Kabanata XXXVI - Bukang-Liwayway

28 2 1
                                    

Hindi pa tuluyang nakalalabas sa hacienda ng mga Cortez si Joaquin nang maramdamang tila may kakaibang nangyayari sa paligid. Ramdam niya ang tila pagpintig ng malakas na kapangyarihan—iyong tipong kayang bumuhay ng patay.

Sa pagkakataong iyon, naisip niya ang mga kasamahan. Hiniling niyang nakalayo sana ang mga ito dahil kung hindi ay matutulad ang mga ito sa kanya.

Bumalik siya sa Poblacion kung saan nagmumula ang kapangyarihang bumalot sa bayan. At hindi nga siya nagkamali dahil nasaksihan niya ang pagkabuhay ng mga patay nang mga guwardiya sibil at kasapi ng kilusan. Tila mga asong ulol na naglalaway at palakad-lakad ang mga ito.

Hinawi niya ang isang pangkat ng mga nabuhay na bangkay at sinikap na maglakad nang mabilis patungo sa plaza at simbahan ng Santa Barbara. Batid niyang naroon sa tore ng simbahan sina Alejandro at Leonora. Subalit ang mga nabuhay na bangkay ay tila may isip na pinagkumpulan siya. Kaya naman ay nahirapan siyang umusad. Dagdag pa ang panghihina pa rin niya. Unti-unti ay para siyang malulunod sa mga patay na nabuhay. Mabuti na lamang at may dumating na saklolo—si Johannes. Iwinasiwas nito ang hawak na sulo. Mukhang natakot naman ang mga bangkay sa apoy.

"Anong ginagawa mo rito? Si Leonora—"

"Hindi naman kita maaaring pabayaan, hindi ba?" turan ng kanyang kaibigan. "Ang sarap pala sa pakiramdam na muling tumibok ang puso."

Nakaramdam siya ng takot para sa kaibigan. Naalala niya ang nangyari sa vampirang nagpanggap na pari noong hindi sinasadyang buhaying muli ni Leonora. Bagaman hindi niya hahayaang may mangyaring masama sa dalaga, natatakot din siyang mangyari kay Johannes ang sinapit ni Rafael.

Patuloy nitong iwinasiwas ang hawak na sulo upang hindi sila lapitan ng mga nabuhay na bangkay. Ginawa nito iyon hanggang marating nila ang bungad ng simbahan.

"Iligtas mo na si Binibining Leonora. Ako nang bahala rito. Heto," May iniabot ito sa kanyang punyal na gawa sa pilak at nababalot ng puting tela. "Para sa mga pagkakataong katulad nito. Batid kong hindi mo nanaisin na patayin si Alejandro, subalit kung kinakailangang humantong doon, gamitin mo ito ng walang pag-aalinlangan."

Saglit niyang tinignan ang ibinigay nito at saka tumango. Isinilid niya ang punyal sa bulsa ng suot na abrigo bago pumasok sa simbahan. Didiretso sana siya paakyat sa kampanaryo nang mapansin ang nakatayo sa gitna ng altar.

"Alejandro!" Dumagundong ang boses niya sa loob ng simbahan.

Hindi niya makita si Leonora.

"Anong ginawa mo sa bayang ito?"

Narinig niya ang pagtawa nito. "Esto es lo que le pasará al resto de la Casa Obscura si continúan protegiendo a los de Rivera." (Ganito ang mangyayari sa Casa Obscura kapag patuloy nilang po-protektahan ang mga de Rivera.)

Natigilan siya. May kakaiba sa binatang nasa altar. Hindi ito si Alejandro. Mukha't katawan nito, oo, subalit ang tinig—"

"Rembrandt?"

Hindi niya sukat akalaing kayang sumanib ng pinunong vampira sa katawan ng salinlahi nito kahit pa nasa kabilang panig ng daigdig ito. Tunay ngang makapangyarihan si Rembrandt.

"Únete a mí, Joaquin. Juntos seremos poderosos. Construiremos nuestro imperio y tú salvarás a esa chica." (Samahan mo ako, Joaquin. Magiging makapangyarihan tayong dalawa. Gagawa tayo ng kaharian at maililigtas mo ang babaeng iyon.)

Sinundan niya ng tingin ang kamay nitong itinuro ang nasa likuran nito—ang malaking krus na gawa sa kahoy kung saan sa halip na debuho ni Hesukristo ang naroon ay si Leonora na ang animo'y nakapako sa krus.

"Leonora!"

Tila wala pa rin ito sa sarili. Blanko ang mga mata nito, walang mababasang emosyon, subalit may mga luhang lumalandas sa magkabila nitong mga pisngi.

Sa galit niya'y sinugod niya si Alejandro at ibinalda sa pader. Dahil sa ginawa niya ay nawala ang kapit nito kay Leonora kaya't ang binibini ay nahulog mula sa krus. Sa muli ay pinilit ni Joaquin ang sarling kumilos nang mabilis upang masalo ang dalaga. Nasalo niya nga ito, ngunit muntik pa silang tumilapon.

"Binibining Leonora..."

Naghinang ang kanilang mga paningin. Sa wakas, natauhan nang muli ang dalaga.

"Ginoong Joaquin..."

"Akong bahala sa iyo. Ilalayo kita kay Rembrandt. Hindi ko hahayaang gamitin ka niya." Pinahid niya ang mga luhang lumandas sa magkabilang pisngi ng binibini. Nabatid niya sa mga mata nito ang takot.

Narinig niya ang pagbangon ni Alejandro kaya't nilingon niya ito. Isinandal niya si Leonora sa pader bago tumayo upang kaharapin si Alejandro. Sapo nito ang ulo at dumadaing sa sakit. Nang mag-angat ito ng tingin tila nagtaka ito nang makita siya.

"Joaquin, anong—" Umiling ito. "Kailangan ko ng iyong tulong. Si Rembrandt—" Napapikit ito na tila umiinda ng kirot.

Sa pagkakataong iyon ay hindi niya lubos maunawaan ang nangyayari.

"Hinayaan niya akong bumalik dito matapos...ah!...matapos niyang malaman ang tungkol sa kakayahan ni Leonora. Ah!" Napaluhod ito habang sapo pa rin ng dalawang kamay ang ulo.

Maingat siyang lumapit dito. "Anong ibig mong sabihin?"

Hindi ito sumagot at sa halip ay bigla na lamang siyang hinawakan sa leeg at ibinalda sa pader sa ibaba ng malaking krus. Hawak na rin nito ang punyal na gawa sa pilak at itinutok sa kanyang pusong tumitibok.

"Ingrato! Matapos ko siyang ituring na parang anak ay isu-suplong niya ako," nagngangalit ang tinig ni Alejandro na batid niyang si Rembrandt.

Naiintindihan na niya. Si Alejandro ay sinasaniban ni Rembrandt bagaman ang diwa nito'y nanatili pa rin, sadyang nalimitahan lamang. Ang lahat ay plano ni Rembrandt upang masarili ang Casa at mahiwalay sa mga de Rivera.

"R-rembrandt...No conseguirás lo que quieres." (Hindi mo makukuha ang iyong nais."

Hindi niya alam kung paano niya natawag si Absalom kanina, ngunit sinubukan niyang muling hingin ang tulong nito. Si Absalom ay isang diyos. Si Noora, siya at si Marcus ay mga direktang nagmula sa lahi nito. Hindi niya alam bago noong gabing iyon na maaaring sumanib ito sa kanya lalo pa't ilang milenya nang walang nakakaalam ng kinaroroonan nito. Ang alam nga nila'y nakapiit ito sa impyerno. Ganunpaman ay kailangan niya ito upang wakasan ang kasakiman ni Rembrandt.

Naramdaman niya ang tila pag-init ng paligid—init na nagmumula sa kaibuturan niya. Dahil doon ay nabitiwan siya ni Alejandro. Mabilis ding nawala ang kakaibang init at kapangyarihang naramdaman niya. Lalo pa siyang nanghina. Masyado siyang mahina para kay Absalom.

Natauhan naman si Alejandro o Rembrandt. Humigpit ang hawak nito sa punyal na gawa sa pilak. Maingat ang mga hakbang nitong lalapit sana kay Joaquin habang ang punyal ay nakahanda nang kitilin ang binata. Ngunit tila may plano ang tadhana. Kasabay ng pagtama ng unang sikat ng araw ay ang pagbaon ng punyal sa dibdib ng dalagang puno't dulo ng lahat—ng pagbabalik ni Alejandro sa bansa, ng pagbabago ng layunin ni Joaquin sa kanya ring pagbabalik at ng parehong pagkabigo ng dalawa pagkatapos ng gabing iyon.

Nanlaki ang mga mata ni Joaquin. Muli pa nitong isinigaw ang pangalan ng babaeng hindi niya lubos akalaing muling magpapatibok ng puso niya—at muling magpapatigil nito.

Sa labas ng simbahan ay nagsibagsakan ang lahat ng mga bangkay—muling nagsimatay. Ang sulo na kaninang hawak ni Johannes ay bumagsak sa isang tambak ng abo. Maliit na lamang din ang apoy na sinindihan nina Lukas noong gabi sa plaza.

Sa pagsilang ng araw, kasabay ng huni ng mga ibon, gumuhit ang pagtangis ng binatang sa muli pa'y nakaranas ng kamatayan ng minamahal. Oo, mahal na nga niya si Leonora, subalit wala na ito. Paano pa niya maipababatid?

Hindi naman ito vampira, subalit mabilis ang naging paglisan nito. Tumarak ang punyal na pilak sa dibdib nito. Naalis pa ng dalaga ang punyal bago ito bumagsak sa sahig ng altar ng simbahan ni Santa Barbara. Hinanap pa ng mga mata nito si Joaquin. Pinilit pa nitong abutin ang binata, subalit bumagsak lamang ang kamay nito kasabay ng pagtigil ng tibok ng puso ni Joaquin.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon