Araw ng Sabado. Walang pasok si Rose Ann. Isang linggo na rin simula nang pumasok siya sa Refestian University. Inangkop niya ang sarili maging sa pamamaraan ng pagsusuot ng uniporme ng mga kababaihan doon.
Inutusan siya ni Tiya Garia na mamili na ng uulamin sa palengke. Sandali pa siyang nag-ayos ng buhok bago lumabas ng bahay.
Napasulyap siya saglit sa kanilang munting tahanan. Hindi na ito kasinglaki tulad noong mga bata pa sila. Kahit ganoon ay masaya pa rin siya. Ayos lang ang maliit na bahay basta't maayos din ang samahan ng mga taong naninirahan dito. Hindi katulad ng dati. Malaki nga pero puro away naman ang kanilang magulang. Walang humpay na pagsisigawan, iyon ang naalala ni Rose Ann. Laging nag-aaway noon ang kanilang Mama at Papa. Laging iisa rin ang dahilan ng pag-aaway.
Bubuksan na sana ni Rose Ann ang gate nang may away pala na nagaganap sa tapat mismo ng bahay nila. Dalawang lalaki na nakikipagbunuan sa isa't-isa. May mga sumusubok umawat pero sa lakas ng dalawang lalaki ay walang makapigil sa maaksyon nilang bakbakan.
Hanggang sa inilabas ng isang lalaki ang patalim na nakasuksok sa suot nitong shorts. Iwinasiwas sa kalabang lalaki saka inundayan ng saksak. Tumalsik ang dugo sa mukha ng nanaksak. Kitang-kita naman ni Rose Ann ang bawat pangyayari. Napahumindik siya. May bumabalik na masasamang alaala sa kanya.
Kumikinang na patalim. Babaeng galit na galit at handang pumatay. Mga palahaw na may halong pagmamakaawa. Mga dugong nagkalat sa sahig. Mga nagtalsikang dugo sa mukha ng babae. Isang karumal-dumal na senaryo na ilang ulit niya nang nakita.
Napapikit si Rose Ann. Ngunit sa kanyang pagpikit ay nakita niya ulit ang babaeng magulo ang buhok na malakas humalakhak. Tinatawanan siya.
Ate Rose Mary, tigilan mo na ako. Tigilan mo na ako!
Patuloy sa pagtawa ang babae. Ayaw siyang tantanan. Gusto yatang mabaliw muna siya bago lubayan. Hindi na kinaya ni Rose Ann. Napaupo siya sa tapat ng gate. Takip ang magkabilang tenga.
"Rose Ann! Anong nangyayari sa'yo? Pumasok ka nga sa loob! Nagkakagulo na sa labas ay hindi ka pa lumayo? Ako na ang mamamalengke. Maglaba ka na lang ng mga damit."
Dala na rin ng takot, sumunod agad ang dalaga sa kanyang tiya. Naroon pa rin ang imahe ng isang babae na tatawa-tawa sa kanya. Nakaguhit na yata sa isipan niya. Inabala na lamang niya ang sarili sa utos ni Tiya Garia. Pinaghiwalay niya ang mga labahan na kulay puti at de-kolor. Bumabaligtad ang sikmura siya sa bawat kulay puting bagay na mahawakan. Malapit na siyang matapos sa pagsasalansan nang mapasakamay niya ang panyong kulay puti na talagang pamilyar sa kanya.
"I-imposible..." Nabitawan niya ang hawak na panyo. Papaanong nahalo iyon sa labahan? Sa pagkakatanda niya ay itinapon niya na ito noong hindi niya na naabutan si Gela para ibalik ito. Alalang-alala niya pa nga na pinagtinginan siya ng mga tao nang itapon niya iyon sa basurahan. Bukod kasi sa napakaayos pa ng nasabing panyo ay napakalinis din nito na puting-puti talaga ang kulay.
Napaatras si Rose Ann. Kinakain siya ng takot. Sigurado siyang iyon ang panyo na napulot niya dati. Kinukumbinsi niya ngayon ang sarili. Baka naman magkahawig lang talaga ang dalawang panyo. Pero bakit kailangang kulay puti pa? Ayaw niya ng ganoong kulay.
Sa kakaatras niya ay nasagi niya ang kabinet sa gilid. Umalingawngaw ang ingay ng nalaglag na litrato nila ng kanyang kambal. Nakadapa ito sa sahig.
Dahan-dahang lumapit si Rose Ann sa nalaglag na litrato. Simula nang bigyan siya nito ng misteryo ay hindi na niya ulit tinignan pa o nagawang hawakan iyon. Doble-dobleng kaba na ngayon ang nararamdaman niya. Sa huli, pinulot din ni Rose Ann ang litrato ngunit nakapikit ang dalawang mata.
"Rose Ann! Tinatawag ka ni Mama. May ibibigay yata sa'yo."
Nagmamadaling bumaba si Rose Ann mula sa second floor ng kanilang bahay. Kararating lamang ng kanilang ina galing sa pagsa-shopping. Hindi na niya naalala pa si Rose Mary na naiwan sa kanilang kwarto. Sabik na siyang makita ang bagay na ibibigay ngayon ng kanilang mama.

BINABASA MO ANG
Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]
Mystery / ThrillerKilala mo ba si kambal? Eh ang sikreto niya? Alam mo rin ba? Wag kang maingay. Baka marinig ka niya. Sasabihin ko sa'yo kung ano ang itinatago niya. Atin-atin lang hah! Pero bago ang lahat, pumikit ka muna...