Kabanata XXVII - Mga Luha ng Binibini

24 3 1
                                    

"Noora!"

Sabay na napalingon ang dalawa sa tumawag ng pangalan ng batang babae. Napangisi ito nang makita si Joaquin na kunot ang noo at marahil ay nagtataka sa kung anumang pinag-uusapan nila. Lumapit ito sa kanila at ang pagtataka ay napalitan ng pag-aalala nang makita ang mugtong mga mata ni Leonora.

"Anong ginagawa niyo rito?" Tanong nito sa dalawa.

"Binigyan linaw ko lamang ang kanyang kalituhan na hindi ko mawari bakit hindi mo magawa," sagot naman ni Noora. "Bueno, ako'y mauna na. Maghahanap ako ng pagkakalibangan bago tayo bumalik sa Barcelona."

Hindi na ito naghintay ng kanilang tugon at agad nang umalis. Naiwan sina Leonora at Joaquin na kapwa nag-aabang sa kung sinumang unang babasag ng katahimikan sa kanilang pagitan.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin..." Si Leonora ang bumasag ng katahimikan.

"Dahil kung malalaman mong nagbabalik si Matteo bilang si Alejandro, malamang ay hahanapin mo siya na maaari mong ikapahamak."

Hinarap niya ito. "Bakit hindi mo sinabing nagkamali ako sa pag-aakalang may kinalaman ka sa pagkamatay ni Matteo?"

Hindi ito nakasagot agad. Tila hindi ito makapaniwala sa kanyang tanong. Bumuntong-hininga ito at tumanaw sa Ilog Malugod. "Dahil para sa anong dahilan?"

"Para hindi ko pagbantaan ang iyong buhay?"

Napangisi ito tsaka siya nilingon. "Oo nga pala. Ilang beses mo na nga ba akong tinutukan ng baril?"

"Dalawang beses lamang, Ginoo. Ngayon nga'y wala na ang baril ko. Wala na akong gagamiting ipananakot sa'yo," biro naman niya. Parang kung anong nakadagan sa kanyang dibdib ang nawala.

"Sabi ko nga sa iyo, hindi mo kailangan ng baril para tapusin ang buhay ko."

Muli siyang sumeryoso na may halo nang pagkainis. "Dahil ako'y isang bruja? Igigiit mo na naman ba—"

"Hindi ko batid kung ano ang dapat na itawag sa iyong kakayahan, subalit sa Espanya ay tinatawag nga nilang bruja ang sinumang marunong bumuhay ng mga patay."

"Hindi nga—hindi nga ako marunong bumuhay ng patay. Kahibangan ang sinasabi mo." Tuluyan nang uminit ang kanyang ulo.

Tumangu-tango ito. "Sige. Hindi ko na ipipilit, ngunit kailangan mong makausap ang isang kakilala upang makumpirma ang aming hinala at magabayan ka rin kung sakali."

"Sino? Si Calypso?"

"Hindi. Umiiwas nga silang lumapit sa iyon hindi ba?"

"Ngunit hindi ba't sinabi mong siya ang nagligtas sa akin?"

Inis na bumuntong-hininga ito. "Binibini, si Calypso ay isang bruja bago pa man siya naging kaisa sa amin. Hindi nawala iyon sa kanya. May kakayahan din siyang manggamot, ngunit wala siyang kakayahang katulad ng sa iyo—natatagong kakayahan na maaaring sumambulat at maging iyong kapahamakan at ng mga tao sa iyong paligid."

Natahimik siya at nanatiling nakatingin ng diretso sa mga mata ng binata. Kumbinsidong-kumbinsido ito sa mga sinasabi nito, subalit sigurado naman siyang walang sinuman sa kanilang pamilya ang may kakayahang tulad ng tinutukoy nito.

"Hindi si Calypso ang dapat mong makausap," dagdag pa nito. "Bagaman kilala mo na siya at tiyak kong matutuwa kang makita silang muli."

...

Nang sumunod na gabi ang napagkasunduan nila ni Joaquin na magkitang muli sa Puente Milagroso. Doon daw nila katatagpuin ang sinasabi nitong makakapagbigay linaw sa mga sinasabi nito tungkol umano sa kakayahan niya.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon