Nagkumpulan ang mga lasing na teen agers sa banyo ng first floor. Ang lahat ay nagising sa tama ng alak. Bumalik ang katinuan sa nakita.
Maging si Richard na malalim ang pagkakatulog sa sofa ay nakisingit sa mga nakikiusyoso sa loob ng banyo. Nagitla rin siya sa nakita. Kasunod niya si Rose Ann na hindi pa man nakikita ang bagay na pinagkakaguluhan ng lahat ay dumating na namumutla na.
"S-si Dolly ba 'yan?", tanong ng isang payat na lalaki.
Sumuka ang ilan sa kanila. Ang iba ay nag-walk-out at diretsong nagsipag-uwi sa kani-kanilang bahay. Ang iba naman ay natulala lang sa kinatatayuan. Sabay dating ni Sofia na lasing na lasing. Hinawi niya ang mga taong naroroon. Agad siyang nasuka sa nakita.
Lahat ng mata ay nakatuon sa bagay na lumulutang sa inidoro. Ang nakadilat na ulo ni Dolly.
"Iihi s-sana ako p-pero pagb-bukas ko... yan na a-ang n-nakita ko..." Yakap pa ang sarili habang nagsasalita ang babaeng nakakita sa pugot na ulo.
"Anong meron dun?", napunta ang atensyon ng lahat sa direksyon ng mata ni Richard. Kusa nang lumapit ang binata sa pinagtatakhang bath tub. Hinawi niya ang nakaharang na kurtina niyon at isang mensahe ang kanilang nabasa na nasusulat pa sa sariwang dugo.
Ito ang simula.
***
May mga pumunta nang mga pulis sa bahay nila Dolly. Wala ang mga magulang nito dahil nasa ibang bansa kaya tinawagan na lamang ang mga kamag-anak ni Dolly para pumunta sa pagpapalakad ng imbestigasyon.
May mga umakyat na rin sa itaas para makumpirma ang sinasabi ni Rose Ann na nakita niya ang iba pang parte ng katawan ng dalaga sa kwarto nito.
Tulala pa rin ang lahat. Walang makapagsalita nang maayos.
Lumapit ang isang pulis kay Rose Ann. May hawak itong maliit na notebook at seryosong binabasa ang mga naunang isinulat.
"May kilala ka bang may galit sa biktima?"
Hindi umimik si Rose Ann. Katabi niya si Richard na kasalukuyang pinapakalma siya sa sunud-sunod na pangyayari.
"Miss, may naalala ka bang nakaaway ng biktimang si Princess Dolly Salvador?", pag-uulit na tanong ng pulis.
Tumingin nang masama si Richard sa pulis at tumayo para sigawan ito.
"Hindi mo ba nakikita?! Hindi pa siya---"
"Si Sofia. Sofia Mendoza." Nagulat si Richard sa ginawang pagsagot ni Rose Ann. Magmula pa nang makita ang pugot na ulo ni Dolly ay hindi na makapagsalita ang dalaga. Hinihila lamang nito ang buhok at kinukutkot ang kuko. Pero ngayon ay para bang nasa wisyo na ito at may kakayahan nang magkuwento ng mga nasaksihan.
Kaya naman sinamantala na ng pulis na tanungin siya tungkol kay Sofia.
"Si Sofia Mendoza? Hindi ba't imbitado rin siya dito?"
Si Richard na ang sumagot. "Oo. Pero matagal siyang nawala sa party kanina. Hinahanap ko nga siya kaso sobrang lasing na talaga ako kaya si Rose Ann na ang pinaghanap ko." Nakatingin lang nang seryoso ang pulis kay Richard. Sinusulat ang bawat impormasyon na naririnig sa binata.
"Paano nakaaway nitong si Sofia Mendoza si Dolly Salvador?", nilipat ng pulis ang tingin kay Rose Ann.
"Narinig ko sila kahapon na...nagtatalo."
"Tungkol saan?", mabilis na tanong ng pulis. Kita naman sa mata ni Richard ang pag-aalinlangan kahit na hindi siya ang tinatanong. Wala siyang ideya sa pinagsasabi ni Rose Ann.
Matagal bago sumagot si Rose Ann sa naghihintay na pulis. Nagdadalawang-isip siya sa sasabihin.
"Tungkol sa akin."
BINABASA MO ANG
Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]
Misterio / SuspensoKilala mo ba si kambal? Eh ang sikreto niya? Alam mo rin ba? Wag kang maingay. Baka marinig ka niya. Sasabihin ko sa'yo kung ano ang itinatago niya. Atin-atin lang hah! Pero bago ang lahat, pumikit ka muna...