"Nilooban daw kagabi ang bahay ng alcalde mayor ng mga hindi pa nakikilalang mga kawatan," wika ni Don Francisco habang nag-aagahan ang pamilya kinabukasan. Ikinatigil ng batingting ng mga kubyertos ang balitang hatid nito.
"Diyos na mahabagin!" Bulalas ng maybahay nito. "kumusta naman sila? Wala naman bang nasaktan?"
"Sa awa ng Panginoon ay walang nasaktan sa kanila. Iyon nga lang ay takot na takot ang bunsong anak nito."
Ang bunsong anak pala ng alcalde mayor ang nabungaran nina Leonora paglabas nila sa despacho nito. Naalala tuloy niya ang kanyang kaba nang malakas itong tumili at mabulabog ang buong kabahayan ng De Aviles. Mabuti na lamang, naroon si Joaquin at nakatakas sila agad.
"Kaya't lagi niyong sisiguruhing sarado ang mga bintana at pinto sa gabi," bilin naman ni Don Fernando. Iyon ang iilan sa mga pagkakataong nakasabay nila itong mag-almusal. Madalas kasi ay tanghali na ito nagigising. Subalit mula nang dumating sila roon sa Santa Barbara ay lagi itong nauuna sa kanilang bumangon sa umaga.
"Siya nga pala, ako'y babalik sa San Martin bukas," wika ng ama nila Leonora. "Ako pa rin naman ang gobernadorcillo ng pueblo. Kailangan ko ring bisitahin ang ating hacienda."
"Sumabay ka na sa amin bukas, Papa. Babalik na rin kami ng San Gabriel," sambit naman ni Esperanza.
"Papa, maaari ba akong magpaabot ng liham para kay Lukas?" Tanong naman niya. Nais niya itong makausap tungkol kay Matteo.
"Walang problema." Saglit itong napaisip. "Siya nga pala, malapit na ang iyong kaarawan. Dito na natin iyon gaganapin. Pati na rin ang inyong kasal ni Lukas."
Muntik pa niyang mabitiwan ang basong kanyang iinuman. Iyon na nga ba ang ikinababahala niya. Mabuti na lamang at iniligtas siya ng kanyang ina.
"Subalit hindi ba natin ipagpapaliban ang kasal sa susunod na taon? Kamamatay lamang ng panganay na anak nina Miguel at Leticia," pahayag ni Doña Consuelo.
Ibinaba ni Don Francisco ang kanyang kutsara't tinidor. "Pag-uusapan namin ni Miguel pagbalik ko sa San Martin. Hindi ko lamang nabanggit sa kanya noong naroon tayo sa mga De Aviles. Ngunit siguradong naaalala naman niyang ang napagkasunduan ay isang buwan matapos ang ika-labingwalong kaarawan ni Leonora."
Pagkatapos mag-almusal ay bumalik sa kanyang silid si Leonora. Plano niyang basahin ang liham na nakua niya sa tahanan ng alcalde mayor, subalit bubuksan pa lamang niya ang sobre nang may kumatok sa pinto. Mabilis niyang isinuksok sa ilalim ng kanyang unan ang liham bago pinagbuksan ang kumatok.
Napagbuksan niya si Corazon.
"Nais mo bang sumama sa amin ni Ate Esperanza? Magtutungo kami sa simbahan at mercado nang makapamasyal bago kami umalis bukas."
"Hindi ba makasasama sa pagdadalang-tao ni Ate Esperanza ang pamamasyal?"
Bahagya itong natawa. "Nagawa nga niyang makapaglakbay patungo rito sa Santa Barbara mula sa San Gabriel. Tsaka kasama naman natin sina Kuya Juancho at Sebastian kaya't wala kang dapat ipag-alala."
Napapayag naman siya nito. Iyon nga lang ay nais na niyang pagsisihan nang sa simbahan pa lamang ay sinalubong na siya ng mga nag-aalalang pangungumusta. Nahihiyang tango at ngiti na lamang ang kanyang itinugon. Iyon ang unang beses na lumabas siya mula nang mawalan siya ng malay sa tahanan ng alcalde mayor kaya't ganoon na lamang ang pangungumusta ng mga tao sa kanya.
Pagkagaling sa simbahan ay dumiretso sila sa mercado.
"Hindi ko pa naitatanong, ano bang nangyari sa iyo noong gabi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Don Graciano?" tanong ng kanyang pinsang si Sebastian.
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Ficción histórica1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...