"May nakita ka bang kakaiba bago magkasunog?", tanong ng pulis sa akin.
Sinagot ko naman siya nang maayos.
"Ang huli ko lang natandaan eh.. may batang nagbubuhos ng gaas sa sahig at nagsindi ng posporo."
"Kilala mo ba ang batang sinasabi mo?"
"Oo.. Ang pangalan niya ay..
..Rose Mary."
..
Lutang ang pag-iisip ko palagi. Gabi-gabi rin akong binabangungot ng kademonyohan ni Herminia. Hindi ko na rin nakikita si Rose Ann at si Nanay Garia. Pinaghiwalay kami ng mga taong hindi ko kilala.
Dinala ako sa psychologist ng mga pulis sa paniniwalang naapektuhan ang pag-iisip ko ng mga masasamang pangyayari. Iri-rehab lang daw ako kaya wag daw akong mag-alala. Panay dakdak ang pulis na humahawak sa akin ngunit ang totoo wala akong naunawaan sa mga paliwanag niya.
Narinig ko naman sa psychologist na malala na ang kaso ko dahil sa trauma na inabot ko at kinakailangan ng mahabang panahon para sa isasagawa nilang therapy.
"Tapos ka na ba Rose Mary?",tanong ng psychologist sa akin. Pinapaguhit niya ako ng mga bagay na nasa isip ko ngayon. Binigyan niya rin ako ng krayola para magkulay.
Walang imik na iniabot ko sa kanya ang papel at napailing siya sa kanyang nakita.
"Rose Mary, favorite mo ba ang pula?"
"Siguro.. ", nakayuko kong sagot.
"Tungkol saan ba itong gawa mo?" Nag-angat ako ng ulo at nakita kong nagpupumilit siyang ngumiti sa akin.
"Iyan ay.. mga babaeng naglalaro."
"Ano itong hawak ng isang babae?"
"Kutsilyo. Naghahabulan sila ng taga. Kung sino ang taya, siya ang magkukulay ng kwarto."
"Paano kukulayan?"
"Gamit ng dugo niya."
..
Mga dalawang buwan ang tinagal ko sa isang lugar na puro kulay puti. Madalang lang ang may gamit na iba ang kulay.
Araw-araw din na may bumibisita sa kwarto ko na babae. Ang pangalan niya ay Ms. Salbaceda. Lagi siyang nagtatanong na para bang isa akong walang muwang na bata. Tinuturuan niya rin ako kung paano ngumiti. Walang katapusang pagbibigay ng leksyon. Nakakasawa na. Kung minsan ay parang may binubulong sa akin ang mga pader pero sa tuwing lumilingon ako, kahit-saan, ay puro puti lang ang nakikita ko. Sa una ang akala ko ay payapa ang kulay puti pero ewan ko ba, parang dinadaya ako ng kulay na iyon. Walang buhay ngunit maingay.
"AHHHH!! AYOKO NA DITO"
"Hawakan niyo siya! Turukan niyo ng pampakalma!"
"Tulungan niyo ko! ROSE ANN! Tulungan mo 'ko... "
Ikinukulong ako ng puti. Salbahe ang mga nakasuot ng ganoong kulay. Bumubulong ng 'baliw' sa aking isipan.
Palaging ganoon. Araw-araw. Paulit-ulit. Hanggang sa magkukulay abo na ang lahat at magiging madilim na ang aking paningin.
..
"Ano itong drawing mo Rose Mary?"
"Iyan ay.. isang garden na puno ng makukulay na bulaklak."
"Bakit ito ang napili mong iguhit?"
"Dahil.. pangarap kong makapunta diyan. Maglalaro kami ni Rose Ann hanggang sa magutom kami."
"Anong paborito mong kulay?"
"Hmm.. siguro.. wala. Maganda ang lahat ng kulay."
Inosente akong ngumiti kay Ms. Salbaceda. Ngiti na sa wakas ay naperpekto ko na.

BINABASA MO ANG
Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]
Mystère / ThrillerKilala mo ba si kambal? Eh ang sikreto niya? Alam mo rin ba? Wag kang maingay. Baka marinig ka niya. Sasabihin ko sa'yo kung ano ang itinatago niya. Atin-atin lang hah! Pero bago ang lahat, pumikit ka muna...