"Ate? Ate Rose Mary? ikaw ba yan?"
Lumapit ako nang bahagya sa babaeng pamilyar sa akin. Kahit sabihin pa na magulo ang kanyang buhok at marumi ang suot niyang bestida ay alam kong si Ate Rose Mary iyon.
Humihikbi siya habang nakatalikod sa akin. Nagtataka man na hindi niya ako hinaharap sa lakas ng pagtawag ko, minabuti ko nang ako na lamang ang lumapit.
Nakaramdam ako ng pagkasabik nang malapit na ako sa kanya. Lalo siyang yumuko upang iharang ang buhok niya na hindi yata napaliguan ng ilang araw. Hindi ko na pinansin pa ang magulong ayos ni ate. Ang mahalaga ay naroroon ako sa tabi niya para patahanin siya.
"Nandito na ako ate... Huwag ka nang umiyak..."
Mula sa pag-iyak, nagsimulang maging malulutong na tawa ang nililikhang ingay ni Ate Rose Mary. Napalingon din ako sa buong paligid dahil sa ume-echo ang tawa niya na ikinabibingi ng tenga ko.
Umaalog ang lupa. Unti-unting humaharap si ate. Napatda ako sa hitsura niya na hindi ko inaasahan. Naroon ang katawan niya na kabisadong-kabisado ko na pero hindi ang mukhang ito na ngayon ko lang nakita... na tila sa bangungot mo lang masisilayan.
"Anong ginawa ko? May kasalanan ba ako sa'yo? Naging mabait naman ako sa'yo, diba? Sabihin mo! BAKIT?!"
Malakas na sigaw na umalingawngaw at nagpayanig sa tenga ko. Tinakpan ko ang magkabilang tenga saka humakbang paatras sa kanya.
Unti-unting lumabo ang mukha niya na lumalayo nang kusa sa akin. Wala na sa tamang hugis ang lahat. Maging ang sarili kong kamay ay nag-iba ang kulay. Natakot ako. Sobrang takot. Nanghihilakbot ang mata ko. Palipat-lipat ang direksyon. Hanggang sa lamunin ako ng kadiliman. Lumamig ang buong paligid. Naging tahimik na para bang sa sementeryo ang susunod na eksena. Ngunit ramdam ko pa rin na nanginginig ang tuhod ko.
"Hintayin mo ako dito... magkakasama rin tayo. Huwag ka nang matakot."
Boses ni ate Rose Mary. Agad akong lumingon sa likod para makita siya. Naramdaman ko ulit ang pagkasabik sa kanya.
Maaliwalas ang kanyang mukha. Napakaamo tulad ng sa akin. Inaabot niya ang kamay ko habang tinatawag ang pangalan ko.
Nakapanghahalina ang boses ni Ate Rose Mary. Tuluyan na akong naakit kaya marahan kong inabot ang kamay niya na nagliliwanag.
"Ate! Sasama ako. Sasama ako!"
BEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEPPP
Napamura ang halos lahat ng pasahero sa sinasakyang bus ni Rose Ann. Nagising ang dalaga sa sobrang lakas ng busina. Sunud-sunod na busina. Kaya naman nakalimutan agad ni Rose Ann kung ano ang kanyang napanaginipan. Tinignan siya ng katabing pasahero at tinanong siya.
"Miss ayos lang kayo? Muntik nang mabangga itong bus, eh tulog ka. Baka kako nauntog ka."
Bigla na lang naglakihan ang mga mata ng babaeng katabi niya. Hindi ito makapagsalita. Kinabahan si Rose Ann at doon lamang niya napansin ang pulang likidong umagos sa kanyang paningin. Sinalat niya ang noo at tumambad ang sariwang dugo sa kanyang palad. Humalo ang pawis na namumuo sa kanyang mukha sa dugo na nagmumula sa kanyang noo. Pinagtinginan siya ng lahat ng pasahero. Tinignan niya rin ang mga ito. Wala ni isa ang duguan.
"Miss? Miss?!", sigaw sa kanya ng katabi. Natulala pala siya sa bilis ng pangyayari. Nagdesisyon siyang tumayo at bumaba na sa bus na sinasakyan. Napunta na sa kanya ang atensyon ng lahat maging ang mga taong nakikiusyoso sa pinangyarihan ng aksidente. May mga gustong umalalay pero mabilis siyang umiiwas. Gulung-gulo ang isip niya ngayon. Halu-halo ang lahat hanggang sa wala na siyang iniisip. Patuloy sa paglalakad na halatang nalilito.

BINABASA MO ANG
Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]
Mystery / ThrillerKilala mo ba si kambal? Eh ang sikreto niya? Alam mo rin ba? Wag kang maingay. Baka marinig ka niya. Sasabihin ko sa'yo kung ano ang itinatago niya. Atin-atin lang hah! Pero bago ang lahat, pumikit ka muna...