Naging usap-usapan ang pagkamatay ni Kapitan Tadeo Guerrero sa mga taga-San Martin. Kumalat na rin ang balita ukol sa aswang na siyang pumatay sa kapitan at kay Señor Ricardo Montinola. Kaya naman lahat ay nag-iingat.
Si Leonora nama'y walang magawa dahil nakaratay siya sa kama dala ng lagnat at sakit ng katawang dulot ng nangyari noong gabing patayin si Kapitan Guerrero. Halos hindi pa siya patulugin ng gabi-gabing bangungot kung saan hinahabol umano siya ng lalaking naka-itim at may pangil. Kaya naman ilang araw siyang nasa silid lamang niya at nagpapagaling.
Sa ikatlong araw ng kanyang pagpapagaling, may dumating na hindi inaasahang bisita.
Habang siya ay nagpapahangin sa tabi ng bintana ng kanyang silid, natanaw niya ang isang paparating na kalesa.
Alam niyang pagma-may-ari iyon ng mga Fajardo, ngunit hindi niya batid na bibisita pala ang mga ito. Wala pa man din ang kanyang ama at nasa Poblacion. Lalong kumunot ang kanyang noo nang mula sa kalesang iyon ay bumaba ang isang binatang hindi niya kilala, ngunit tila pamilyar sa kanya. Inilibot nito ang paningin hanggang sa magtama ang kanilang mga paningin. Ngumiti ito—ngiting pilyo—at saka bahagyang yumukod bilang pagbati. Tsaka niya naalala kung sino ito.
"Binibini, Binibini!" Humahangos na tawag sa kanya ng isa sa kanilang mga taga-silbi. "Hindi mo paniniwalaan kung sino ang dumating: ang iyong katipan!"
Siya nga. Si Lukas Miguel Fajardo, apo ng namayapang Don Jacinto Fajardo at nakatakdang ipakasal kay Leonora.
Magkababata sila tatlo: siya, si Lukas at Sebastian. Pagkatapos mag-aral sa ilalim ng pagtuturo ni Maestro Frank Carmichael, isang mahusay na guro mula Amerika, parehong lumisan patungong Maynila ang dalawang binata upang mag-aral sa Universidad de Santo Tomás. Umalis si Sebastian patungong Madrid matapos ang dalawang taon para doon ipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina, samantalang naiwan sa Maynila si Lukas. Hindi nagtagal ay nabalitaan niyang nagtungo rin ito sa Madrid para ipagpatuloy ang pag-aaral nito ng abugasya. Ang alam niya'y isa na itong ganap na abugado.
Noong nakaraang taon, bagaman nasa ibang lupain ito at ilang taon na niyang hindi nakikita ay ipinagkasundo sila ng kanilang mga pamilya na ipakasal sa isa't-isa. At sa araw na iyon, unang beses nilang makikitang muli ang isa't isa buhat ng umalis ito patungong Maynila.
Mula sa kanyang kinaroroonan, nakita niya kung paanong mainit na salubungin ng kanyang ina si Lukas. Iginiya nito ang binata papasok ng bahay at hindi nagtagal ay nasa labas na ito ng kanyang silid kasunod si Gracita.
"Comment allez-vous, ma chère?" bati nitong taglay ang ngiting tiyak na bitag sa maraming kababaihan maliban sa kanya.
Pinagtaasan niya ito ng kilay. "No sabía que habla francés." (Hindi ko alam na marunong ka palang magsalita ng wikang Pranses.)
"Por supuesto, tengo que aprenderlo. Ang wikang Pranses ay wika ng pag-ibig." (Siempre, kailangan kong aralin ito.)
Hindi na niya napigilan ang pag-ikot ng kanyang mga mata dahil sa tinuran nito. "Hambog ka pa rin, Lukas Miguel."
Pinapasok ito ni Gracita sa kanyang silid at naupo sa bakanteng upuang katapat niya.
"Natutuwa akong makita kang muli, Leonora arinola," tila batang pang-aasar nito.
Matagal na rin mula noong marinig niya iyon, ngunit ikinainit pa rin ng kanyang ulo. "Hindi ka pa rin nagbago, ano? Isip-bata ka pa rin."
"Pero guapo."
Napahawak siya sa kanyang sentido. Hindi niya alam ang gagawin sa binatang kaharap. Si Gracita naman na nakabantay sa kanilang dalawa ay nagpipigil ng tawa.
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Fiction Historique1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...