Kabanata XXX - Ang Pagliligtas kay Lukas

25 2 0
                                    

Sumapit ang alas otso ng gabi, ang oras ng pagpapalit ng mga guwardiya sibil na nagbabantay sa karsel. Mayroong limang naka-tokang magbantay doon, ayon na rin kay Caloy. Si Caloy ang kanilang mata at tenga sa karsel. Dati itong nagsisilbi sa yumaong Kapitan Guerrero. Nang mamatay ang dating kapitan ay nanatili itong utusan ng mga guwardiya sibil. At katulad ng palagi, pinabili ito ng mga magbabantay sa gabing iyon ng alak sa kabila ng mahigpit na bilin ni Kapitan Mariano na bantayang maigi ang bunsong anak ng mga Fajardo.

Lingid sa kaalaman ng mga ito, ang alak ay naglalaman ng likidong nanggaling sa bilo na bigay ni Doktor Sebastian. Hindi pa nga nangangalahati ang bote ay naghihilik na ang limang bantay. Wala namang kamalay-malay si Lukas sa nangyayari. Nagulat na lang siya nang may lalaki—babaeng nagbihis lalaki ang lumapit sa kanyang piitan.

"Leonora!" Mahinang bulalas niya nang bahgya nitong iangat ang sumbrero nito.

Ang talim ng tingin nito sa kanya. Nahinuha niyang may sama ito ng loob.

"Anong nangyayari?" Tanong niya subalit hindi siya nito sinagot at sa halip ay inutusan si Caloy na buksan ang kanyang piitan.

Nag-aalangan siyang lumabas, ngunit wala naman siyang ibang nagawa dahil sa talim ng tingin ng dalaga. Pinasunod siya nito hanggang sa labas ng karsel kung saan naghihintay ang isang kalesa.

"Caloy, ikaw nang bahala rito," bilin ng binibini sa kasama. "Magtulug-tulugan ka na lamang upang hindi ka paghinalaan. Huwag kang iinom ng alak. Ipahid mo lamang sa iyong katawan."

Tumango naman ito. "Ako nang bahala rito. Humayo na kayo habang hindi pa nakakatunog ang mga nagpatrolyang guwardiya sibil."

"Halina kayo," aya naman ni Ignacio, ang kutsero ng kalesa. "Kailangan na nating umalis."

Hindi na kailangan pang sabihang muli ang binibini. Nauna na itong sumakay ng kalesa. Wala na siyang nagawa kun'di ang sumunod dito.

Tahimik sila habang tumatakbo ang kalesa. Ramdam niya ang tensyon sa ere. Hanggang sa may umalingawngaw na putok ng baril. Lilingunin sana niya nang pigilan siya ng dalaga.

"Huwag. Ang lahat ay naaayon sa plano."

"Plano? Anong plano?"

Pagod na bumuntong-hininga ito. "Nagtulung-tulong kami upang mailigtas ka. May mga kasapi ng kilusan ang naka-tokang ilihis ang atensyon ng mga guwardiya sibil kung sakali mang...kung sakaling hindi maging mapayapa ang gabing ito para sa ating lahat."

"Bakit niyo ginawa iyon? Delikado---"

"Dahil kung hindi ay paano?" Sinalubong nito ang kanyang tingin. "Sino ang mamumuno sa kilusang ito kung hindi ikaw, El Periodista?"

Nagbawi siya ng tingin.

"Bilang hindi niyo naman ako pagkakatiwalan dahil ako'y babae, hindi ba? Kaya't heto ako, tinakasan ang aking...ang aking a-ama..." Saglit itong tumigil sa pagsasalita. "...para iligtas ka bago ka pa dalhin sa Intramuros."

May pait sa tinig nito dahilan para siya ay mag-alala, subalit hindi na niya isinatinig ang pag-aalalang iyon. "Kung alam ko lamang na ika'y handang makipagsapalaran para sa aking kaligtasan ay sana pala'y ipinaalam ko na nang maaga. Paumanhin, Leonora, ngunit ako sana'y nakatakdang itakas ni Guillermo bukas ng gabi. Balak naming makipagkita kay Supremo upang sumapi sa Katipunan."

"Si Guillermo? Kami'y nagkita kaninang umaga, subalit wala siyang nabanggit tungkol sa iyong pagtakas. Alam mo ba ang kanyang nabanggit? Ang iyong planong pag-aaklas!"

Napakamot siya ng ulo. Binilin nga niya sa kaibigan na huwag sabihin kanino man ang kagustuhan niyang lumikom ng suporta mula sa Katipunan, ngunit hindi ang tungkol sa plano niyang pag-aalsa.

Sangre FriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon