13. Si Kuya

1.3K 34 0
                                    

Hindi man nakakatagpo ni Rose Ann si Sofia ay alam niya ang mga pangyayari sa kaklase. Nangunguna kasi si Sofia sa paksa ng tsismisan ng buong unibersidad. Kahit saan siya magpunta ay ang tangkang pagpapakamatay ni Sofia ang nangingibabaw sa bawat bungangang makasalubong niya.

Noong una ay hindi siya naniniwala pero isang grupo ng mga kababaihan na may malinaw na galit kay Sofia ang nagpaskil ng napakaraming litrato ng dalaga na tangkang maglalaslas ng kanyang pulso. Nagkalat ang larawan na ito sa buong campus. Ang opinyon ng iba ay si Sofia raw talaga ang may kagagawan ng pagkamatay nila Dolly at Michelle.

Hindi sumasang-ayon si Rose Ann sa ganoong opinyon. Kung alam ni Sofia na mamamatay siya, siguro ay gusto na niyang unahan ang malagim na kamatayan.

Gulung-gulo na ang isip ni Rose Ann. Kung hindi si Sofia, sino ang nag-text sa kanya ng unang mensahe na pinadala nito? At yung recorded na boses ni Michelle bago malagutan ng hininga, paano na-record iyon ni Sofia?

Posibleng si Sofia ang nakakaalam ng lahat. Kailangan niyang matanong ang dalaga bago pa ito matulad kay Michelle. Nabibitin siya sa mga impormasyon na nakukuha. Pakiramdam niya ay pinaglalaruan siya ng mga ito.

Isang oras pa ang bakanteng oras ni Rose Ann pero umakyat na kaagad siya sa susunod na klase. Dumaan pa nga siya sa tambayan nila ni Gela pero wala ang kaibigan. Naisip niya kasi na maganda kung magpapalitan sila ng opinyon nito. Siguro ay puro biro ang lalabas sa bibig ng kaibigan dahil sa matindi rin ang galit nito kay Sofia.

"Mamamatay tao ka! Bagay lang sa'yo yan!"

Napalingon si Rose Ann sa likod niya. May ilang kababaihan doon na may ibinabatong itlog sa isang estudyante na malagkit na ang uniporme dahil sa mga pambabato.

Nakilala niya kung sino iyon dahil sa mahabang medyas.

"Hoy! Itigil niyo 'yan!", sigaw niya sa mga babae.

"Aba si Rose Mary!", panunukso pa ng mga ito. Kumulo ang dugo niya kaya sinugod niya ang babaeng nang-asar.

"Kung ako si Rose Mary, HINDI KITA PATATAHIMIKIN!", pinanlakihan niya pa ang babae ng mata.

"Unfortunately, ikaw si Rose Ann. Hahahaha!" Nagtawanan pati ang mga kasama nito.

Napipikon na siya. Siguro kung may hawak lang siya na patalim sinasaksak niya na iyon sa bunganga ng kaaway. Tumitig siya nang matalim sa babaeng panay pa rin ang tawa.

"Unfortunately, ako ang kakambal niya na buhay pa, KAYA MANANAWAGAN AKO SA KANYA NA PATAYIN KA!"

Napaatras sa kinatatayuan ang mga babae. Na parang nakakita ito ng multo sa likuran niya.

Sinamantala na iyon ni Rose Ann. Hinatak niya na ang hindi makilalang si Sofia. Nangingitim ang ilalim ng mga mata nito. Tila ba hindi natulog ng buong isang linggo. Wala na ang mapagmataas na si Sofia.

Dahil lamang sa pagkamatay ng dalawang ka-grupo ay sa isang iglap, nawala ang respetong ibinibigay kay Sofia ng lahat. Nagsilabasan ang mga taong malalim ang galit sa dalaga. Sa wakas ay pinakita na rin nila ang tinatagong tunay na kulay.

Sa pagkakaalam ng lahat, ayon na rin sa kumakalat na tsismis, ay ampon lamang si Sofia ng presidente ng kanilang unibersidad. Hindi nila alam kung kanino nanggaling ang tsismis pero agad naman iyong pinaniwalaan ng karamihan. Napatunayan lang nila ito nang pumapayag si Sofia na magpa-bully sa ibang estudyante.

"Bakit ka ba nagkakaganyan?! Bakit mo sila hinahayaang kawawain ka?!", panenermon ni Rose Ann kay Sofia habang kinakaladkad ito papuntang comfort room.

Walang imik si Sofia. Maging kay Rose Ann ay nagpakababa na rin siya.

Pinagpatuloy ni Rose Ann ang panenermon sa loob ng C.R. Ini-lock niya ang pinto upang magkausap sila ng matino tungkol sa mga peklat na natuklasan niya kila Dolly at Michelle at pati na rin kay Sofia.

Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon