"Ganito ngumiti."
"Ganito."
"Ganito nga."
"Mali! Ulitin mo."
"Malapit na."
"Yan! Very Good!"
...
"Ganito ngumiti."
"Ganito."
"GANITO NGAAAAAAAAA!!!"
Nagising si Rose Ann mula sa isa sa mga bago niyang bangungot. Naaalala niya ang bawat eksena. Hindi siya makapaniwala. Tinuturuan siya ni Ms. Therese kung paano ngumiti. Yung ngiti na pinamalas nito noong unang pasukan. Ngiti na parang nakakaloko sa kanya. Ganoon ba siya katakot sa ngiti ng professor kaya't napapaniginipan niya pa iyon?
Tahimik sa buong kwarto niya. Wala rin siyang naririnig na kahit anong ingay sa labas. Umalis na yata si Tiya Garia.
Umupo siya sa gilid ng kama. Sapo niya ang dibdib na basa sa pawis. Kinuha niya ang alarm clock sa ibabaw ng drawer katabi ng cellphone na ini-off niya kagabi. Laking gulat ni Rose Ann nang alas tres palang pala ng umaga. Binuksan niya ang bintana. Madilim pa sa labas.
Lumabas siya ng kwarto para uminom ng tubig. Medyo nahimasmasan na siya.
Napansin niya ang nakabukas na pinto ni Tiya Garia. Nagtaka siya kung bakit. Palagi nitong sinasara ang pinto. Hindi nga lang niya binibigyang malisya pati ang paglalagay nito ng padlock sa pinto at sa malilikot na mata tuwing magkakandado. Nanguna na ang kuryosidad ni Rose Ann kaysa pagkauhaw. Pagkakataon na iyon para masilip ang kuwarto ng tiya na kahit kailan ay hindi niya pa napapasok. Naalala na naman niya ang palihim na pagpasok sa kwarto ni Dolly.
Malakas ang kutob niya na may sikretong nakatago sa likod ng pinto ng tiya kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip na...
"Rose Mary..."
Madaling-araw na at gising pa si Tiya Garia? At may narinig pa siya na binubulong nito ang pangalan ng ate niya. Hindi niya sigurado dahil nakatalikod ito sa kanya. Kaya lumapit pa siya.
"Rose Mary..."
At lumapit pa siya.
"Rose Mary..."
Ingat na ingat siya sa bawat hakbang niya. Pigil pati paghinga. Hindi na nga niya napigilan pa ang labis na pagtataka. Tuluyan na siyang nagpakalapit kay Tiya Garia.
"Rose Mary..." Humihikbi pa si Tiya Garia.
Ewan pero nakaramdam si Rose Ann ng habag sa tiya niya. Malalim ang pagmamahal nito kay Rose Mary. Noong una pa nga ay akala niyang nakalimot na si Tiya Garia sa nangyari sa kakambal pero ramdam niyang nagpapanggap lang ang tiya na wala na itong pakialam. Marahan siyang lumapit sa nakatalikod na si Tiya Garia at niyakap ito.
"Tiya Garia.."
"Rose Mary...", kumapit ng mahigpit sa bisig niya si Tiya Garia at humagulgol na ng iyak. Anak na rin kasi ang turing nito kay Rose Mary buhat nang mamatay ang mga magulang niya sa isang trahedya, sa sunog.
Humilig siya sa balikat ng tiya at nakiiyak sa paghihinagpis nito. Tsaka lamang napansin ni Rose Ann ang kanina pang mahigpit na hinahawakan ni Tiya Garia. Ang music box.
"Rose Mary.", banggit niya sa pangalan ng kapatid.
***
Sa ikalawang pagkakataon, matapos ma-checkan ang kanilang test kanina sa subject na psychology, ay tumingin ulit nang masama si Ms. Therese kay Rose Ann. Tanging sa kanya lang ito nagpapakita ng pagsusungit. Maging sa mga recitation ay hindi rin siya tinatawag. Hangin ang tingin ng professor sa kanya. Isang masamang hangin.

BINABASA MO ANG
Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]
Mystery / ThrillerKilala mo ba si kambal? Eh ang sikreto niya? Alam mo rin ba? Wag kang maingay. Baka marinig ka niya. Sasabihin ko sa'yo kung ano ang itinatago niya. Atin-atin lang hah! Pero bago ang lahat, pumikit ka muna...