Tila biglang bumagal ang pag-inog ng mundo ni Joaquin nang mga oras na iyon. Subalit kasabay niyon ang mabilis na pagbabalik ng isang alaalang hindi niya namalayang natabunan na ng kanyang galit: isang babaeng may napakagandang ngiti, ngiting naging mga luha—luha ng pagdadalamhati. Teresa! Narinig niyang pagtawag sa babae na nagmumula sa kung saan.
Tsaka lang siya natauhan. Wala na si Leonora sa harap niya, nilamon na ng tubig sa ilog. Hindi na siya nagdalawang-isip na tumalon mula sa tulay para sagipin ito.
Madilim sa ilalim ng tubig. Hindi rin niya inasahan ang lalim ng ilog. Subalit balewala iyon sa kanya. Sa pagkakataong iyon, ang tanging nais niya ay ang kaligtasan ni Leonora. Pinilit niyang abutin ang mga kamay nito, ngunit bigla siyang natigilan. Tumigil ang pagtibok ng kanyang puso!
Napamulagat siya. Anong ibig sabihin niyon?
Si Leonora!
Binilisan pa niya ang pagsisid hanggang sa wakas ay maabot niya ito. Hinila niya ang binibini paahon. Ang kakayahang makapaglakbay nang mabilis ng mga katulad niya ay hindi gumagana sa tubig. Kaya't pinilit niyang makarating sila sa pampang. Hindi na niya iniisip kung maraming guwardiya sibil na naghihintay sa kanila, basta ang mahalaga sa kanya ay makaahon sila at mapasuri niya ang lagay ni Leonora. Natatakot siya sa ibig sabihin ng biglaang pagkamatay muli ng puso niya.
Nang makarating sa pampang, sinubukan niyang gisingin ang binibini, ngunit wala itong tugon. Kaya't binuhat na niya ito at mabilis na lumisan sa lugar. Nasa paligid lang nila ang mga guwardiya sibil na naghahanap sa kanila.
Dinala niya ang dalaga sa bahay nina Guillermo, sa silid ni Calypso na nagulat sa kanilang pagdating.
"Ella necesita ayuda. Por favor." (Kailangan niya ng tulong. Nagmamakaawa ako.)
Bumukas ang pinto ng silid at pumasok naman sina Vladymyr at Johannes. Nagpalipat-lipat ang mga paningin ng mga ito sa kanya na basang-basa at sa dalagang nasa kama at walang malay.
"¿Qué pasó?" (Anong nangyari?) Tanong ni Vladymyr.
"Leonora se...se cayó al río...se ahogó." (Nahulog siya sa ilog at nalunod.) Hindi niya maipaliwanag ang nangyari. Hindi niya maipaliwanag kung bakit labis ang kanyang pag-aalala. "Mi corazón...ang puso ko...tumigil na muli sa pagtibok."
Nanlaki ang mga mata ni Johannes. Tila naintindihan naman nito ang nangyayari kung kaya't inutusan nito si Calypso na tignan agad ang kalagayan ni Leonora.
Nag-aalangang lumapit ang babaeng vampira sa binibining nasa kama. Dinama nito palapulsuhan ng huli bago lumingon sa mga kasama.
"No te preocupes. Aún está viva, pero su latido cardíaco se está volviendo débil," pahayag ni Vladymyr katulad ng nabasa sa isipan ni Calypso. (Huwag kang mag-alala. Buhay pa siya bagaman humihina na ang tibok ng kanyang puso.)
Napakapit siya sa isa sa mga poste ng kama. Tila siya nabunutan ng tinik dahil sa narinig, ngunit hindi siya makakampante hangga't hindi muling tumitibok ang kanyang puso. Natatakot siyang baka hindi na muling mangyari iyon. Huwag naman sana...
Walang sinayang na oras si Calypso at agad na sinubukang iligtas si Leonora gamit ang kakayahan nitong magpagaling. Ngunit tila hindi madali iyon.
"Inuubos niya ang lakas ni Calypso!" Bulalas ni Johannes. "Sa puntong ito, baka pareho silang mawala!"
Naisuklay niya ang mga daliri sa kanyang buhok. Isa na lang ang naiisip niyang sagot: ang gawin itong tulad nila.
"¡No puedes!"
Nagulat siya sa ibinulalas ni Vladymyr. Hindi niya namalayang napahintulutan niya itong basahin ang kanyang isipan.
"Entonces, ¿qué debo hacer? ¡No puedo dejarla morir así!" (At anong gagawin ko? Hindi ko pwedeng hayaang mamatay na lamang siya!)
BINABASA MO ANG
Sangre Fria
Ficción histórica1893 Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa bayan ng San Martin sa unang araw ng taon. Bangkay iyon ni Don Ricardo Montinola, isang mestizo. Ang pinaghihinalaang pumatay dito: aswang. Subalit alam ni Leonora Alcala na hindi lang basta aswang ang p...