Buwan na ng Hunyo. Tapos na ang paghihirap ni Rose Ann sa pagtatrabaho. Mag-aaral naman siya ngayon sa tulong ni Tiya Garia at ng naipon niya sa pagtatrabaho noong nakaraang dalawang buwan.
Inaayos niya ang mga gusot ng kanyang bagong patahing uniporme nang pumasok si Tiya Garia sa kwarto niya. Ipinatong nito ang dalawang kamay sa balikat niya.
" Ang mga bilin, huwag kalilimutan. Ayoko nang may malalagas pa sa pamilya ha? Rose Ann?"
"Opo."
"Napakatahimik mo talagang bata. Mas maingay ang ate mo kaysa sa iyo. Pero, ayos na rin para matahimik naman ang pamamahay ko." Tumawa nang mahina si Tiya Garia. Alam niyang nagkamali siya sa pagkukumpara na naman ng dalawang pamangkin. Aminado naman siyang paborito niya talaga si Rose Mary. Sino nga ba ang hihindi sa batang matalino, bibo, at may pangarap sa buhay.
"Tiya, nagluto po ako ng pagkain para sa tanghalian. Kainin niyo na lang po. Papasok na po ako." Nakayuko lang ang dalaga sa tuwing kakausapin niya ang tiya. Hindi niya malaman kung bakit naiilang siyang tingnan ito ng mata sa mata.
Kinuha na ni Rose Ann ang bag bago pa man mapansin ni Tiya Garia na nalulungkot siya sa tinuran nito. At nasasaktan siya dahil ang sinabi nito ay totoo.
Siya kasi ang tipong hindi palasalita. Tahimik. Dati rati naman ay mas maingay pa siya sa kanyang ate. Kung tutuusin nga ay mas tahimik sa kanya si Rose Mary noong mga bata pa sila. Miminsan lang ito magsalita. Minsan nga lang ba? Wala siyang maalala. Basta ang natatandaan niya ay ang mga bagay na parating kinukwento ni Tiya Garia. Ang pagiging matalino nito at may sense of humor. Mas maganda sa kanya bagamat magkamukha lang naman sila.
Ngunit paano siya maniniwala kung wala rin siyang maalala na may naging kaibigan ito. Masyado na siyang nag-iisip. Sumasakit lang ang ulo niya.
"Sasakay ka ba?"
Nagulat si Rose Ann sa konduktor ng bus na nakahinto sa tapat niya. Halatang naiinip na ito dahil sa nakakunot nitong noo. Nataranta siya kaya medyo nadapa pa siya sa paghakbang ng hagdanan ng bus.
Naghahanap na siya ng mauupuan nang matuon ang pansin niya sa babaeng kaparehas ng kanyang uniporme. Nakaupo ito sa pinakadulo katabi ng bintana. Nakapangalumbaba na para bang galing sa heart break. Gusto sana niyang tumabi rito ngunit pinili niyang huwag nang pakialamanan ang babae.
Umupo siya sa tabi ulit ng bintana. Wala pang sampung minutos ay dinapuan siya ng antok. Maaga kasi siyang gumising kanina sa pagkasabik na pumasok bilang isang college student.
Inayos-ayos niya ang pagkakasandal hanggang sa napirmi na siya sa kumportableng posisyon. Ngunit hindi pa man siya ganoon katulog ay nagpakita sa kanya ang mukha ng babaeng napaniginipan niya dati.
Hindi lang dati. Kundi gabi-gabi.
"Maghihiganti ako. Ako mismo ang kukuha ng hustisya na hindi nila binigay sa akin! Maghintay ka lang... Ako mismo ang papatay sayo!"
"Anong pinagsasabi mo? Ate? Ako 'to! Si Rose Ann!"
"Hahahahahahahahahahahahahahahahahahahahahahahahaha! Bakit ko papatayin ang taong matagal nang PATAY para sa akin?"
Nanigas ang buong katawan ni Rose Ann. Anong patay? Patay na ba siya? Kinapa niya ang dibdib, sa tapat ng kanyang puso. Wala. Walang pusong tumitibok. Papaanong namatay siya? Pero buhay siya. Pinagsisigawan iyon ng isipan niya.
"Ate... n-natatakot ako..."
"Ikaw? Matatakot? Hahahahahahahahahahahahahahaha..."
Patuloy sa pagtawa ang babaeng itinuturing niyang ate. Tila wala ito sa sarili. Para bang hindi niya kilala ito. Pero bakit alam niyang ate niya iyon? Muli siyang napaatras patungo sa walang hanggang kadiliman. Tawa lang nang tawa ang ate niya. Wala itong mukha nang titigan niya pero sinasabi ng utak niya na si Rose Mary iyon. Ang kambal niya na namatay sa isang napakalupit na paraan. Nagagalit ba ito dahil hindi niya ito nasamahan hanggang sa huling hininga nito?

BINABASA MO ANG
Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]
Mystery / ThrillerKilala mo ba si kambal? Eh ang sikreto niya? Alam mo rin ba? Wag kang maingay. Baka marinig ka niya. Sasabihin ko sa'yo kung ano ang itinatago niya. Atin-atin lang hah! Pero bago ang lahat, pumikit ka muna...