#HindiKaEstudyanteKung...
by CallMeBoss
Pasukan na naman, o kay tulin ng araw. Pasukang nag-daan tila ba kung kailan lang. Ngayo'y pasukan dapat ay mag-aral na. Ngayo'y pasukan tayo ay maghanda na!
Pamilyar ba ang kanta o himig na ito sa inyo? Kung oo, hindi lang ito para sa pasko, laan din ito para sa darating na pasukan. Isang paalala na bawal na ang petiks na mag-aaral. Tigilan na ang pagbababad sa internet dahil panahon na para bahain ka ng dagat-dagatang test papers at assignments. Hindi mo matatakasan ang mga responsibilidad na ipapataw sa 'yo, at sa isang pagkakamali lang ay maaaring dasalin mo na ang lahat ng chikabumbum magic spells na alam mo sapagkat walang makaliligtas sa red ballpen ni teacher.
Ano-ano nga ba ang mga makapanindig-balahibo at kakila-kilabot na mga hamong kinakaharap ng isang mag-aaral? Ito 'yong mga pangyayaring kung hindi mo pa nararanasan, e hindi ka estudyante.
¨ "Pasok lang, kaliwa't kanan pa po 'yan! Maluwag na maluwag pa! Sampuan po 'yan!" Ito 'yong karaniwang naririnig kapag papasok ng eskuwelahan, partikular sa mga sakayan ng jeep. 'Yong nasa gilid ka na nga, e halos pipiin ka na't hindi makahinga dahil sobrang ipinagsisiksikan pa ng barker na maluwag pa 'yong jeep kahit halos tumatagilid na sa biyahe. Hindi ka na makahugot ng pera sa bulsa mo kasi puwet na ng katabi mo 'yong nahahawakan mo. Sarap sabihing, "Sige, kuya, sa gulong na lang po ako!"
¨ "Ngayon ko lang nalaman, masyado pa lang active ang mga tigyawat sa sex. Daig pa ang FSOG." Kapag mayroon kang rashes, tigyawat, o anumang minor skin conditions (naks, sosyal!) at kung sa mahirap naman ay kurikong o bungang araw, naiinis ka kasi sinisira nila 'yong mood mo. Tipo bang kakagising mo pa lang, pagkatapos mong maligo, kapag nasa school ka't may picture taking kayo, at hanggang sa pag-uwi ay kasa-kasama mo 'yong mga tigidig mo sa mukha. Take note, wala silang sperm cells, ovary at egg cells pero daig pa nila ang mga tao kung magparami!
¨ "Magpapagupit ka o ako ang titira r'yan sa buhok mo?" Dedicated ito sa mga lalaking daig pa si San Goku sa kanilang hairstyle na halos maabot na ang clouds and heaven above. Ginagamit daw itong pamorma pero sa mata ng karamihan, 'yong mga trying hard d'yan na feeling pogi't magaganda dahil sa bangs nila o kung anumang abucheche sa buhok ay mukha lang adik sa kantong napadpad sa campus. Hindi sila nagagwapuhan o nagagandahan sa iyo kaya ka pinagtitinginan, sa halip ay natatawa sila sa 'yo. At kapag nahampas ka pa ng bagua ni Kris Aquino sa ulo at inulanan ka ng suwerte, gugupitan ka ng teacher mo at magmumukha kang sabog sa gitna ng flag ceremony.
¨ "Juan? I said, Juan! Absent na naman si Juan?!" Maraming mga JUANtamad students na hindi nakakapasok kinabukasan dahil may gimik with friendsters, twitters, instagramers, o hindi naman kaya'y laman ng mga computer shop at salon. Puwede ring naghihilik pa sa kama dahil napuyat kagabi kare-review sa notebook na wala namang laman kun'di "flames" at love letters. Tipo bang ang idadahilan mo, e kamamatayan ng Lolo o Lola mong anim na beses na yatang bumangon sa ataul para lang patayin mong muli.
¨ "Ikaw, ang pag-ibig na hinintay. Puso ay nalumbay nang kay tagal ngunit ngayo'y nandito na ikaw!" Slow motion. Katahimikan. Dahan-dahang pagtibok ng puso. Ilan lang ito sa mga karaniwanang nararamdaman mo kapag papalapit na sa 'yo ang taong nagugustuhan mo. Nakangiti siya sa 'yo kaya ngingitian mo rin, kinawayan ka kaya kinawayan mo rin, pero 'yong nasa likod mo pala 'yong binabati niya. At ang mas masakit, partner niya pa 'yon. #AkalaKoIkawNaZoned
¨ "1, 2, 3, go!" Ito 'yong mga estudyanteng pinaglihi sa mga runners (daig pa si Mayweather) pagdating sa kalsada. Mas gustong tumawid sa nakamamatay at makahulog-bilbil na highway habang magkakahawak kamay at sinasagap lahat ng dumi't alikabok ng mga sasakyan. Alangan naman kasing truck pa ang umiwas at umakyat sa footbridge mag-isa.
Kalakip ng pagiging etsudyante ang mga pagsubok. Para bang raffle ni tadhana, more entries, more chances of winning. Sa eskuwelahan, d'yan ka makakahanap ng mga kaibigan, kaaway, lovelife, inspirasyon at marami pang iba na siguradong kukumpleto sa teenage life mo na hindi mo na mababalikan kailanman. Every second counts, kaya pahalagahan mo ang bawat segundo mo bilang mag-aaral.
Worth it naman lahat, e. Kapag nadapa ka, 'wag na 'wag kang magdalawang-isip na bumangon. Kasabay nang pagbangon mo, lumaban ka ulit. Ipakita mong hindi sayang ang lahat ng pagod ng mga guro mo, na may natutunan ka't hindi lang puro baon at bulakbol ang habol mo sa eskuwelahan. After all, para sa kinabukasan mo rin naman lahat ng ito.
BINABASA MO ANG
WATTMAG: June 2015 UNVEILING THE NEW GENERATION
RandomWattMag_Ph June 2015: Unveiling the New Generation