14. Ang Mga Anak ni Tiya

1.2K 34 0
                                    

"Kay Michelle yan di'ba?"

Naagaw ang atensyon ni Rose Ann pati na rin ng lahat sa sinabi ng katabing niyang babae. May itinuturo ito sa ulo ni Sofia na nananatiling nakadilat ang dalawang mata. Noon niya lang napansin na suot ni Sofia ang pulang laso na palaging tinatali noon ni Michelle sa buhok.

Walang naglakas-loob na lumapit. Ang lahat ay nandidiri.

Hanggang sa lumapit nang bahagya si Richard sa bangkay ni Sofia at hinatak sa ulo nito ang pulang laso. Napaatras ang lahat dahil sa paggalaw ng ulo nito. Lumantad sa kanila ang ulo ni Sofia na tungkab ang bungo. Bumubulwak pa ang masaganang dugo. Awtomatiko rin silang napatakip ng ilong sa masangsang na amoy.

"Malapit na... Malapit na?", basa ni Richard na nakasulat sa pulang laso. Ipinakita niya iyon sa lahat.

"Di'ba may nakasulat din sa banyo ng bahay nila Dolly nung namatay siya?", tanong ng isa sa mga usisero.

"At kay Michelle meron din...", dugtong pa ng isa.

Nagkatinginan ang lahat.

"Pero iba ngayon. Malinaw na suicide ang nangyari kay Sofia.", kontra naman ng nakakita sa pagkahulog ng dalaga mula sa ikalimang palapag.

Iba rin ang kutob ni Rose Ann. Hindi nagpakamatay si Sofia. Patay na ito bago pa man nahulog. Hula niya ay may matigas na bagay na paulit-ulit na pinukpok sa ulo nito. Ibig sabihin may posibilidad na may taong sinadyang patayin ang dalaga.

Sa huli nilang pag-uusap ay kakikitaan ng pag-aalinlangan si Sofia. Ayaw nitong sabihin ang totoo sa kadahilanang meron itong pinoprotektahan at kinatatakutang tao. At iyon ay ang kuya ni Sofia.

Kung sinumang kuya ang sinasabi ng kaklase, ay sinisiguro niyang may kinalaman ito sa pagkamatay ng tatlong miyembro ng Fallen Angels. Kailangan niyang malaman kung sino iyon. May suspetsa na siya kung sino pero hindi siya sigurado.

Naalala ni Rose Ann ang naiwang bag sa clinic. Dali-dali siyang tumakbo at bumalik doon. Pumikit siya para hindi makita ang mga bagay na kulay puti. Hinablot niya kaagad ang bag at lumabas na roon.

Sa labas ay kinalkal niya ang gamit sa loob ng bag. Baka kasi may nawawala. Wala naman. Pero bakit masama pa rin ang kutob niya?

Kinuha niya ulit ang nakapatay niyang cellphone. Nagdadalawang-isip siya kung bubuksan iyon. Pumikit muna siya nang matagal habang pinipindot ang power ng cellphone. Saka lamang siya dumilat nang mag-vibrate ito. Hindi na siya nagulat dahil inaasahan niya na may bagong text message na naman siyang matatanggap.

sender: Sofia

Ikaw na ang susunod.

***

TING

Hindi sinasadyang maihulog ni Rose Ann ang mainit na takip ng kaldero. Napatingin sa kanya si Tiya Garia na kasalukuyang naglalapag ng mga pinggan sa lamesa.

"Ayos ka lang ba?", nag-aalalang tanong ng tiya niya.

"O-opo.. hindi ko lang po nalagyan ng basahan kaya---"

"Hindi yon ang ibig kong sabihin. Rose Ann, may problema ka ba sa school? Pansin ko kanina, hanggang ngayon, hawak mo pa rin yang cellphone. Aligaga ka bago ka pa naka-uwi. May gumugulo ba sa'yo?"

Tinitigan lang ni Rose Ann ang nag-aalalang mukha ni Tiya Garia. Ngayon ay naunawaan niya na kung bakit mas malapit si Rose Mary sa kanilang tiya kaysa sa kanilang ina.

Ngunit hindi niya maaaring sabihin sa tiya kung ano ang kanyang pinagdaraanan. Hindi nito pwedeng malaman na may nagbabanta sa kanyang buhay lalo pa at wala siyang matibay na ebidensya na totoo nga na may gustong pumatay sa kanya.

Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon