Ang pag-ibig na bawal ay siyang tunay na masarap sa pakiramdam. Ang pag-ibig na wagas ay siyang handang ipaglaban.
Ganoon ang pag-ibig ni Manuel para kay Teresa. Mula noong gabing nagkausap sila, madalas na silang magtagpo ng lihim sa manggahan. Kung hindi man sila magkita ay nagpapalitan ng mga liham. Higit na naging malapit ang kanilang mga loob; higit na nag-alab ang pag-ibig.
Subalit ang kanilang maliligayang araw ay may pagtatapos din. Hindi niya alam kung paano nangyari, ngunit nalaman ni Don Felipe ang tungkol sa kanilang lihim na relasyon. Pinalayas siya nito sa hacienda at tinanggalan ng trabaho. Binawi rin nito ang bukid sa kanyang mga magulang.
Ngunit ang lubos na pinag-aalala niya ay si Teresa. Agad na ipinadala ng Don ang dalaga sa mga Fajardo sa pueblo ng San Martin. Naging malaking kahihiyan ang pakikipagrelasyon ng binibini sa isang anak ng mga magsasaka, bagay na naging paksa ng maraming usapan sa Santa Barbara.
Hindi naman nagpatinag si Manuel. Ilang araw bago ang nakatakdang kasal ni Teresa kay Jacinto ay naglakbay siya patungo sa San Martin. Pagdating doon, agad niyang hinanap ang bahay ng mga Fajardo. Hindi naman siya nahirapan dahil isa iyon sa mga pinakamalaki at marangyang bahay doon. Isa pa, nakita niya roon ang taga-silbi ng mga Cortez na madalas na kasama ni Teresa noon sa Santa Barbara. Kasama pala ito ng dalaga.
Laking gulat pa nito nang makita siya sa labas ng tahanan ng mga Fajardo.
"Anong ginagawa mo rito, Manuel? Naku, mapapagalitan niyan si Señorita Teresa kapag makita ka ng mga Fajardo rito."
Pero hindi niya pinansin ang pag-aalala nito. "kumusta si Teresa?"
Nag-aalangan pa ito sa susunod na sasabihin, subalit marahil dala ng awa sa señorita nito ay sinabi rin nito ang lahat ng dapat niyang malaman. "Pinagbubuhatan siya ng kamay ni Señorito Jacinto. Laging ipinamumukha sa kanya ang pakikipagrelasyon sa iyo at ang pagtanggap nito sa kanya sa kabila noon. Tinatawag niya itong maruming babae."
Sa buong buhay niya, noon lamang siya nakaramdam ng labis na galit at pagkamuhi.
"Naaawa ako sa kanya, Manuel. Mabuting tao si Señorita Teresa. Hindi niya dapat nararanasan ang pagmamalupit na ito."
Dahil sa mga nalaman, naging buo ang kalooban niyang itakas doon si Teresa. Pinakiusapan niya ang taga-silbi nito na ipabatid ang kanyang plano.
Pagsapit ng gabi, walang takot na pumasok siya sa hacienda ng mga Fajardo. Doon siya naghintay sa likod-bahay kung saan niya sinabing hihintayin si Teresa. Mag-iisang oras din siyang naghintay doon hanggang sa bumukas ang pintuan at lumabas ang kanyang pinakahihintay.
"Teresa..."
"Manuel..."
Mabilis na nag-unahan ang mga luha sa mga mata ni Teresa, singbilis ng pagtakbo nito patungo sa mga bisig ng pinakamamahal nito. Si Manuel nama'y walang pag-aalinlangang sinalubong ng yakap ang dalaga.
"Umalis na tayo rito, irog ko. Kung iyon nanaisin, pupunta tayo sa bayang malayo rito o sa Santa Barbara. Tayo'y magbabagong buhay."
Tumangu-tango ang dalaga. "Kahit saan basta't ika'y aking kasama."
Kinuha niya ang kamay nito at aakayin na sana ito paalis nang sa hindi niya inaasahan ay biglang sumulpot si Jacinto at mga kaibigan nito.
Subalit ang lahat ay may hangganan...
Marahas na inagaw ni Jacinto si Teresa mula kay Manuel habang siya'y pinigilan ng dalawang kaibigan nito.
"Ang lakas din ng loob mong pangarapin ang bagay na kailanma'y hindi magiging iyo!"
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Historical Fiction1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...