Walang sinayang na oras si Leonora upang kaharapin si Padre Rafael. Dinala ito nina Joaquin sa isang lihim na silid sa tahanan ni Guillermo. May pinto sa silong pababa, papunta sa ilalim kung nasaan ang isang malawak na silid.
Hindi mawari ni Leonora kung bakit may ganoon sa bahay ni Guillermo na anak ng isang miyembro ng Real Audiencia at naglilingkod sa Espanya. Wala naman doon ang ginoo kung kaya't hindi rin niya matatanong ng personal. Mas nagulat siya nang makita ang ilang kahong gawa sa kahoy at panigurado siyang pinaglalagyan ng mga baril na ginagamit ng mga guwardiya sibil. Alam niya sapagka't ilang beses na siyang sumama sa pagsalubong ng mga bagong angkat na armas para sa kilusan.
Ngunit isinantabi niya ang pagtataka at itinuon ang pansin sa prayleng halimaw. Nagagapos ang katawan nito ng lubid na gawa sa pilak kung kaya't hindi ito makatakas at impit na dumadaing sa sakit. Kitang-kita rin sa mukha nito ang ginawa niya kanina. Pilit nitong sinubukang lumayo nang makita siya habang ipinamamalas ang matatalim na mga pangil. Para itong pusang takot na takot.
Pero binalewala niya iyon at mabilis na lumapit dito. Hinawakan niya ang leeg nito, ngunit agad din niyang nabitawan nang bigla itong matigilan at humiyaw.
Napaatras si Leonora dala ng pagkabigla. Hinawi pa siya ni Joaquin nang lumapit ito sa prayleng tila nasiraan ng ulo para suriin ito. Nanlalaki ang mga matang lumingon ang binata sa kanya.
"Anong nangyayari?" Tanong niya sa sarili.
Hinigit ni Joaquin ang kanyang kamay at hinila siya palabas doon.
"Sino ka bang talaga?" Tanong nito sa kanya pagkalabas nila sa silong. "Paanong—paanong nagagawa mo ito?"
Iwinaksi niya ang kamay nito. "Ang alin? Ano bang sinasabi mo? Anong nangyayari?"
"Ikaw! Ikaw, Binibini. Ikaw ang nangyari. Isa ka bang bruja?"
Nabigla siya sa paratang nito. Sa unang pagkakataon, pinagtaasan siya nito ng boses.
"Anong majika ba ang mayroon ka? Paano mo—paano mo nagawang buhaying muli ang puso ko maging ng prayleng iyon?"
Lalo lamang siyang naguluhan. "Hindi ko maunawaan ang iyong mga paratang, Ginoo. Kung anuman, ang nais ko ay ang patayin ang halimaw na nagkukubli sa abito!"
"Gamit ito?" Mabilis nitong kinuha ang baril na nakasukbit sa kanyang tagiliran. "Hindi mo na kailangan nito. Dahil sa'yo madali mo nang mapapatay ang tinatawag mong halimaw—kahit ako, kung iyong gugustuhin."
Natahimik siya at biglang naalala ang papel na nasa kanyang bulsa. Kung kanyang gugustuhin, maaari na niya itong kitilin, ngunit ano itong pag-aalinlangang nararamdaman niya?
Binawi niya ang kanyang baril. Hindi naman ito tumutol. "Hindi ko pa sigurado kung anong gusto kong gawin sa iyo. Isa ka pa ring kalaban. Sa ngayon, ang kailangan ko'y mapaamin ang prayle sa mga krimeng ginawa niya."
Babalik na sana siya nang pigilan siya nito.
"Malapit nang sumilang ang araw. Bumalik ka na sainyo bago pa magising ang buong bayan. Kami na ang bahala sa prayle."
Naririnig na nga niya ang mangilan-ngilang pagtilaok ng mga manok. Hindi siya maaaring abutin ng bukang-liwayway sa labas nang ganoon ang kasuotan, ngunit hindi rin niya dapat sayangin ang pagkakataon.
Napabuntong-hininga siya.
"Babalik ako mamayang gabi," aniya. "Siguraduhin mong buhay pa ang prayle sa pagbabalik ko."
"Hindi na kailangan. Sasabihin ko rin sa iyo kung anuman ang makuha naming impormasyon mula sa kanya."
Bahagya siyang napangisi. "Sa palagay mo'y pagkakatiwalaan kita?"
Hindi na niya ito hinintay sumagot. Iniwan na niya ito upang umuwi sa kanila.
...
Kahit walang sapat na tulog, nagtungo pa rin si Leonora kasama si Gracita sa klinika ng pinsang doktor pagsikat ng araw. Kailangan niyang ipaalam ang tungkol sa nangyari kay Lukas upang matignan nito ang lagay ng kanyang katipan.
Malapit na sila sa tahanan ng mga dela Peña nang mapansin niya ang mga taong nagmamadali sa pagtungo sa Poblacion. May ilang kabataan ang galing na roon at silang naghatid ng anumang pagkagulat sa bawat kanilang makasalubong. Dahil doon, pinatigil niya ang kalesa at pinakiusapan si Gracita na tanungin ang isang bata.
"Binibini, may kaguluhan daw sa simbahan," balita sa kanya ni Gracita. "Naroroon ang lahat ng guwardiya sibil simula pa raw kaninang madaling araw."
Kaya naman, hindi na muna sila tumuloy sa klinika ng pinsan at sa halip ay dumiretso sa simbahan ng San Martin de Porres. Pagdating doon, nadatnan nga nilang napapalibutan ng mga nagbabantay na guwardiya sibil ang simbahan habang nakaantabay ang mga mamamayan, mapa-Kastila man o Indio.
Mula sa loob ay nakita niyang lumabas si Joaquin. Kausap nito ang kanyang pinsang si Sebastian na mukhang bagong gising. Malalim ang kunot ng noo nito at nakapamewang.
Buti na lamang pala ay hindi na sila nagtungo sa klinika nito. Subalit ano kayang ginagawa nito sa simbahan? Wala siyang natatandaang namatay doon kagabi.
Nakita niya ang isa pang guwardiya sibil, na kilala niya bilang Mariano na inutusan ang isang mas mababa sa ranggo nito. Tiyak niyang papunta iyon sa kanyang ama upang ihatid ang balita tungkol sa pagkasira ng isang dingding ng simbahan at ng kung anumang sinadya roon ni Sebastian.
Matapos mag-usap ng doktor at kapitan ay agad siyang lumapit kay Sebastian. Nagulat pa nga ito nang makita siya roon.
"Ano ang iyong ginagawa rito?" Tanong niya sa pinsan. "Galing kami sa inyo. Wala ka roon," pagsisinungaling pa niya.
Hinila siya nito palayo sa mga tao. "Ano namang sadya mo sa akin nang ganito ka aga? At bakit ka pa nagtungo rito? Dapat ay bumalik ka na sa inyo."
"Napagpasyahan kong magsimba na lamang nang malamang wala ka sa iyong klinika." Muli ay kasinungalingan. "Ano bang nangyayari? Bakit hindi nagpapapasok sa simbahan?"
"Magulo sa loob. Tila ba sinugod ng mga tulisan, ngunit wala namang nawala bukod siguro kay Padre Rafael," turan nito nang pabulong. "At—magugulat ka sa kung anong natagpuan nila—bangkay ni Padre Antonio, ang dating kura!"
Tunay ngang nabigla si Leonora sa nalaman. Kaya pala bigla na lamang itong nawala ay pinatay pala ng pumalit dito. Baka nga hindi rin totoong pari ang halimaw na nakaharap niya noong nakaraang gabi.
"Base sa iyong pagsusuri, ano ang kanyang ikinamatay?" Tanong niya rito.
Luminga-linga ito sa paligid bago sumagot. "Katulad ng ikinamatay nina Don Ricardo Montinola, Kapitan Guerrero at Juan Miguel."
Natigil ang kanilang pag-uusap nang makitang may inilalabas ang dalawang guwardiya sibil na natatakpan ng puting tela. Sa hindi inaasahan ay nilipad ng hangin ang tela at tumambad sa lahat ang isang bangkay. Napasinghap ang ilang nakakita samantalang napa-krus ang iba pa. Si Leonora nama'y hindi makapaniwala sa nakita. Ilang buwan nang patay ang prayle ngunit hindi pa naagnas ang katawan nito bagkus ay buong-buo pa ito. Iyon nga lamang ay tuyot na tuyot ang buong katawan nito, ang balat ay kapit na kapit sa mga buto. Nakaramdam siya bigla ng takot.
Inalis niya ang tingin sa bangkay at hindi sinasadyang magawi iyon sa direksyon ni Joaquin na kanina pang nakamasid sa kanya. Sinalubong niya ang tingin nito hanggang sa ito na ang unang sumuko sa kanilang dalawa.
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Ficción histórica1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...