Kabanata XII - Ang Mga Gallego

21 2 1
                                    

Ika-18 ng Pebrero, 1893

Biglang napamulat si Leonora mula sa pagkakatulog. Sinalat niya ang kanyang pisngi at naramdaman na basa ito ng luha.

Nanaginip kasi siya. Nasa pantalan daw siya upang sunduin si Matteo na alam niyang paparating. Subalit, naubos nang lahat ang mga pasahero mula sa bagong daong na barko, hindi pa niya ito nakikita. Hanggang sa may marinig siyang putok ng baril sa hindi kalayuan. Nang puntahan niya ang pinagmulan niyon, nakita niya ang binata na nakabulagta at naliligo sa sariling dugo. Doon na siya nagising.

"Binibini, mabuti at gising ka na."

Nilingon niya ang nagsalita. Si Trinidad. Tsaka niya inilibot ang paningin at nalamang nasa isang hindi pamilyar na silid siya.

"Nasaan ako?"

Naupo ito sa gilid ng kama. "Narito ka sa aking silid, sa likuran ng aking patahian. Dito ka dinala kahapon nina Ginoong Lukas matapos kang mawalan ng malay sa sementeryo."

Naalala niya nga. Ang alam niya'y nasa sementeryo sila dahil sa libing ng kapatid nitong si Juan Miguel. Naalala niya rin ang isiniwalat nito tungkol sa pagkamatay ni Matteo at ang kinalaman dito ni Joaquin.

"Trining, sabihin mo sa akin, ano ang iyong nalalaman sa pagkamatay ni Matteo?"

Nagulat naman ito sa kanyang tanong. Nagbawi ito ng tingin at bumuntong hininga.

"Tulad ng sinabi ko noong una tayong nagkakilala, walang nakakaalam sa totoong nangyari kay Ginoong Matteo sa Barcelona. Kaya't nagpasya si Lukas noon na umalis at humanap ng kasagutan sa misteryong iyon. Sa loob ng tatlong taon, nagpabalik-balik siya sa Madrid at Barcelona upang hanapin ang hustisya para sa pagkamatay ng kanyang kaibigan." Hinawakan nito ang kanyang mga kamay. "At mukhang nahanap na niya ang kasagutan. Nagbalik siya sa bansa upang paghandaan ang pagkamit ng hustisya. Ang alam ko'y aalis muli siya pagkalipas ng iyong kaarawan."

Hindi makapaniwala si Leonora sa mga narinig. Si Lukas ang mabuting kaibigang tinutukoy ni Matteo sa kanyang liham.

"Batid ba niya ang tungkol sa kilusan?"

Umiling ito. "Ang alam lang niya'y kabilang si Ginoong Matteo sa mga nagnanais ng rebolusyon."

Hindi siya kampanteng walang alam ang kanyang katipan sa kanilang kilusan. Bagaman, hindi naman niya nararamdamang batid nitong may pareho silang layunin ng yumaong kaibigan nito.

"Ngunit batid niya ang pag-iibigan ninyo ni Ginoong Matteo."

Tsaka niya naunawaan ang sinabi nito noong gabi ng kaarawan ng kanyang abuelo.

"...Kapag nangyari iyon, hindi na kita magagawang tulungan na mabuhay nang hindi nakatali kanino man!"

Ngayong nasagot na ang ilang bagay na matagal nang gumugulo sa kanyang isipan, hindi naman niya alam ang gagawin. Nais niyang pasalamatan si Lukas dahil sa laki ng utang na loob niya rito, ngunit hindi niya alam kung paano.

Ang magagawa niya muna siguro ay ang umuwi sa kanila dahil baka nag-aalala ang kanyang mga magulang. Kasama si Gracita na magdamag nahintay sa kanyang paggising, nagpahatid sila kay Ignacio pauwi.

Pagdating nila, nagkakagulo ang kanyang pamilya. Naabutan nilang dumuduwal si Esperanza sa banyo habang nakabantay dito ang kanilang ina. Ang kanila namang ama ay ipinatatawag si Sebastian. Ni hindi nga napansin ng mga ito ang kanyang pagbabalik. Mabuti rin iyon upang hindi siya paulanan ng tanong kung saan siya natulog kagabi.

Hindi nagtagal, dumating si Sebastian sakay ng kalesang sumundo rito. Mukhang kagigising lang nito dahil magulo pa ang buhok nito. Ganunpaman, nagmamadali itong nagtungo sa silid ni Esperanza upang tingnan ang kalagayan nito.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon