkakataong sumagot at bigla na lamang naglaho kasama ang dalaga.

Naiwan siyang iniinda ang sakit sa kanyang kanang balikat. Mabuti na lamang at hindi siya napuruhan lalo't mukhang gawa sa pilak ang bala ng baril ni Leonora. Ganunpaman, ramdam niya ang bahagyang paghina ng kanyang katawan. Hindi na tuloy nasundan ng kanyang paningin kung saang direksyon naglaho si Alejandro kasama si Leonora. Sinubukan din niyang gamitin ang kakayahang makaalis doon nang mabilis, subalit mas lalo lamang siyang nanghina. Kaya naman, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang bagtasin sa pamamagitan ng paglalakad ang malawak na hacienda ng mga Cortez at hanaping muli si Leonora.

...

Nakikita ni Leonora ang nangyayari sa kanyang paligid, subalit wala siyang kontrol sa kanyang sariling katawan at isipan. Para siyang isa sa mga tauhan na pinagagalaw ng mandudula sa carrillo. Nasa likuran naman niya si Alejandro, ang siyang mandudula sa gabing iyon.

Dinala siya nito sa tore ng simbahan. Mula roon ay tanaw niya ang nakabulagtang mga bangkay sa plaza. Sa hindi rin maipaliwanag na dahilan, malinaw na nasasamyo niya ang amoy ng dugo.

Samantala, sa may plaza, ang mga bangkay ay unti-unting nagsi-galaw—nabuhay muli! Ang mga guwardiya sibil na nakasaksi sa kakatwang pangyayari ay nahintakutan na nagpaputok ng baril. Umalingawngaw din sa paligid ang mga sigaw na puno ng takot.

Ngunit hindi lamang sa plaza nagkakagulo. Mayroong nakaburol sa Barrio Bayabas ang bumangon sa kanyang ataul. Nagsitakbuhan ang mga nakikidalamhati dahil doon. Ang maybahay naman nito ay napaluhod at napadasal habang tumatangis.

"Tunay ngang ika'y makapangyarihan," turan ni Alejandro habang nakangising parang asong ulol.

Nakapako ang paningin nito sa isang guwardiya sibil na iniwan ng mga kasamahan habang patuloy na dinedepensahan ang sarili sa mga amalanhig. Nang maubos ang bala ng hawak nito baril ay itinapon nito iyon sa mga nabuhay na bangkay. Sinubukan nitong tumakbo palayo, subalit naharang ito ng mga kasalubong na halimaw na sumakmal dito. Pinag-piyestahan itong parang litson sa pista.

Ang lahat ng iyon ay nakikita, naaamoy, naririnig at nararamdaman ni Leonora, subalit wala siyang ibang magawa kung hindi ang manuod sa mga nangyayari. Pilit man niyang bawiin ang kontrol sa kanyang isipan at katawan ay hindi niya magawa. Higit na malakas sa kanya si Alejandro.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon