8. Ang Mga Manika ni Dolly

1.2K 36 0
                                    

Dinala sa clinic si Rose Ann matapos siyang tumili nang malakas sa classroom nila. Ilang ulit siyang tinanong kung anong nakita niya at kung bakit siya namumutla. Hindi siya sumagot. Kusa lang siyang nagpahatid sa mga kaklase niya papuntang clinic pero hindi siya nagtagal doon, nagpanggap siyang ayos na ang pakiramdam niya at nagsinungaling sa nurse na babalik na siya sa klase.

Dahil may gusto siyang puntahan. Ang fifth floor.

Pansin niyang lahat ng makasalubong niya ay napapasimangot ang itsura kaya naman pumasok muna siya sa comfort room.

Dahan-dahan siyang lumapit at tiningnan ang sarili sa salamin. Alam niyang hindi totoo na may tumulong dugo sa kanya. Ilusyon lang ang lahat. Nananakot lang sa kanya ang babaeng nasa bangungot niya. Wala talagang dugo.

Malinis ang mukha niya maliban sa namumutla niyang labi. Pero para makasiguro ay naghilamos na siya ng buong mukha. Tinignan niya ulit ang sarili sa salamin.

Kamukha ko talaga siya.

Biglang may nag-flush na toilet sa ikatlong cubicle na ikinabigla ni Rose Ann. Ang akala niya ay walang ibang tao sa comfort room, meron pala.

Subalit heto na naman siya sa masamang kutob. Kung nag-flush na ng toilet ang kung sinumang naroroon ay bakit hindi pa ito lumalabas? Isang minuto pang naghintay si Rose Ann sa paglabas ng misteryosong babae pero bigo siya. Walang lumabas.

Dala ng kuryosidad ay hindi na namalayan ni Rose Ann na nasa tapat na siya ng ikatlong cubicle. Pakiramdam niya ay wala naman talagang tao roon. Kung ganoon, sino ang nag-flush?

Tumingin siya ibaba ng pinto. Walang siyang makitang anino. Nang biglang lumangitngit ang pinto niyon, nang dahan-dahan.

"May tao ba diyan?!", nanginginig ang boses ni Rose Ann. Hindi alam ang gagawin sa nangyayaring kababalaghan. Nagpatay-sindi na rin ang ilaw kasabay ng isang boses na paos pero patuloy na sumisigaw.

"Sofia? Kayo ba 'yan?!"

Sa isang iglap ay naramdaman niya ang malamig na kamay na humablot sa binti niya. Nadulas siya sa sahig at napanganga sa nakita sa ilalim ng pinto ng ikatlong cubicle.

Kamusta ka, Rose Ann?

"A-anong ginagawa mo diyan? B-baliw!", sigaw ng isang babae na kakapasok pa lang sa loob ng C.R. Naabutan siya nito na nakaupo sa sahig at umaatras ng pilit sa hindi malamang dahilan.

Napatingin si Rose Ann sa mukha ng babae na pumasok at tiningnan ulit ang ilalim ng ikatlong cubicle. Wala na. Pati ang kaninang pupundi-pundi na fluorescent ay nagbalik sa napakaliwanag nitong ilaw.

May ilan pang kababaihan ang nagsisunuran na pumasok sa C.R. At tulad ng nauna ay naabutan siya ng mga ito na nakaupo pa rin sa sahig.

Tumayo na siya at mabilis na pinagpag ang palda at nagmamadaling lumabas.

"Ginamit niya siguro yung cubicle sa dulo."

"Baka baguhan kaya hindi niya alam."

Dumiretsong umakyat si Rose Ann sa fifth floor. Hindi siya makapaniwala sa pagpapakita ng babaeng nakauniporme ng katulad sa kanya. At ang pinakanagulat talaga siya ay ang makitang kamukhang-kamukha niya ang multo.

Ang mukha ng multo ni Rose Mary, ngayon lang nagpakita sa kanya nang malapitan at hindi malabo katulad ng sa mga panaginip niya. Malinaw na malinaw sa mukha nito kanina ang matinding galit.

"At kelan ka pa naging lider dito?!"

May umaalingawngaw na sigawan sa buong fifth floor. Nanggagaling sa kwartong pinagkulungan kay Sandra. Pamilyar din sa kanya ang boses.

Ang Sikreto Ni Kambal [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon