Kabanata XVII - Pangil at Baril

26 3 1
                                    

"Kamusta na ang iyong pakiramdam, Leonora? Makakaya mo bang bumyahe ngayong araw?"

Hindi sumagot si Leonora at nanatiling nakatitig sa kawalan, binabalikan ang mga ala-ala ng kahapong naganap. Dala ng labis na pagkabigla nang makita si Matteo o ang kawangis nito, nawalan siya ng malay sa gitna ng daan. Nagtulong-tulong ang mga nakakita upang dalhin siya sa kumbento ng simbahan. Nakiusap din si Gracita na tawagin si Doktor Sebastian upang matingnan siya, subalit kararating lamang ng pinsan nang mahimasmasan siya. Nagtaka pa ang mga tao nang dali-dali siyang bumangon at tila nawawala sa sariling naghanap at nagtawag ng pangalan ni Matteo.

Subalit hindi na niya muling nakita ang lalaki. Ang sabi rin ni Sebastian ay marahil dala lamang ng labis na kapaguran ang nangyari sa kanya.

Pagod, guni-guni...maaari bang buhayin muli ng mga ito ang namayapa na?

Ganunpaman, buong maghapon siyang naghanap nang walang kasiguruhan kung ano o sino ang dapat hanapin. Kung hindi pa nga siya pinilit pauwiin ng pinsan ay baka naabutan na siya ng pagronda ng mga guwardiya sibil.

Magdamag din siyang hindi nakatulog kaya't alalang-alala ang doktor sa kanyang kalagayan.

"Maaari nating ipagpaliban ang pagbalik sa San Martin. Magpapadala na lamang ako ng abiso sa iyong mga magulang."

Sa wakas ay umiling ang binibini. "Hindi na kailangan. Uuwi na tayo ngayon. May mga kailangan akong asikasuhin."

Nakahinga naman ng maluwag si Sebastian dahil sa tinuran niya.

Dahil doon, naglakbay na sila pauwi pagsapit ng alas siyete ng umaga. Nakatulog naman ang dalaga habang nasa byahe sila.

Takipsilim na nang makarating sila sa San Martin. Sinalubong sila ni Doña Consuelo sa may pintuan ng tahanan ng mga Alcala.

"Kamusta naman ang inyong pamamalagi sa kabisera, anak?"

Pilit na ngumiti si Leonora at masayang nagkwento tungkol sa servicio na ibinahagi ng dalawang doktor. Hindi niya binanggit ang tungkol kay Isabel at ang nangyari sa mercado. Pinakiusapan niya rin ang pinsan na huwag nang ipaalam iyon sa kanyang ina.

"Nasaan nga po pala sina tiyo at Don Fernando?" Naitanong ni Sebastian nang mapansing wala ang mga ito.

"Magkasabay na umalis ang dalawa kanina. Batid kong patungo sila sa mga Fajardo."

Kumunot ang noo ng dalaga. "Bakit po? May nangyari ho ba?"

Hindi na nabigyang kasagutan ng kanyang ina ang kanyang katanungan dahil tamang-tama naman ang pagdating ng nina Don Fernando at Don Francisco. Sinalubong nilang magpinsan ang mga ito upang magmano.

"O, kamusta ang inyong byahe?" Bati ng kanyang ama. Iyon ang palatandaang nakalimutan na nito ang nangyari noong araw na mapagbintangan ang kapatid ni Trinidad na siyang pumapatay sa bayan.

"Maayos naman, Papa. May dala po kaming mga prutas at gulay galing sa kabisera."

"O, siya. Kumain na tayo nang makapagpahinga na kayo."

"Ipahahanda ko lang ang hapag." Iniwan muna sila ni Doña Consuelo upang magtungo sa komedor.

"Dito ka na kumain, Baste," paanyaya ni Don Fernando sa pamangkin ng manugang.

"Opo. Kaya nga po dumiretso ako rito para makisalo sa inyong hapunan."

Natawa naman ang dalawa sa tinuran nito.

"Siya nga po pala, nanggaling daw po kayo sa mga Fajardo?" Hindi na napigilan ni Leonora ang sarili na hindi mag-usisa

Biglang nagbago ang ekspresyon sa mga mukha ng dalawang Don. Bakas sa mga iyon ang tila pagkadismaya.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon