Alas-singko ng umaga matapos ang selebrasyon ng kaarawan ni Don Fernando, mulat na mulat pa rin si Leonora. Hindi siya nakatulog magdamag dahil kinakain siya ng kanyang konsensya.
Iyon ang unang beses na may pinagbuhatan siya ng kamay lalo na't wala namang ginawang masama si Lukas. Nag-alala lang ito sa kung anong maaaring mangyari kung ibang tao ang nakakita sa kanila ni Joaquin na magkasama sa dilim at wala siyang bantay. Ngunit parang sirang plaka na nagpapaulit-ulit sa kanyang isipan ang mga sinabi nito.
"...Kapag nangyari iyon, hindi na kita magagawang tulungan na mabuhay nang hindi nakatali kanino man!"
Hindi kailanman ipinilit ng binata ang kanilang nakatakdang kasal. Bagaman nababanggit nito, madalas ay pabiro lamang dahil alam nitong hindi siya sang-ayon dito at tanging ang mga magulang lamang nila ang may gusto. Kaya't masama ang loob niya sa sarili na nagawang saktan ang binata. Nako-konsensya siya.
Kahit wala pang tulog, bumangon siya't nag-ayos bago bumaba para mag-almusal. Sa komedor, nadatnan niya si 'Nay Maria na nagpupunas ng mesa. Nagulat pa ito nang makita siyang gising na.
"Señorita, ang aga mo naman."
Ngiti lamang ang kanyang itinugon.
"Sandali lang at magha-handa ako ng iyong almusal." Pumanaog ito sa kusina at sinundan niya. Nadatnan nila roon ang dalawang kasambahay na nagkukwentuhan, may takot sa mga mukha.
"Hoy, ano 'yan? Ke aga-aga, nagku-kwentuhan kayo riyan," saway ng mayordoma sa mga ito.
"May nangyari ba?" Usisa naman niya dala ng kuryusidad.
Nag-aalangan pang tumingin sa kanya ang dalawa kaya't bigla siyang kinabahan. Paano kung may nakakita pala sa nangyari kagabi?
"May...may natagpuan na nama pong patay kanina lang malapit sa pantalan."
Nais man niyang huminga ng maluwag dahil mali siya ng inakala, hindi rin niya magawa dahil sa narinig na balita. Masyadong naging abala ang nagdaang mga araw at nakalimutan niyang may banta pa pala sa buhay nilang lahat. Tila may kung anong lamig na lumandas sa kanyang likuran nang maalala ang gabi nang mapatay si Kapitan Guerrero.
"'Nay Maria, mamaya na ako mag-aalmusal. Magtutungo muna ako sa simbahan para sa alas sais na misa."
Nagtatakang napatigil sa pagsandok ng sinangag na kanin ang mayordoma. Alam kasi ng mga ito na hindi siya mahilig magsimba nang umaga. Mas pinipili niya ang misang ginaganap sa tuwing alas sais ng hapon. Kaya't naiintindihan ni Leonora ang pagtataka sa mukha ng matanda.
Pumanhik siya sa kanyang kwarto at nagbihis. Hindi nagtagal, bumaba siyang muli at nagpaalam sa mayordoma. Tulog pa ang kanyang abuelo, mga magulang at mga kapatid dala ng pagod noong nakaraang gabi.
Kasama si Gracita, nagpahatid sila sa kanilang kutsero patungo sa simbahan. Sinabihan niya itong huwag na siyang hintayin at umuwi na. Hinintay niya lang makaalis ito bago pumara ng ibang kalesa at nagpa-hatid sa pantalan. Nais niyang malaman kung sino ang pinatay.
Pagdating nila sa pantalan, nadatnan nila ang kumpulan ng mga tao sa bahagi kung nasaan ang bagsakan ng mga produktong galing sa ibang lugar. Sumiksik siya sa mga tao at nakiusyoso, pero laking gulat niya nang makilanlan ang lalaking nakahandusay sa tambak ng mga kaing na gawa sa kahoy. Natutop niya ang kanyang bibig.
Dali-dali siyang tumalikod at lumabas sa kumpulan. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Nanginginig ang kanyang mga kalamnan at para siyang hihigitan ng hininga.
Ipapa-alam ba niya iyon kay Lukas?
"Binibining Leonora, anong ginagawa mo rito?"
Nag-angat siya ng tingin nang marinig ang pangalan niya at nakitang papalapit si Joaquin. Kasunod nito ang ilang guwardiya sibil. Mukhang kararating lang din ng mga ito. Lumalim ang kunot ng noo nito nang makita ang kanyang pagkabalisa.
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Historical Fiction1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...