Kabanata XI - Mga Ala-ala ng Pag-Ibig at Pagkasawi

21 3 1
                                    

Ika-23 ng Marso, 1889

Saglit na tumigil sa paghahanda ng hapunan ang mga kababaihan sa bahay ng mga Alcala at kanilang mga kasambahay para tanawin ang dumaang prusisyon. Unang araw iyon ng novenario para sa santacruzan. Ang novenario ay sinusundan naman ng prusisyon na nagsisimula't nagtatapos sa simbahan ng San Martin de Porres at dumaraan sa Poblacion at Sitio Uno.

Pagkaraan ng prusisyon, bumalik na sa ginagawa si Señora Consuelo samantalang nanatiling nakatanaw sa bintana sina Leonora at Esperanza. Susunod sana si Corazon sa ina nang mapansing nagpaiwan ang dalawa kaya't bumalik din ito.

"Mag-aasawa ka na, Ate Esperanza. Nasasabik ka ba?" Tanong ni Leonora sa panganay na kapatid habang nakatingin sa mga batang napag-iwanan ng prusisyon.

Masaya namang sumagot ang kanyang kapatid. "Oo naman. Kung maaari ko nga lamang na hilahin ang mga araw ay ginawa ko na."

"Saan pala kayo maninirahan pagkatapos ng kasal, Ate Esperanza?" Si Corazon naman ang nagtanong. May plano itong pumasok sa kumbento, bagay na bata pa lamang ay gusto na nitong gawin.

"May natanggap na bahay bilang regalo si Ginoong Juancho noong kanyang ika-21 kaarawan mula sa kanyang mga magulang. Nasa San Gabriel din iyon. Doon kami maninirahan pagkatapos ng kasal."

Kinikilig na naghigikhikan ang tatlo.

"Sana biyayaan agad kayo ng anak. Nasasabik akong mag-alaga ng pamangkin," wika ni Leonora.

"Ha'mo. Kapag nagka-anak na kami, lagi kong dadalhin dito."

Nagkwentuhan pa sila hanggang sa matanaw nila ang hinihintay na mga bisita. Tumayo si Corazon at ipinaalam sa kanilang ina ang pagdating ng mga panauhin. Si Leonora nama'y saglit na sinipat kung maayos ang hitsura ng nakatatandang kapatid bago nagmamadaling sinundo sa silid-aklatan ang kanilang abuelo. Ngunit nakasalubong niya itong palabas na ng silid at kasama ang kanyang ama kaya't pumihit na lamang siya at nagmamadaling pumanaog.

Tamang-tama naman ang pagbaba niya dahil papasok na ang kanilang mga bisita: ang pamilya Gallego. Mamamanhikan ang mga ito.

Masayang nagpalitan ng bati ang dalawang pamilya. Hindi rin makakaila ang sayang nararamdaman ng magkatipan na abot-tenga ang mga ngiti. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, tanging isang tao lamang ang umagaw ng pansin ni Leonora buong gabi---si Ginoong Matteo Gallego, ang bunsong anak na lalaki ng pamilya Gallego. Iyon ang unang beses na nakilala niya ito dahil sa Maynila ito nag-aaral at bihirang umuwi sa San Gabriel.

Habang kumakain ng hapunan, nasimulan nang pag-usapan ang magiging kasal nina Esperanza at Juancho. Napagkasunduan ang petsa, simbahan at lugar ng handaan. At dahil parehong nagmula sa mga maimpluwensiyang pamilya, ang kasal ay tiyak na engrande. Plano pa nga ng parehong gobernadorcillo na imbitahan ang Gobernador-Heneral sa pagtitipon.

Pagkatapos ng hapunan, natuloy ang usapan sa antesala. Subalit hindi na sumunod si Leonora roon dahil panigurado ay ikababagot lamang niya. Kaya naman, nagtungo na lamang siya sa azotea para tapusin ang kanyang binabasang aklat. Ngunit hindi rin niya iyon nagawa dahil sumunod pala sa kanya si Matteo.

"Ah, Baltazar. 'O, pag-ibig na makapangyarihan, 'pag ika'y pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.'"

Napa-angat siya ng paningin mula sa binabasa. Naroon sa bungad ang bunsong kapatid ni Juancho, nakatingin sa kanya at may malapad na ngiti. Ramdam niya ang tila pagbilis ng tibok ng kanyang puso.

"Hindi ko inakalang mahilig ka sa romatikong awit, Ginoo," komento na lamang niya upang itago ang nararamdamang kaba sa pagkakataong iyon.

Lumapit ito at naupo sa bakanteng upuan sa tapat niya. "Mahilig lamang talaga ako magbasa ng anumang uri ng babasahin. Mukhang ganoon ka rin, Binibini."

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon